MISTULANG wala nang makapipigil sa ambisyon ni Sen. Emmanuel ‘Manny/Pacman’ Pacquiao na maging pangulo ng bansa matapos kumpirmahin ng kanyang paksyon sa PDP-Laban na tatakbo itong pangulo kahit mag-isa lang o bilang isang ‘independent candidate.’
Ayon kay PDP-Laban (Pimentel wing) executive director, Ron Munsayac, nakahanda ang kanilang grupo sa ano mang ‘senaryo’ sakaling magdesisyon ang Commission on Elections (Comelec) at kahit ang Korte Suprema na kilalanin ang paksyon ni Pang. Duterte at Department of Energy (DOE) secretary, Alfonso Cusi, bilang “lehitimong” mga lider ng PDP-Laban.
Matatandaan na nagsumite ng bagong ‘SIUS’ (Sworn Information Update Statement) sa Comelec ang grupo ni Cusi noong Agosto 5, 2021, na naglilista ng mga “bagong opisyal” ng PDP-Laban, matapos sipain si Pacquiao bilang pangulo ng partido sa ginawang pagtitipon ng partido sa Clark, Pampanga, noong Hulyo 17, 2021.
Bagaman, mas naunang nagsumite ng kanilang SIUS sa Comelec ang kampo ni Pacquiao at Pimentel.
Ang desisyon kung “sino” ngayon ang “lehitimong liderato” ng PDP-Laban ay nasa kamay na ng Comelec (see also Pinoy Expose Issue No. 32/33).
Kampante naman ang grupo ni Pacquiao at Pimentel na “sila” ang kikilalanin ng Comelec batay sa naunang desisyon ng komisyon sa usapin ng liderato ng PDP-Laban noong 2019 sa pagitan ni Pimentel at Atty. Rogelio Garcia.
Sa nasabing usapin, kinatigan ng Comelec at Korte Suprema ang grupo ni Pimentel.
Sa kabila nito, nakahanda pa rin ang grupo ni Pacquiao sakaling “bumaligtad” sa kanilang posisyon ang Comelec at Korte Suprema kung saan kahit ‘independent candidate’ ay tatakbo pa rin aniyang pangulo ang Pambansang Kamao.
“Ready po siya. Ganyan po katibay ang prinsipyo ni Sen. Pacquiao,” ani Munsayac sa isang ‘virtual press conference.’
Kasama sa ginagawang paghahanda ni Pacquiao ay ang napabalitang plano nito na irehistro sa Comelec bilang ‘national political party’ ang kanyang ‘People’s Champ Movement.’
Matapos namang makabalik ng bansa, noong Linggo, Agosto 29, 2021, “sinibak” ng paksyon ni Pimentel at Pacquiao si Pang. Duterte bilang ‘party chairman.’ Pinalitan ni Pimentel ang Pangulo sa nasabing posisyon.
Muling sumabak sa boxing si Pacquiao noong Agosto 22, 2021, para sa World Boxing Association welteweight belt sa Las Vegas, Nevada, subalit nabugbog lang at natalo ng ‘unanimous decision’ kay WBA champion, Yordenis Ugas.
Katwiran pa ni Munsayac, inalis nila ang Pangulo upang “iligtas” ang PDP-Laban. ‘Overstaying’ na rin umano bilang PDP-Laban chairman si Pang. Duterte.
Aniya pa, walang balak si Pacquiao na umalis sa partido at mariing tinatanggihan ang alok na tulong at posisyon ng ibang partido pulitikal.
“Lahat ng ka-partido namin ay todo po talaga ang suporta kay Sen. Pacquiao,” pagbibida pa ni Munsayac.