Banner Before Header

Marcos: PCA ruling “mas pabor” sa mga Amerikano

0 269
KINONTRA ni Sen. Imee Marcos ang mga kritiko ng administrasyon sa maayos pa ring relasyon ni Pang. Duterte sa China, sa pagsasabing ang 2016 artbitral decision ang mismong nagpahina sa mga karapatan ng Pilipinas sa South China Sea.

“Ang arbitral decision ay hindi lang nagpawalangsaysay sa nine-dash claim ng China kundi nagpahina rin sa pag-angkin ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group (KIG),” ani Marcos, patungkol sa inilabas na desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) noong 2016.

Pormal na isinama ng Pilipinas ang KIG sa Spratly sa mga teritoryo nito sa isang dekreto na inilabas ng kanyang ama, si dating Pang. Ferdinand Marcos, noong 1978.

Idineklara sa 2016 arbitral ruling na ang mga maritime features sa Spratly, na tinawag ng Pilipinas na KIG, ay pawang mga bato lamang at hindi isla, ayon na rin sa depinisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

“Base sa nasabing deklarasyon, ilan sa mga bato doon ay may territorial sea ngunit lahat sila ay walang EEZ (exclusive economic zone). Ito ang impormasyong matagal nang ayaw iklaro ng mga nabigong maitulak ang diplomasya at nagsusulong pa ng mas maingay na kumprontasyon sa China,” ani Marcos.

“Dahil walang EEZ ang mga bato sa KIG, mas malawak na ang lugar na pwedeng isagawa ng U.S. ang kanilang mga FONOPS (Freedom of Navigation Operations) na walang permiso sa Pilipinas,” paliwanag pa ng mambabatas.

“Sabay na napaliit ang lugar na maaring isama ng Pilipinas sa ilalim ng ating Mutual Defense Treaty (MDT).

“Isipin niyo, wala namang baybaying dagat ang U.S. sa South China Sea at hindi rin ito lumagda sa UNCLOS,” paliwanag ni Marcos.

Ang mga teknikal na limitasyon sa arbitral ruling at ang mga pampulitikang relasyon sa iba’t-ibang bansa ang magpapahirap sa Pilipinas para makahingi ng ginhawa sa United Nations General Assembly (UNGA), aniya pa.

“Ang unang limitasyon ay ang isyu sa soberanya na lampas sa saklaw ng arbitral court, kaya hindi pa rin tapos ang isyu ng pag-angkin sa teritoryo.

Bunga nito, ang China man o Pilipinas ay walang linaw na pagkikilala ng iba’t-ibang bansa sa pag-aari nito sa ilang maritime features sa South China Sea, kung saan ang iba rito’y inaangkin din ng Brunei, Malaysia, Taiwan at Vietnam,” ayon pa kay Marcos.

“Ang ikalawang limitasyon ay hindi humingi ang Pilipinas ng danyos sa mga reklamo nito sa China. Hindi ito naisama sa huling isinumite ng Pilipinas, bagamat orihinal na kasama sa Notification at Statement of Claims na pinasa ng DFA (Department of Foreign Affairs) noong Enero 2013,” sabi pa ni Marcos.

“Ang ikatlong limitasyon ay walang kapangyarihan ang arbitral court na ipatupad ang desisyon nito dahil wala itong tinatawag na “enforcement mechanism” o katumbas na pulis kumbaga, na eksaktong tanong din ni Pang. Duterte kung paano at ano ang dapat ipatupad?” ayon kay Marcos.

Aniya pa, kung nangyari ang gusto ng mga kritiko na dalhin ng Pilipinas sa UN General Assemably ang usapin, “ibabatay lang ng mga bansa ang kanilang boto sa kanilang mga interes, na karamihan ay nakakabit sa pamumuhunan ng China para sa Belt at Road Initiative nito.”

Miyembro rin, aniya pa, ng UN Scurity Council ang China na may kapangyarihan na harangin (veto power) o baligtarin ang ano mang desisyon na hindi pabor dito.

Sinabi din ni Marcos na lalong di-mabibigyang prayoridad ang sigalot ng Pilipinas at China bunsod ng mga kasalukuyang at mas kagyat na kaganapan tulad ng lumalalang giyera sa Israel at Palestine at ang patuloy na kaguluhan sa Myanmar.

“Malinaw na dapat magpatuloy ang bilateral negotiations. Hindi gumaganti ang China gamit ang mga economic sanctions at ‘di rin binawi ang mga donasyong bakuna.

“Nangangahulugan ito na nananatiling bukas at matatag ang ating komunikasyon at dapat pa ngang pairalin,” ani Marcos.

Leave A Reply