‘Social media’ babantayan sa lalabag sa ‘social distancing’
INATASAN ni P/Lt. General Guillermo Eleazar, ang mga ‘police commanders’ na regular na ‘i-monitor’ ang ‘social media’ upang matukoy at mahuli ang mga lumalabag sa ‘social distancing’ at iba pang mga ‘health safety protocols’ laban sa ‘COVID-19 pandemic.’
Ayon kay Eleazar, ‘Joint Task Force COVID Shield commander,’ mistulang hindi pinapansin ng karamihan ang mga pinaiiral na protocol at nagpo-post pa sa social media ng kanilang mga ginagawa katulad ng pag-iinom sa mga pampublikong lugar at pagpunta sa mga pribadong okasyon kung saan walang social distancing at suot na facemask ang mga dumalo.
Kamakailan, nasampolan ng PNP ang isang barangay chairman sa Pasay City at 8 iba pa, matapos mahuling nagtutupada (iligal na sabong) sa kabilang barangay sa Makati City.
Ang “pasaway” na barangay chairman ay si Zone 15, Baragay 134 chairman, Ronnie Babiano Palmos, 46.
Ang grupo ni Palmos ay naaktuhan ng Makati City PNP habang masayang nagtutupada sa isang lugar sa Bgy. Pio del Pilar, Makati City noong Agosto 23, 2020.
Bago ito, napa-blotter na rin sa Pasay City PNP si Palmos matapos “bantaan” ang isa niyang kapitbahay na nagreklamo laban sa kanya dahil naman sa pag-iinom sa barangay hall kung saan ang iba sa kanyang mga kainuman ay mga hubad-baro.
Paalala pa ni Eleazar, hindi dapat kalimutan ng publiko na bagaman ibinaba na sa “GCQ” (general community quarantine) ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa, hindi ito dahilan upang huwag nang sumunod ang mga Pinoy sa mga regulasyon.
Pansin pa ni Eleazar, kahit ang mga magkaangkas sa motorsiklo ay nakikita sa mga CCTV at mga dashboard camera na walang helmet, face shield o face mask.
Hinikayat din ni Eleazar ang publiko na patuloy na magsumbong sa PNP upang maturuan ng leksyon ang mga pasaway.