Gapan City mayor kinaladkad sa Ombudsman!
Higit P193 milyon gastos “kulang” sa dokumento, hindi maipaliwanag?
PORMAL na sinampahan sa tanggapan ng Ombudsman si Gapan City, Nueva Ecija mayor, Emerson D. Pascual, at iba pang mga opisyales ng lungsod ng mga kasong korapsyon, paglulustay ng pondo at pang-aabuso sa kapangyarihan kung saan sangkot umano ang higit P193 milyon pondo ng Gapan.
Batay sa dokumento, isinampa ang kasong paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act); grave misconduct; gross neglect of duty; malversation of public funds; at, falsification of public documents, laban kay Pascual, Gapan City treasurer, Mauro Marcelo, Mauricio at Adrian Ongjoco, Simeona Villareal, Bienvenido Molas Jr, at Ma. Carina Araceli Bautista sa tanggapan ng Ombudsman noong Oktubre 22, 2021.
Ang mga reklamo ay isinampa naman nina Roman Ramirez, Francisco Torres Sr., Antonio DR Gomez at Reynaldo Linsangan Alvarez, pawang mga lehitimong residente ng Gapan.
Batay pa rin sa reklamo, lumalabas na may kabuuang P60,411,241 ang kabuuang ‘unliquidated cash advances’ ni Pascual at iba pang mga akusado, mula Setyembre 28, 2018 hanggang Disyembre 29, 2020, batay na rin sa ulat ng Commission on Audit (COA).
Ang hindi maipaliwanag na gastusin ay bukod pa umano sa P39,169,000.00 na ginastos ng Gapan sa pamamahagi ng ‘SAP’ (Special Amelioration Program) sa kasagsagan ng COVID-19 noong Abril 8, 2020 sa may 6,026 residente kahit hindi kumpleto ang dokumento. Ayon sa reklamo, ito ay paglabag sa PD 1445 at COA Circular 2012-001, series of June 14, 2012.
Kinuwestyon din ang ginawang pamamahagi ng sako-sakong bigas ni Pascual sa mga barangay ng Gapan noong nakaraang taon kung saan umabot ang gastusin sa P71,244,000.00.
Batay pa rin sa reklamo, wala rin umanong mga kaukulang dokumento na magpapatunay na ang mga nasabing halaga ay nagastos ng tama at sang-ayon sa mga itinatakda ng batas.
Ayon sa reklamo, lumalabas na walang pirma ang 254 sa mga umano’y benepisyaryo habang lagda lang ng iisang tao ang nakitang nakapirma sa 254 iba pa.
Sa mga hindi maipaliwanag na gastusin, noong 2018, wala umanong naipakitang mga resibo para sa halagang P5,493,916 ang tanggapan ni Pascual sa kabila ng pagtatanong ng COA. Ang halaga ay para umano sa ‘street lighting,’ ‘training,’ ‘conference,’ at ‘travels and snacks’ sa nasabing panahon.
Simula naman noong Enero 2020 hanggang Disyembre 19, 2020, nagpalabas din umano si Pascual ng kabuuang halaga na P81,362,475.00—P42,114,000.00 noong Enero hanggang Marso; P79,475.00 simula Oktubre 5 hanggang Nobyembre 5; at, P12,723,850.00 sa pagitan ng Disyembre 16 at Disyembre 29, 2020.
Batay pa rin sa reklamo, wala rin umanong mga kaukulang dokumento na magpapatunay na ang mga nasabing halaga ay nagastos ng tama at sang-ayon sa mga itinatakda ng batas.
Bilang reaksyon, sinabi naman ng kampo ni Pascual na wala pa silang natatanggap na kopya ng mga reklamo.
Sa maikling pahayag na natanggap ng People’s Tonight, nakahanda rin umano si Pascual na idulog sa Ombudsman ang kanyang sagot sa mga akusasyon laban sa kanya.
Si Pascual ay tatakbong kandidato bilang kinatawan ng ika-4 na distrito ng Nueva Ecija sa halalan sa susunod na taon matapos makumpleto ang kanyang 3-termino bilang alkalde ng Gapan.