‘Pandarambong’ isinampa sa Gapan City mayor, tresorero!
Mayor ‘Emeng’ muling inasunto sa OMB
MULING kinaladkad sa tanggapan ng Ombudsman si Gapan City, Nueva Ecija mayor, Emerson ‘Emeng’ Pascual, matapos sampahan ng kasong pandarambong (plunder), malversation at katiwalian nitong Marso 8, 2022.
Sa kopya ng reklamo, kinilala ang complainant na si Apolinario G. Cabatuando, nasa hustong gulang at residente ng Bgy. Mabuga, Gapan City, Nueva Ecija.
Bukod kay Pascual, kasama rin sa inireklamo si Gapan City treasurer, Mauro Marcelo.
Ang kaso ay pang-apat na sa serye ng mga kasong katiwalian, paglulustay ng pondo at pang-aabuso sa kapangyarihan na isinampa sa tanggapan ng Ombudsman ng ilang mga residente ng lungsod laban kay Pascual, Marcelo at iba pang mga opisyales ng Gapan.
Kasabay ng kasong plunder, nagsampa rin ng bukod na reklamo sa OMB noong Marso 8, si Joel dela Cruz, residente ng Marcelo, Gapan City, laban kay Pascual at Gapan City accountant, Grace Valdez para naman sa mga kasong dereliction of duty, gross neglect of duty, katiwalian at gross misconduct.
Ang mga ito ay bukod pa sa dalawang kaso na isinampa rin ng ilang residente laban kay Pascual at mga opisyales ng lungsod sa tanggapan ng Ombudsman noong isang taon.
Muli namang tinangka ng pahayagang ito na makuha ang panig ni Pascual subalit hindi ito sumasagot sa mga ipinadalang mensahe sa kanyang telepono.
Ayon naman kay Cabatuando, naging kapansin-pansin sa mga residente ng Gapan ang umano’y mabilis na pagyaman ni Pascual, sapul nang manalo itong alkalde noong 2016 elections.
“After just five years, aside from living an ostentatious and extravagant lifestyle, he is now living in a new house in Bgy. Pambuan, Nueva Ecija and has been constructing another palatial house in a sprawling parcel of land in the same barangay,” saad pa ng reklamo.
May mga nabili na rin umanong ari-arian si Pascual sa San Lorenzo, San Vicente at iba pang mga lugar sa Gapan, kasama na ang ‘Tagpuan sa Lumang Gapan.’
Sa artikulo naman sa ‘PeoPlaid’ (People, Places, Ideas and More) website noong Disyembre 27, 2019, hinggil kay Pascual (‘Emerson Pascual Biography’), nakalista naman nap ag-aari nito ang Emerson Pascual Security Agency at ang sabungan sa Gapan (Gapan Cockpit).
Ayon pa kay Cabatuando, nagkaroon ng kasagutan ang kanilang hinala kay Pascual nang lumabas ang ulat ng Commission on Audit (COA) sa gastusin ng Gapan para sa taong 2020 kung saan sinabi ng mga state auditors na umabot sa P365,598,688.76 ang umano’y ginastos ng lungsod na walang kaukulang ‘disbursement vouchers’ sa pagitan ng Hulyo at Disyembre 2020.
Sa kanyang reklamo, ipinunto rin ni Cabatuando na ‘grave misconduct’ ang dagdag na paglabag nina Pascual at Marcelo dahil sa kanila umanong naging sabwatan na mailabas at magastos ang nasabing halaga na hindi dumaan sa tamang proseso.
Sa ilalim ng Plunder Law (RA 7080), pasok sa kasong pandarambong ang sino mang opisyal ng gobyerno na naglustay ng P50 milyon at higit pa kung saan ‘no bail’ ang parusa.
Pagkasibak naman sa puwesto at pagbabawal na muling makabalik sa ano mang posisyon sa gobyerno angg kapalit na parusa sa ibang mga umano’y naging paglabag sa batas ng mga akusado.