SBG, De Lima, “sanib-puwersa” laban sa taas-singil ng PhilHealth
“NAGSANIB-puwersa” ang mga mambabatas sa Senado sa pangunguna ni Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, upang tutulan ang pagtataas ng buwanang kontribusyon ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhiHealth), simula ngayong taon.
Sa pahayag, sinabi ng senador na mas makabubuti para sa mahihirap na Pilipino na ipagpaliban na muna ang pagpapataw ng kontribusyon sa PhilHealth bunga na rin ng negatibong epekto ng pandemya ng COVID-19, partikular sa hanay ng mga mahihirap na Pilipino.
Aniya pa, suportado niya ang pahayag ni Pang. Duterte noong Enero 4, 2021, na marapat lang huwag munang magtaas ng kontribusyon ang PhilHealth ngayong taon, kahit itinatakda ito ng Universal Health Care (UHC) law.
Maging ang nakakulong na si Sen. Leila de Lima, na kalaban ng gobyerno, ay naglabas ng pahayag noong Enero 4, 2021, na sumusuporta sa posisyon ni Go at Pang. Duterte sa nasabing isyu.
“Nagkakanda-ugaga na nga ang mga Pilipino sa paghahanap-buhay at pagtitipid, sila pa talaga ang huhuthutan ng SSS at PhilHealth,” ani De Lima.
Katulad ng Philhealth, nag-anunsiyo na rin ang Social Security System (SSS) ng taas-singil ng kontribusyon ng mga miyembro nito.
Ayon naman kina Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Lord Allan Velaasco, nakahanda rin ang dalawang kapulungan ng Kongreso na agarang kumilos upang amyendahan ang UHC para sa legal na pagpigil sa pagtataas ng kontribusyon ng PhilHealth.
Pinawi rin ni Go ang pangamba ng ilan na ang pagpigil sa dagdag na kontribusyon sa PhilHealth ay posibleng makadagdag sa mabilis na pagkaubos ng pondo nito, batay sa nagging pag-uusap nila ng Pangulo.
“Sinabi niya (Pang. Duterte) na kung may maipapasang batas ang lehislatura na naglalayong ipatupad ang deferment, o kung may kailangang aprubahan na dagdag na pondo mula sa gobyerno para hindi maantala ang serbisyo ng PhilHealth, pipirmahan niya ito pagkatapos mapag-aralan nang mabuti,” ani Go.
“Hirap na po ang ating mga kababayan, huwag na natin silang mas pahirapan pa,”diin pa ng mambabatas.
“Karamihan sa kanila ay nawalan ng trabaho. Paano natin pagbabayarin ang ordinaryong Pilipino kung nawalan po sila ng kabuhayan? Tulad ng sabi ng Pangulo, it is the job of the government to make it easy for everybody at this time.”