IPINAMUKHA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kritiko na ang pandemya o ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang kaaway at hindi ang pamahalaan ng Pilipinas.
“Sabi naman ng iba, ‘Paano ba itong gobyernong ‘to?’ Gamitin mo nga utak mo p— ina. COVID is the enemy, not government,” anang Pangulo sa kanyang televised meeting sa Malacañang dahil na rin sa panawagang 2 linggong “timeout” ng medical workers sa Metro Manila.
“Government is trying to control [COVID-19]. In fact, government put you in prison in your house kaya lang anong nangyari? Maraming hindi sumunod,” ayon sa Chief Executive.
Gayunman, taliwas sa pagtawag ng government officials sa Filipino bilang “pasaway”, lumalabas sa ilang survey na masunurin ang mga Pinoy pagdating sa usapin ng pag-oobserba sa health protocols.
Sa July survey ng Social Weather Stations, lumitaw na 76 percent ng adult Filipinos ang patuloy na sumusunod sa minimum health standards.
Sa isa pang survey ng London-based group, sinasabing 91 porsiyento ng Filipino ang nagsusuot ng face masks kahit saan mapunta at 83 porsiyento ang palagian o regular na naghuhugas ng kamay.
Samantala, muling idinepensa ni Duterte si Health chief Francisco Duque III sa gitna ng mga panawagan na magbitiw na ito.
“Anong kasalanan ng tao? He did not import COVID. He was there all the time and ang infection was overwhelming not only for the Philippines,” depensa ng Pangulo kay Duque.
Binabatikos ng mga senador at medical groups ang liderato ni Duque dahil sa sunod-sunod na kapalpakan sa pagsugpo sa COVID-19 cases. PEN