Tiket ni VM Honey, ‘secret supporters’ ni Lopez?
Maynila, “umutang” ng P15 bilyon pero prayoridad “sablay” daw
BUO ang paniwala ng negosyante, ekonomista at abugadong si Alex Lopez na mananaig siya bilang alkalde ng Maynila laban kay Manila vice mayor, Maria Shielah ‘Honey’ Lacuna-Pangan at iba pang mga katunggali dahil gusto na umano ng mga Manilenyo ng “tunay na pagbabago.”
Sa ginawang ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) noong Biyernes, Enero 7, 2021, sinabi pa ni Lopez na kahit mga taga-suporta ni Lacuna at Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ay nagpadala na umano ng ‘feelers’ kung saan “tiniyak” umano sa kanya ng mga ito na sa araw ng halalan, Mayo 9, 2022, “siya” ang iboboto nilang kandidatong alkalde. Kasama umano sa “babaligtad” pabor sa kanya ay mga kandidatong konsehal ni Lacuna sa 6 na distrito ng Maynila.
Wala sanang “balak” tumakbo pero…
Sa nasabi pa ring panayam, sinabi pa ni Lopez na “wala” siyang balak na sumabak sa pulitika subalit nagbago ang kanyang posisyon dahil na rin aniya sa ‘multi-sectoral appeal’ na dumagsa sa kanya upang magkaroon umano ng ‘credible opposition’ sa lungsod.
Una nang nagbalak ang kanyang kapatid na si first district representative, Manny Lopez, na labanan si Lacuna subalit umatras upang bigyang prayoridad ang kanyang mga gawain sa Kongreso bilang lider ng mga kongresista sa Metro Manila at chairman ng Committee on Metro Manila.
“Isang dangkal ang natanggap kong petisyon para tumakbo ako,” pagbibida pa ni Lopez.
Si Lopez ang kandidatong alkalde ng Partido Federal ng Pilipinas at personal na pinili dating senador, Ferdinand ‘Bongbong/BBM’ Marcos Jr.
Natutuwa rin umano si Lopez na sa dakong huli ay “pinayagan” na siya ng kanyang pamilya at maybahay na tumabong alkalde ng Maynila.
“I am now mentally, emotionally, spiritually ready, to run,” ani Lopez. ‘Yung financially prepared na lang ang problema ko,” pabirong sagot pa nito.
Bukod sa umano’y mga ‘secret supporters’ niya sa hanay ni Lacuna, suportado na rin ang kandidatura ni Lopez ng kampo ni dating pangulo at Manila mayor, Joseph Estrada at nang “malaking segment” ng grupo ni dating mayor, Alfredo Lim.
Kabilang din sa humimok sa kanya ay ang mga dating lider ng Maynila, katulad nina ex-congresswoman, Sandy Ocampo, ang kampo nina Harry at Zenaida Angping, Tricia Bonoan-David at ang grupo ng mga vendors at mga residenteng Muslim sa lungsod.
Kagunay nito, nanawagan naman si Lopez sa kampo ni 5th district representative, Amado Bagatsing, na umatras na lang sa laban at ibigay ang suporta ng ika-5 distrito sa kanyang kandidatura. Nakahanda umano siyang suportahan ang kandidatura sa Kongreso ng anak ni Bagatsing na si Rep. Cristal Bagatsing.
Mali ang mga prayoridad ng Maynila?
Ayon pa kay Lopez, “hindi” niya sinisisi si Mayor Isko Moreno sa nakikitang “maling prayoridad” ng Maynila, sa harap pa rin ng pandemya ng COVID-19.
“Mayor Isko is a good friend…I have regards for Isko.
“Siguro ang dapat magpaliwanag ay ang aking katunggali (Lacuna) dahil siya ang (lider) ng konseho (ng Maynila),” ani Lopez.
Ilan sa umano’y dapat ipaliwanag ni Lacuna ay kung saan napunta ang may P15 bilyon “inutang” ng Maynila na aniya pa ay hindi naman napunta para sa kapakanan ng mga Manilenyo.
Ipinunto ni Lopez na taliwas sa Quezon City, walang naibigay na ‘honoraria’ ang Maynila sa mga barangay tanod at mga barangay health workers hanggang ngayon, na siyang mga direktang ‘frontline workers’ laban sa COVID-19.
Aniya, walang ginawang ordinansa ang konseho para dito. “Mabuti kung walang pondo, pero,
Andami eh, P15 bilyon.”
Ang halaga ay bukod pa umano sa ipinasa ng Manila City Council na badyet na P20 bilyon.
Tatlong public schools din umano ang “ipinagiba” ng Maynila kung saan ang isang eskuwelahan, ang Dr. Alejandro Albert Elementary School sa Dapitan, Sampaloc, ay nagawang pondohan ng P1.98 bilyon para umano sa ‘rehabilitasyon’ nito.
Ani Lopez, nakapagtataka ang desisyon dahil hindi naman ‘condemned building’ at bagkus ay isang ‘heritage school’ ang nasabing paaralan.
Umabot din umano sa P1.9 bilyon ang inilaang pondo ng konseho para sa rehabilitasyon at renobasyon ng Manila Zoo samantalang ang higit aniyang kailangan ngayon ng mga Manilenyo ay “kabuhayan, pagkain at kalusugan.”
“Mali ang prayoridad nila,” diin pa ni Lopez.
Kinukwestyon din umano ng mga Manilenyo ang ginawang “paggiba” ng lungsod sa may 10 barangay health centers samantalang kulang na kulang pa umano ang mga barangay health centers sa lungsod dahil sa laki ng populasyon nito.