Banner Before Header

Sabah, pag-aari, teritoryo ng Pilipinas

Ni: Bambi Purisima

0 3,157
DAPAT nang idulog ang usapin ng pag-angkin ng Pilipinas sa Sabah sa International Court.

Ito ay naipayo na noon pa nina dating senador, Miriam Defensor Santiago at Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., dahil sa patuloy na paggiit ng Malaysia na pag-aari nila ang Sabah.

Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Malaysian Prime Minister Tan Sri Muhyiddin Yassin na ipaglalaban nila ang karapatan sa Sabah at hindi sila papayag na makuha ito ng kahit anong bansa.

Bukod sa Pilipinas, inaangkin din ng Indonesia ang Sabah.

Ayon sa Malaysian Foreign Ministry, mahalagang bahagi ng Malaysia ang Sabah nang isama sa Federation of Malaysia noong Setyembre 16, 1963.

Umano, kinikilala ng United Nations at ng ibang bansa ang Sabah bilang isa sa 13 estado ng Malaysia.

Mahigpit itong kinontra ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.

Iginiit ng kalihim na ang Sabah ay pag-aari ng Pilipinas at handa ang gobyerno na ipagtanggol ang karapatan sa teritoryo dahil sa noon pa man, bago pa nabuo ang bansang Malaysia, ang Sabah ay pag-aari ng Sultan ng Sulu.

Ayon kay Locsin, maipalalagay na pagtataksil sa bansa kung bibitawan ng gobyerno ang karapatang pagmamay-ari ng Pilipinas sa Sabah.

“…To even think of it is an act of treason,” ayon pa kay Locsin, bilang tugon sa mungkahi ng ilang miyembro ng Kongreso na magtayo ng embahada ng Pilipinas sa Sabah.

Sa mungkahi noon ni Sen. Nene Pimentel na amyendahan ang 1987 Constitution at sa pagbubuo ng isang gobyernong federal, dapat na ring isama ang Scarborough at mga Isla sa Spratlys bilang bahagi at teritoryo ng Pilipinas.

Batay sa panukala ni Pimentel, ang gobyernong pederal ay bubuuin ng Metro Manila bilang kabisera ng bansa, at mga estadong federal ang Northern Luzon, Central Luzon, Southern Luzon, Bicol, Eastern Visayas, Central Visayas, Western Visayas, Mimaropa, Northern Mindanao, Southern Mindanao, at Bangsamoro, kung saan magiging bahagi ang Sabah.

Iminungkahi naman ni Sen. Santiago na dalhin sa UN ang pagbawi sa Sabah.

Aniya, magagawang mapatunayan na bahagi ng Pilipinas ang Sabah at ito ay ilegal na naging bahagi ng Malaysia noong 1963.

Noong Pebrero 2013, mahigit sa 200 armadong tauhan ni Jamalul Kiram III, Sultan ng Sulu ay lumusob sa Lahad Datu, upang puwersahang mabawi ng Pilipinas ang Sabah.

Sumuporta kay Kiram ang nakababatang kapatid na si Raja Muda Agbimuddin, pero natalo sila ng mas malakas na puwerang militar ng Malaysia matapos hindi kumilos ang gobyerno ni Noynoy Aquino upang igiit ang pagmamay-ari ng Pilipinas sa Sabah.

Hinatulan ng kamatayan ng hukuman sa Malaysia ang mga nadakip na tauhan ng magkapatid na Kiram.

Ang Sabah, ayon sa kasaysayan ay gantimpala ng Sultan ng Brunei sa Sultan ng Sulu nang tumulong ito sa pagsugpo sa isang rebelyon sa Borneo noong 1658.

Pinaupahan ng Sultanate ng Sulu ang Sabah, noon ay kilala sa tawag na North Borneo, sa British North Borneo Company noong1878 sa taunang renta na halagang 5,000 Malayan dollars at noong 1903 ay itinaas ang upa sa 5,300 Malayan dollars.

Noong 1963, inilipat ng North Borneo Company ang kontrol sa Sabah sa Malaysia nang walang pahintulot ng Sultanate of Sulu at ng pamahalaan ng Pilipinas.

Nagtagumpay ang plano dahil ang Malaysia at Great Britain ang sinuportahan ng Amerika kahit pa may alyansang militar ang Pilipinas at Estados Unidos.

Sa kasalukuyan, patuloy na iginigiit ng mga tagapagmana ng Sultanate ng Sulo na sina, Sultan Ibrahim Bahjin, Muizuddin Jainal Bahjin, Muedzul-Lail Kiram, Mohammad Venizar Julkarnain Jainal Abirin at Phugdalun Kiram ang pag-angkin at pagmamay-ari sa Sabah, batay sa binuong Royal Council of the Sulu Sultanate noong 2016.

Ayon kay Sulu Governor Abdul Sakur Tan, makasaysayan ang pagkabuo ng Royal Council dahil pinatitibay nito ang pagkakaisa ng lahat ng tagapagmana ng Sultanate of Sulu sa usapin ng Sabah.

Patunay ito na hindi isinusuko ng Pilipinas at ng Sultanate of Sulu ang karapatan bilang tunay na may-ari ng Sabah (Bambi Purisima).

Leave A Reply