Banner Before Header

‘NCAP’ sa Kyusi babaklasin din ni Defensor

‘Excise tax’ sa petrolyo, alisin na muna—Ariel Lim

0 430
KATULAD ni Manila mayoralty candidate, Atty. Alex Lopez, makakaasa rin ng kaluwagan ang mga residente ng Quezon City mula sa pewisyong dulot ng ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP), sakaling manalong alkalde si Rep. Michael ‘Mike Defensor.’

Sa ginanap na ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) noon Biyernes, Marso 11, 2022, sinabi ni Leonardo ‘Jun’ de Leon, lider ng ‘Laban TNVS’ (Transport Network Vehicle Services) at kasama sa tiket ni Defensor bilang kandidatong konsehal sa unang distrito ng Quezon City, mistulang “nahoholdap” ang mga motorista sa nasabing sistema na aniya pa ay mabilisang ipinasa ng konseho ng QC at kulang sa kailangang public hearing.

Pormal na ipinahayag ang pagsisimula ng NCAP sa Quezon City noong Oktubre 11, 2021; nagsimula naman ang NCAP sa Maynila noong Disyembre 2020.

“Maliwanag na ‘holdap’ yan,” ani de Leon, bilang paglalarawan sa operasyon ng NCAP.

Aniya pa, ang pagpapatigil sa NCAP sa Quezon City—at paglulunsad ng imbestigasyon sa naging operasyon nito– ang isa mga prayoridad ni Defensor, sakaling manalong mayor sa eleksyon sa Mayo 9, 2022.

“Ang palaging pahayag ni “(Mayor) Defensor, ipapatanggal niya agad itong NCAP na ito.”

Para aniya kay Defensor, “mayaman” ang Quezon City at kayang bumili ng mga CCTVs para sa sariling pagpapatupad ng NCAP at hindi na kailangan pa ang mga pribadong kontraktor.

Katulad ni Lopez sa Maynila, kinukuwestyon din ng kampo ni Defensor ang desisyon ng tanggapan  ni QC mayor, Joy Belmonte, na kumuha ng pribadong kontraktor para sa NCAP kahit kaya naman itong ipatupad ng lokal na pamahalaan.
Bunga ng pinasok na kontrata, hamak aniyang higit na mas malaki ang ‘penalty’ sa mga motorista, kumpara sa opisyal na listahan ng multa ng Land Transportation Office (LTO).

“Naging times ten na ang multa; from P200 naging P2,000 to P5,000 na,” ani de Leon.

Bukod sa umano’y personal na “pambabastos” sa kanya ni Belmonte matapos tanggihan siyang kausapin hinggil sa kanilang pagtutol sa NCAP, “minadali” rin umano ng konseho ng QC ang ordinansa para sa NCAP na umabot lang ng tatlong linggo ang proseso.

“First week, first reading, sumunod na linggo, second reading na agad at sa third week, naipasa na,” ani de Leon. “Ganun kabilis kasi napakalaking pera ang involved dito.”

Katulad pa rin ni Lopez, binanggit ni de Leon na “nakakalungkot” ang ginawa ng administrasyong Belmonte na magpatupad ng NCAP sa panahong nakasubsob sa pandemya ang bansa.

Kulang sa konsultasyon at mali ang proseso

Para naman kay Ariel Lim, lider ng ‘National Public Transport Coalition,’ mali ang implementasyon ng NCAP na aniya ay dapat dumaan sa paghimay ng Kongreso at Senado bago ipinatupad.

Aniya, hindi sapat na ang mga nangyaring public hearing sa NCAP ay nangyari lang sa Quezon City dahil dumadaan sa mga kalye nito ang iba’t-ibang sasakyan mula sa iba pang panig ng bansa.

“Paano ‘yung mga nasa probinsiya na hindi naman alam ang batas na ito dahil ‘localized’ dahil isa lang itong ordinansa,” tanong pa niya.

Hindi rin umano wasto na mas mataas pa ang mga bayarin sa NCAP kumpara sa sinisingil ng LTO sa mga nahuhuling lumalabag sa mga batas-trapiko.

 “Bakit ang penalty nito, mas mataas pa sa penalty ng LTO? Bakit pinayagan ng LTO na sumali sila dito, eh sila ang nawalan kapag hindi nakapag rehistro ang sasakyan sa laki ng penalty sa NCAP.”

Aniya pa, dapat mabusisi ng Kongreso ang sobrang kapangyarihan na ibinigay sa mga LGUs sa pagpapatupad ng NCAP.

Samantala, nanawagan din ang grupo nina de Leon at Lim na suspindihin na muna ng gobyerno ang pangongolekta ng ‘excise tax’ sa mga produktong petrolyo, partikular na sa diesel at gasolina.

Ayon kay Lim, agaran itong magreresulta ng pagtapyas ng P9 na piso sa presyo ng bawat litro ng diesel at gasolina.

Aniya pa, makatwiran ang kanilang hiling dahil na rin sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan na pinalubha ng kasalikuyang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ang pagsuspindi sa excise tax ay nakasaad din aniya sa ilalim ng ‘Oil Deregulation Law.’

Leave A Reply