Banner Before Header

‘P29-B tanong’ Sa Likod Ng August School Opening

Kaya ba minamadali?

0 506
By Pinoy Expose News Team
Milyon-milyong magulang ng mga mag-aaral sa pampubliko at pampribadong paaralan ang dismayado sa pagpupumilit ng Department of Education (DepEd) na ipagpatuloy ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24 para sa taong 2020 hanggang 2021.
Hindi lang mga magulang, ultimo mga guro at ilang stakeholders ay hindi pabor na ituloy ang klase sa Agosto dahil na rin sa katotohanang hindi pa handa ang lahat na simulan ito.
Ayon sa isang mapagkakatiwaliang source ng Pinoy Expose, hindi dapat isantabi ni Sec. Leonor Briones ang mga pangamba at katanungan ng mga magulang sa pagpapatuloy ng klase sa harap ng pandemya lalo’t nakasalalay rito ang kaligtasan at buhay ng kanilang mga anak.
Pero ang matindi ay ang isiniwalat ng source na dahilan kung bakit ipinipilit ng DepEd na simulan ang klase sa Agosto gayong maaari naman itong ipagpaliban.
Nabatid na kahit may batas na nagsasabing kailangang buksan ang klase nang hindi lalagpas sa katapusan ng Agosto, kung gugustuhin ng DepEd ay maaari nilang irekomenda kay Pangulong Duterte na iliban muna ito hanggang hindi nakatitiyak na maayos ang lahat at ligtas na sa virus ang mga estudyante.
Anang impormante, may malaki kasing halaga ng pera na nais makuha ang DepEd officials kaya nais nitong ituloy ang klase kahit malagay pa sa alanganin ang buhay ng mga mag-aaral.
Sinabi niya na alam na talaga ng DepEd na magkakasablay-sablay ang mga guro sa gagawing “blended learning” dahil sa kawalan ng marami sa kanila ng kagamitan sa pagtuturo kagaya ng computer at laptops kaya dito na papasok ang panghihingi ng ahensiya ng badyet.
Ayon sa source, nasa 29 bilyong piso ang hihingin sa gobyerno ng DepEd para ipambili ng computers at laptops na ipamimigay umano sa public school teachers.
Malaking kalokohan aniya ito at pag-aaksaya ng salaping bayan dahil kahit may computer at laptops ang mga guro, hindi rin ito mapakikinabangan sa “online classes” kung wala  namang koneksyon ng internet o palpak ang internet provider sa isang lugar.
Anang source, sobrang laki rin ng P29 bilyong kung ipambibili ng gadyet para sa mga guro.
“Ang malinaw ay may gustong magkapera sa nasabing badyet. Sino ang kausap nila sa bibilhing produkto?” ayon sa source.
Wala naman aniyang problema na bigyan ng computer at laptops ang mga guro pero malaking sablay pa rin ang mangyayari kapag ipinilit ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24.
Sinabi niya na ang “blended learning” na klase ay anti-teacher, anti-parents, anti-students at anti-poor sa kabuuan.
Anti-teachers umano ito dahil parusa sa mga guro ang sabay na pagtuturo nang face-to-face at sa online.
“Stress ang aabutin ng mga kawawang titser. Wala silang magagawa kundi ang sumunod,” ayon sa source.
Anti-parents naman dahil sa katotohanang nahaharap pa sa krisis ang maraming pamilya dulot ng pandemya.
Imbes magabayan ang kanilang anak sa “online class”, maraming magulang ang mas magiging abala sa pagkayod sa trabaho.
“Mahirap o mayaman, wala namang parents na ayaw makapag-aral ang kanilang anak kahit na sa ano’ng paraan. Pero kailan din nilang kumayod. Sino ang maiiwan sa bahay para gabayan ang kanilang estudyante,” aniya.
Lalo aniyang anti-mahirap ang “blended learning” dahil maraming mag-aaral na nasa liblib na lugar ang tiyak na walang computer o laptops.
“Kahit pa sa learning modules, sino ang gagastos sa imprenta ng lesson? Ang teacher? Ang estudyante?” ayon sa source.
Hindi rin aniya puwedeng asahan ang TV at radio learning dahil ang istasyon ng gobyerno na PTV at IBC ay hindi masagap ng antenna sa maraming lugar sa bansa, lalo sa mga probinsiya.
Isang public school teacher ang nagsabi na sadya lang mapahihirapan at “mangangamote” ang mga estudyante sa darating na “pasukan” dahil mismong ang DepEd, lalo ang mga gurong naatasan ay hindi pa nakahanda sa ngayon.
“Mukhang ‘yan naman talaga ang gusto ng DepEd, yung magkandahetot-hetot sila para mai-justify ang paghingi ng 29 bilyong badyet,” ang pahayag ng impormante.
Leave A Reply