TINIYAK ni Senador Imee Marcos sa mga nurses at mga ospital na may pondo ang gobyerno para tugunan ang hirit na dagdag na health care workers (HCWs), personal protective equipment, at mga quarantine facilities.
Sa gitna ng araw-araw na kaso ng Covid-19, sinabi ni Marcos na mayroong P33 billion na pondo ang gobyerno para dagdagan ang kapasidad ng mga ospital gayundin ang mga gamit para sa proteksyon ng mga health care workers,
Dagdag pa ng senadora, makababawas din ito sa kawalan ng trabaho lalo na ng mga rehistradong nars, kabilang ang mga pinauwing mga overseas Filipino workers (OFWs).
“Tama na ang penitensya ng ating mga doktor, nars, at may sakit.
“Ilabas na ang GAA (General Appropriations Act) 2021 Contingent Fund sa ilalim ng Office of the President na nasa P13 bilyon, at yung calamity fund o NDRRMF (National Disaster Risk Reduction and Management Fund) na P20 bilyon,” ani Marcos.
Ang panawagan ay ginawa ng mambabatas noong Abril 3, 2021, ‘Sabado de Gloria,’ kung saan kinumpirma rin ng Department of Health (DOH) na tumaas pa sa 15,298, ang tinamaan ng Covid-19, pinakamataas na bilang sa kasalukuyan.
“Kung kailangan ng nasabing emergency fund para bayaran ang health workers, bumili ng mga gamot para sa mga may sakit at pagtatayo ng dagdag na pasilidad, gawin na ngayon,” aniya pa.
Ang bilang ng mga nagkakasakit sa kasalukuyan aniya pa, ay sobra pa sa bilang na 6,638 na naitala ng World Health Organization noong Agosto 11, 2020.
Dismayado rin si Marcos sa patuloy na mabagal na pagbuo ng goyerno ng ‘medical reserve corps’ at mga karagdagang lokal na gawang medical equipment, na kapwa niya pinanukala sa kanyang Senate bills 1592 at 1708 noon pang Hunyo at Hulyo ng nakaraang taon.
“Wala rin silbi kahit dagdagan ang hospital beds at quarantine facilities kung hindi magdadagdag ng health care workers. Pagod at depress na sila at posible pang mahawa ng sakit,” ani Marcos.
Sa kasalukuyan, ang nurse-to-patient ratio ng bansa ay nasa 1:60, malayo sa ideal na ratio na 1:12 ng DOH, pansin pa ng mambabatas.
“Nasa Diyos ang awa, pero nasa tao ang gawa. Ngayon ang panahon para sundin ang mga babala at magdagdag na ng mas maraming health care workers,” paalala pa ng mambabatas.