Pagbuo ng ‘SGH’ dapat ngayong Oktubre—IATF
PORMAL nang lumiham si dating AFP chief, Carlito Galvez, kay South Cotabato governor, Reynaldo Tamayo, para sa agarang paglilipat ng administrasyon ng ‘Upper Valley Community Hospital’ (UVCH) sa Department of Health (DOH) matapos ang pagkabalam sa nakaraang dalawang taon.
Ayon sa sulat ni Galvez, ang ‘chief implementer’ ng National Task Force Against Covid-19’ na may petsang Oktubre 7, 2020, hinimok si Tamayo na ipasa na sa DOH ang administrasyon ng UVCH na matatagpuan sa Surallah, South Cotabado, sa nalooban ng kasalukuyang buwan.
“While we understand that there are a number of actions that must be undertaken to fully turnover the management, operation and supervision of the hospital (UVCH) to the DOH, there is also a need to fast track its turn-over… by the end of October for it to benefit from DOH funding and enable it expand its services,” anang sulat.
Bago ito, noong Oktubre 1, 2020, ay sumulat na rin si Rep. Michael Defensor, chairman, House Committee on Accounts, kay DOH secretary, Francisco Duque III, hinggil sa isyu matapos mabatid ng Kongreso na hindi pa rin naililipat ang administrasyon ng UCVH sa DOH, dalawang taon matapos maipasa ang RA 11102.
Layunin ng batas na gawing ‘regional hospital’ ang UCVH na tatawaging ‘Sockksargen General Hospital’ (SGH) para sa mga residente ng Region 12.
Ayon naman kay Secretary Vince Dizon, deputy chief implementer ng NIATF vs. COVID-19, kailangan nang madaliin ng DOH ang pagpapatayo ng isang regional health facility sa SOCCSKSARGEN Region upang mapalakas pa ang kapasidad ng health care system ng rehiyon sa pagtugon sa tumataas na kaso ng COVID-19.
Matagal nang naglaan ng halagang P200 milyon ang DOH para sa SGH subalit hindi pa rin magastos ang halaga para tugunan ang problemang medikal sa rehiyon dahil sa patuloy na pagtanggi ni Tamayo na mailipat ang administrasyon ng UVCH sa DOH.
Hiniling na rin ng Regional Development Council-12, sa pangunguna ni General Santos City mayor, Ronnel Rivera, kay Tamayo na ibigay na ang pamamahala ng UVCH sa DOH, subalit patuloy na hindi kumikilos ang gubernador.
“Pulitika” umano ang tanging nakikitang dahilan sa patuloy na pagtanggi ni Tamayo na malipat sa DOH ang administrasyon ng UVCH.
Ayon naman kay Tamayo, may “probisyon” ang RA 11102 na mananatili muna sa lokal na pamahalaan ng SoCot ang UCVH sa susunod na tatlong taon bilang ‘transition period’ bago ito tuluyang mailipat sa DOH.
Ang nasabing batas ay naipasa naman ng Kongreso sa pamamagitan ni SoCot second district representative, Ferdinand Hernandez, na sinasabing “makakalaban” ni Tamayo sa halalan sa 2022.
Samantala, ang ‘MOA’ (memorandum of agreement) sa pagitan ng DOH at SoCot provincial government ay nalagdaan naman noong Hunyo 2018, sa pagitan ni Duque at dating gubernador, Daisy Avance-Fuentes.
“Ipinipilit” umano ni Tamayo na magkaroon din muna ng panibagong MOA sa pagitan nila ni Duque bilang isa sa mga rekisitos sa kanyang pagpayag na mailipat ang administrasyon ng UVCH sa departamento.