Banner Before Header

‘Stop order’ sa ‘Starhorse RO-RO’ sa Masbate lumikha ng gulo

Ni: Bambi Purisima

0 1,252
MAGHAHAIN ng reklamo sa Malakanyang at sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang ilang grupo ng mga residente sa bayan ng San Pascual, Masbate province, matapos magpalabas ng dalawang resolusyon ang Sangguniang Bayan na inuudyukan ang Maritime Industry Authority (MARINA) na bawiin ang lisensiya ng Starhorse Shipping Lines, Inc. (SSLI).

Nabatid ng pahayagang ito na ang pag-apruba sa dalawang resolusyon, na inihain ni Kon. Rani Laurian Sia, ay pinangunahan nina SB presiding officer, vice mayor Haira Rivera at Secretary Ernani Lazaro.

Una nang nabigyan ng ‘missionary route’ ng MARINA ang kumpanya na may rutang San Andres, Quezon; San Pascual, Masbate at Pasacao, Camarines Sur. Matatagpuan naman sa Lucena City ang punong tanggapan ng SSLI.

Idinahilan ng pagpapatibay sa dalawang resolusyon ang matagal na paghinto ng operasyon ng Starhorse nang magsimula ang pandemyang Covid-19 noong Marso 16, 2020.

Paliwanag naman ni Sia, “inihinto” ng SSLI ang biyahe nito sa loob ng 11 buwan, mula Marso 17, 2020 na umabot sa  Pebrero 17, 2021 at ito ay nagdulot ng malaking perwisyo sa mga mamamayang umaasa sa maayos na biyahe sa barko sa nasabing ruta.

Nabatid naman sa mga sources na ang naipasang resolusyon ay sa “udyok” umano nina Masbate Gov. Antonio Kho at San Pascual Mayor Maxim Lazaro.

Ang mga ito ay ang ‘M/B Maxim’ na pag-aari ni Lazaro at ang ‘Kho Shipping Lines’ nap ag-aari naman ng gubernador at parehong may operasyon sa Masbate. “Magka-alyado” rin umano sa lokal na pulitika ang dalawa.

Ang ama naman umano ni Sia na Masbate provincial attorney ang abala sa pag-aasikaso na makansela ang CPC (certificate of public conveyance) ng SSLI.

‘Niratrat ng bala’

Ayon naman sa SSLI, hindi nito kagustuhan na matigil ang serbisyo dahil ito ay batay na rin sa inilabas na kautusan ng MARINA noong isang taon na ipinatigl ang operasyon ng mga sasakyang pandagat dahil sa pandemya.

Bago ito, sinabi pa ni Merian Reyes, may-ari ng SSLI, na noong Pebrero 17, 2020, “pinasabog” ng mga di-nakilalang armadong lalaki ang M/V Virgen de Peñafrancia VI na nakadaong sa Port of San Pascual.

Pinasabog ng ‘rifle grenade’ ang Penafrancia at natadtad ito ng mga bala kung saan nasira ang air-conditioning condenser nito at iba pang mahahalagang bahagi ng barko.

Sinusulat ito, hindi pa nalulutas ang insidente.

Ayon pa kay Reyes, isang uri ng “panggigipit” ang dinaranas nila sa mga lokal na opsiyales ng Masbate at ang desisyon ng konseho na ipatigil ang kanilang operasyon ay naglalagay sa panganib sa maraming buhay ng mga residente ng Masbate at Camarines Sur na napipilitang magbiyahe na sakay ng mga bangka at batel patawid sa maalong dagat sa Masbate Strait.

Binanggit ng SSLI na batay pa rin sa Memorandum Circular No. 05-2019-02 ng MARINA, ipinagbabawal ang operasyon ng  “existing motorbancas/motorboats or other wooden hulled ships operating in RORO missionary routes.”

Bagaman nagbalak umanong makabalik agad sa operasyon ang SSLI sa San Pascual, subalit hindi rin ito nangyari matapos ilabas ni Kho ang ‘Executive Order 211’ noong Enero 2020 na direktang ipinagbawal ang operasyon ng mga sasakyang pandagat sa Port of San Pascual.

“In June 2020, Masbate Provincial Governor Antonio Kho, who also operates a shipping company, issued Executive Order No. 211 which excludes the Port of San Pascual among the designated ports of entry within Masbate stopping us from resuming our operation in the said missionary route,” paliwanag pa ni Reyes.

Suporta mula sa Masbate Netizens

Sa kabila namang gipit na sitwasyon, sinabi ni Reyes, na “ipinagpapatuloy” niya ang operasyon ng SSLI “dahil ito ang kahilingan ng mga residente ng San Pascual at ng Pasacao.”

“Sila ang dahilan kaya nag-ooperate pa kami. We would have stopped operating there a long time ago for fear of our lives and safety of our ship,” aniya pa.

Marami namang netizens ng San Pascual, partikular ang website na ‘Bagong San Pascual Kontra Katiwalian,’ ang nagpahayag ng kanilang suporta sa SSLI.

Ito ang nakasulat sa Facebook account ng netizen: “Why is the Sangguniang Bayan of San Pascual so adamant and persistent in its effort to get rid of Starhorse Shipping Lines’ Missionary Status?

“May matino na sanang mode of transportation para sa ating mga kababayan subalit parang pilit namang naghahanap ng dahilan ang lokal na pamahalaan upang MAKANSELA ang missionary status ng barko ng naturang kompanya.

“Mga kababayan, papayag pa ba kayo na muling manaig ang panlalamang at maghari ang mga opisyal na sariling interes ang pinapahalagahan?  Who is behind this manipulation?”

Sinusulat ito, wala pang opisyal na pahayag ang kampo nina Kho at Lazaro tungkol sa usapin.

Leave A Reply