Banner Before Header

Mga lumang dyip ‘di pa makabibiyahe

0 487
By MIKE TABOY

 

MANILA–Ayaw pa rin talaga payagan na makabiyahe ang mga lumang jeep sa Lunes (June 22).

Ang papayagan lamang bumiyahe at magsakay ng komyuter ay ang mga modernong public utility vehicles (PUVs) o modernong jeepneys, ayon kay Presidential spokeperson Harry Roque.

KONTING BARYA LANG PO!–Nanghihingi na lang ng kaunting barya ang mga jeepney driver na ito sa kanto ng Rizal Avenue at Blumentritt dahil nakatengga lang ang kanilang mga pampasada.

Pero sinabi ni Roque na kung sakaling kapusin ang masasakyan ay baka maaari ring pag-aralan na payagan ang mga tradisyonal na jeep para makabiyahe ngunit dapat ay nasa maayos itong kondisyon.

Ibig sabihin ni Roque, bawal ang mga kakarag-karag o siraing jeep sa lansangan.

“Now pinapayagan sa second phase ang modern PUVs po ‘no at kung kukulangin, maaaring payagan ng LTFRB ang traditional jeepneys, provided, they are road worthy….Siyempre hayaan nating pag-aralan pa iyan ng LTFRB),” ani Roque.

Ipinaliwanag ni Roque na nananatiling nasa general community quarantine ang Metro Manila kaya calibrated o partial ang pagbiyahe ng mga pampublikong sasakyan.

“Ulitin po natin, nasa GCQ pa rin tayo. Ang ating istra­tehiya sa pampublikong transportasyon ay calibrated, partial and in phases. Mayroon po tayong tinatawag na hierarchy of transport modes na makikita ninyo sa infographics ‘no. Nasa dulo po ang traditional PUJs, ang prayoridad po, ang mga bus, tapos modern PUVs, tapos jeepneys and tricycles,” sabi ni Roque.

WALANG TULONG SA MGA PULITIKO–Masama ang loob ng senior citizen na ito na naghahanapbuhay pa rin bilang pampublikong tsuper dahil wala rin silang nakukuhang tulong mula sa mga pulitikong kanilang inihalal noong nakaraang eleksyon. Ang nais nila ay makapamasada at hindi manlimos ng barya-barya.

Nilinaw din ni Roque na bagama’t pinapayagan na ang mga modernong PUVs, hindi pa rin papayagan ang mga angkas sa motor.

Pinag-aaralan pa ng Department of Health ang iprinisintang “special suit” na isusuot ng driver ng angkas at kung sapat ito para magbigay ng proteksyon sa kabila ng ipinatutupad na social distancing.

Umiiyak na ang mga jeepney driver sa kanilang kasalukuyang kaawa-awang kalagayan sapagkat wala na silang maipakain sa kani-kanilang pamilya.

May isang grupo ng jeepney driver na gumawa ng tila piket sa Rizal Avenue at Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila, hindi upang magwelga, kundi upang “mamalimos” ng kaunting tulong sa mga taong dumaraaan habang sila ay wala pang pasada.

Ayon sa isang tsuper na itago natin sa pangalang “Mang Kanor”, ang tanging nais lang nila ay patuloy na makapag-hanapbuhay sa pamamagitan ng pamamasada ng jeep at hindi magmukhang walang silbi sa mata ng lipunan.

“Ako kahit matanda na ako, gusto ko pa ring kumayod nang may dangal at malinis. Pero kami po ay gipit na gipit na. Maawa naman po sana sila sa amin,” ang maluha-luhang pahayag ni Mang Kanor.#

Leave A Reply