‘Funhouses,’ restos, bawal muna ulit!
Kahit may bakuna na, COVID cases patuloy sa pagtaas!
MULING ipagbabawal sa buong Metro Manila ang pagbubukas ng mga restaurant, ‘funhouses’ at iba pang mga katulad na establisyamento kung saan natitipon ang mga tao sa susunod na dalawang linggo upang makatulong na muling maibaba ang pagtaas ng ‘COVID-19 infection sa buong rehiyon.
Ang paghihigpit ay batay sa napagkasunduan ng Metro Manila Council (MMC), kasabay ng pagpapatupad ng ‘unified curfew hours’ na epektibo sa araw ng Lunes, Marso 15, 2021, at magtatagal sa susunod na dalawang linggo o hanggang sa katapusan ng buwan.
Magsisimula naman ang ‘curfew’ sa ika-10 ng gabi hanggang alas singko ng madaling araw.
Batay sa pagsubaybay ng Department of Health (DOH), Metro Manila pa rin ang may pinakamataas na bilang ng ‘COVID-19 cases’ sa bilang na 256,895. Sumusunod naman ang Calabarzon na may naitalang 103,752 kaso; Region 7 (Central Visayas), 46,080 kaso; Region 3 (Central Luzon), 41,446 kaso; at, Western Visayas, 27,454 kaso.
Sa Metro Manila, nangunguna pa rin ang Quezon City na may kasong 48,198, kung saan nakapagtala ng bagong 3,585 na bagong sakit sa nakaraang 14 na araw.
Sumunod dito ang Maynila na may 33,003 kaso kung saan 2,847 ang naidagdag sa nakaraang 14 na araw.
Sumunod naman ang Pasay City na nakapagtala ng bagong kaso na 2,609 sa nakaraang 14 na araw.
“Nakakumpol” din sa Metro Manila ang tinamaan ng COVID-19 kung saan umakyat ang mga bagong kaso sa 20,196 sa nakaraang 14 na araw, kasunod ang Calabarzon na may 5,316 na mga bagong kaso.
Sa kabuuan, ayon pa sa DOH, umakyat na sa 621,498 ang kumpirmadong tinamaan ng COVID-19 sa bansa kung saan 48,147 sa mga ito ay ‘active cases’ pa rin; 560,512 ang gumaling habang 12,829 ang namatay.
Sa larangan naman ng pagbabakuna, iniulat din ng DOH na umaabot pa lang sa 114,500 ang aktwal na naturukan ng bakuna (first jab), kumpara sa populasyon ng bansa na halos 100 milyon.
Ang bilang ay napakalayo sa inaasahang kumpletong pagbabakuna sa may 70 porsiyento ng mga Pilipino upang maabot ang tinatawag na ‘herd immunity’ na kailangan upang ligtas na mabuksan ang ekonomiya at mga negosyo sa bansa.
Batay pa rin sa bagong regulasyon ng MMC, tanging ang mga sumusunod na negosyo ang puwedeng magbukas kahit may curfew:
Market delivery, Market bagsakan, Food take-out and delivery, Pharmacies (mga botika), Hospitals, Convenience stores, Delivery of goods, mga Business process outsourcing (BPOs) at mga katulad nitong negosyo.