Banner Before Header

‘PEDI-GRAB’ ILULUNSAD NI ISKO SA MAYNILA

0 709

MANILA–Upang hindi na umano magmukhang “dugyot” at tumaas ang dignidad ng mga padyak driver, nakatakdang ilunsad sa Lungsod ng Maynila ang “taxi-cle” o “pedi-grab” bilang kapalit ng mga lumang pedicab.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, sa halagang isang piso bilang downpayment ay maaari nang magkaroon ng pamasadang tri-wheel motorized vehicle na tinawag niyang “taxi-cle” o “pedi-grab” ang isang pedicab driver.

Sa serye ng kanyang pakikipagpulong sa Pedicab Operators and Drivers’ Association (PODA), sinabi ni Moreno na marami nang padyak driver ang nagpahayag ng interes sa ilalabas na pedi-grab.

Sinabi ng alkalde na isang pribadong kompanya ang maglalabas ng 2,000 units ng “Corona edition” na pedi-grab para sa pedicab drivers ng Lungsod ng Maynila.

Aniya, sa kasalukuyang regulasyon ay pinapayagan lamang ang isang pedicab na magsakay ng isang pasahero.

Ngunit sa bagong motorized vehicle, papayagan sila na magsakay ng dalawa hanggang tatlong pasahero pero nasusunod ang social distancing requirement.

“Para matapos na ang panahon na padyak nang padyak araw-araw. Mas ligtas ito, may insurance pa na five years kaya walang kaba ‘yung pasahero anuman ang mangyari o kung nasira yung sidecar,” ayon kay Mayor Isko na minsan ay naging sidecar driver noong kanyang kabataan.

“Nasa kanila kung tingin nila eh tataaas ang antas ng kanilang hanapbuhay o kung gusto nilang ganun na lamang sila. Ako kasi bilang dating sidecar boy, kung ako ay mabibigyan ng gobyerno ng ganyang pagkakataon, bakit hindi? Basta ako, hindi ko i-introduce kung malalagay kayo sa alanganin,” dagdag ng alkalde.

Base sa inisyal na plano, magkakaroon ng pedi-grab ang isang side car driver sa halagang P1 lang na down payment pero huhulugan niya ito nang P188 kada araw hanggang sa kanyang matapos.

Kada yunit nito ay mayroon nang built-in acrylic dividers na maghihiwalay sa mga pasahero, hindi lamang upang magsisilbing proteksiyon sa COVID-19 kundi maging sa init ng araw at ulan dahil mayroon itong bubungan.

Nabatid pa kay Moreno na kapag kumuha na ng yunit ang isang driver, bibilhin naman ng lokal na pamahalaan ang kanyang lumang pedicab sa parehas na presyo at sisirain mismo sa kanilang harapan.

Leave A Reply