Mike D. atras kay Mayor Joy kung…
NAKAHANDA si Anak Kalusugan Partylist Rep. Michael ‘Mike’ Defensor na huwag labanan sa ano mang tatakbuhang posisyon sa darating na halalan si Quezon City mayor, Joy Belmonte.
Sa nakaraang ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC), tiniyak ni Defensor na hindi siya magiging banta sa alkalde basta lang maipaliwanag ni Belmonte ang mga naging gastusin ng kanyang administrasyon ngayong panahon ng pandemya.
“I assure her, I will not contest any position in Quezon City that she is seeking next year for as long as she can satisfactorily explain where the money went,” ani Defensor.
Aniya pa, sa mga impormasyong nakakarating sa kanya, “bilyones” na ang mga nagastos ng Quezon City government na sinasabing pulos ‘overprice’ at may malaking ‘tongpats’ dahilan upang lumobo ang gastos ng City Hall.
Binigyang halimbawa ni Defensor ang mga naging pagbili ng mga ‘face shield’ at mga ‘sanitary spray’ ng administrasyong Belmonte noong nakaraang Disyembre 2020, na umabot sa higit P49 milyon (see also Pinoy Exposé Issue No. 32/33).
Sa nasabing forum, ipinakita ni Defensor ang kopya ng isang ‘PO’ (purchase order’) ng Quezon City kung saan nagbayad ng kabuuang P49.240 milyon ang Lungsod Quezon sa ‘Strength Medical and Drug Supply,’ isang ‘single proprietorship’ na umano’y may tanggapan sa Novaliches, Quezon City.
Ang transaksyon ay sa ilalim ng PO Number 2012367 at may petsang Disyembre 21, 2020.
Ang nasabing PO ay lumalabas na pirmado ni Belmonte patungkol sa pagbili ng Quezon City LGU ng 400,000 piraso ng ‘face shield’ sa halagang P67.50 bawat isa (P27 milyon) 32,000 piraso ng ‘disinfectant spray’ sa halagang P695 bawat isa (P22.240 milyon).
“Eh, noong Disyembre (2020), P5 na lang ang presyo ng face shield,” pansin pa ni Defensor.
Ayon pa kay Defensor, batay sa mga dokumentong ibinibigay umano sa kanya ng mga ‘well-meaning employees’ sa Quezon City Hall, “mahigit” isang bilyong piso ang kanilang nasilip na ‘tongpats’ sa mga transaksyon ng administrasyon ni Belmonte.
Idinagdag pa ni Defensor na kahit sa pagbili ng mga de-latang pagkain, “mas mura” pa ang presyo ng mga ito sa ‘Puregold’ at mga grocery store sa lungsod kumpara aniya sa binayaran ng Quezon City LGU.
Pangamba pa ni Defensor, maaring may mga katulad na pangyayari sa iba pang mga LGUs sa iba pang panig ng bansa.
Sa pagsisimula naman ng budget hearing ngayong buwan ng Setyembre, tiniyak ni Defensor na tatanungin niya ang Commission on Audit (COA), partikular na ang COA office sa Quezon City Hall hinggil sa mga nasabing transaksyon.
Naniniwala si Defensor na “hindi” alam ng COA Central Office ang mga ginagawa ng mga tauhan at opisyales nito na nakatalaga upang magbantay sa pondo ng lungsod.
“Pati COA Quezon City, ipapatawag ko (para maimbestigahan sa Kongreso). To be fair, walang alam ang COA central office sa mga nangyayari at balita ko pa, ‘natataranta’ na ang COA Quezon City dahil lahat ng dokumento, hinihingi na ngayon ng COA main,” paliwanag pa ng mambabatas.