PINAGPAPALIWANAG ni Sen. Imee Marcos ang National Economic Development Authority (NEDA) at Philippine Statistics Authority (PSA) kung bakit isang banyagang kumpanya na nababahiran ng mga kontrobersya ang nanalong bidder para sa national ID system.
Aniya pa, kailangan ang paliwanag ng NEDA at PSA matapos niyang mabuking na “binago” ang mga panuntunan sa kalagitnaan ng ‘bidding process’ at nagmistulang “tailor fit” sa nanalong kumpanya ang buong proseso.
“Baka matulad na naman ito sa Smartmatic”, ani Marcos, sabay giit na ang kumpanyang ‘Madras Security Printers’ ng India at ang Philippine partner nito na Mega Data Corporation na lang ang natirang kuwalipikadong bidder matapos mabago ang bidding rules.
“Kung maipaliliwanag kaagad ito ng NEDA at PSA, mababawasan ang agam-agam ng publiko sa gagawing pre-registration ng national ID na nakatakda nang simulan sa Lunes (October 12) gayundin ang time target na maiparehistro ang 40 milyong mga Pilipino sa susunod na taon at ang kabuuan ng bansa sa kalagitnaan ng 2022,” ani Marcos.
Ang orihinal na bidding requirement ay dapat may on-premises system na may siguradong naka-set up na data center sa mapipiling lugar, pero nabago ito at napagpasyahang magkaroon din ng remote hosting ng data sa isang cloud-based system.
Nagback-out ang ibang bidder sa ginawang selection process, dahil gipit na sa panahon para baguhin at ayusin ang kanilang logistics at financial bid proposals at makahabol sa tinakdang deadline na ni-reset ng PSA, ayon sa Philippine Computer Society Foundation.
Iginiit ni Marcos na nananatiling tadtad ng kontrobersya ang Madras sa mga kontrata nito sa ibang mga bansa, tulad ng lumabas na balita sa Bangladeshi media nito lang Hulyo na ang nasabing Indian firm ay bigong makapag-deliver ng halos 500,000 cards para sa driving license project ng Bangladesh Road Transport Authority.
Dahil sa kapalpakan, napilitan ang gobyerno ng Bangladesh na saluhin at akuin ang gastos para matapos lang ang proyekto.
Iniulat din ng African Media na ang Madras ang nagbigay sa Kenya Bureau of Standards ng markang de-kalidad ang stamp, gayong madali itong magalaw dahil gawa lang ito sa ordinaryong adhesive paper na nagpalala pa sa pagpasok sa bansa ng mga puslit na produkto.
“Kailangan mas abante tayo at handa kontra sa pagnanakaw ng mga identity o pagkakakilanlan at mga financial fraud, magmula sa mahusay na pagpili ng klase ng ID card material, system installation at maintenance,” diin ni Marcos.
Dagdag pa ni Marcos, polycarbonate na ang materyal na gamit sa mga driver’s license hanggang sa pasaporte sa Sweden, Finland, Switzerland at UK gayundin sa mga kapitbahay na bansa natin tulad ng Singapore at Malaysia.
“Ang integridad ng ating eleksyon, seribisyo ng mga bangko, healthcare insurance, contact tracing at paghahatid ng mga ayuda ng gobyerno ay ilalagay sa peligro ng isang palpak na National ID system,” babala ni Marcos, sabay diin at paalala na pangmatagalang gagamitin ng mga Pilipino ang national ID card.
Sa panayam pa ng Pinoy Exposé, sinabi ni Marcos na di birong halaga na aabot sa bilyon-bilyong piso kada taon, ang gagastusin ng gobyerno ng Pilipinas para sa national ID project kaya marapat na matiyak na maayos ang mga materyales na gagamitin para dito bukod pa sa pagtitiyak ng integridad ng mga datos ng bawat Pilipino.