TAMA ang posisyong hindi tayo dapat na magpakita ng paghahamon sa away o digmaan sa dambuhalang China, dahil ito lamang ang inaabangan ng mga Intsik.
Ang USA na atin raw kaalyado ay tila naman urong-sulong sa pagsuporta sa ating ipinaglalaban at wag sanang maging baog ang Mutual Defense Treaty (MDT) natin sa mga Kano.
Sa MDT, ibig sabihin, pag inatake tayo ng China, awtomatiko, tutulungan tayo ng US kontra sa China, pero ito ba ay mangyayari?
Iba ang pakiramdam natin.
Kung may interes ang US sa ating bansa dahil sa kanilang bilyong dolyar na investment, lalong mas marami silang negosyo sa China at patuloy pang lumalago at dumadami.
Sa awayan ng interes kung saang bansa sila higit na makikinabang, sino ang kakampihan ng US – Pilipinas ba o ang China?
Masakit ang magiging sagot kapag dumating ang panahong iyon na kailangan nang magdesisyon si Uncle Sam.
Kaya tigilan na ang mga kantiyaw sa mga balak na pagbili nartin ng mga fighrter jets at mga armas pangdigma.
Kahit wala ang banta ng China, dapat na ito ay ginawa na noong araw pa.
Hindi pa huli ang lahat at mula sa tirador, magpundar tayo kahit baril de bomba.
***
May ibang paningin ang ilan sa patuloy na pag-aastang maton o barumbadong kapitbahay ng China sa ating bansa.
Sinasadya ba ang bullying tactics na ito o may kapangyarihan – sa ngayon ay hindi pa ngayon lubos na nakilala – para uminit ang di-pagkakaunawaan ng Pilipinas at ng bansang ito na itinuturing na isa sa pinakamalaking “dragon” ng ekonomiya sa mundo, at isang malakas na puwersang militar.
Sa awayan ng interes kung saang bansa sila higit na makikinabang,
sino ang kakampihan ng US – Pilipinas ba o ang China?
Yung gagawing simple ang pagsusuri, kung ipipilit ng China na angkinin ang pinagtatalunang Scarborough Shoal o tinatawag ding Panatag Island, mayroon lamang mahigit sa 200 nautical miles ang layo sa lalawigan ng Zambales.
Atin nga ang lambak na iyon ng dagat na napakayaman sa isda, at iba pang hayop sa dagat batay sa international law of the seas, pero ang giit ni China, noon pa raw unang panahon, bahagi ng kanilang bansa ang Panatag.
Kung susundin ang argumentong ito, at papayag tayo, sa susunod na panahon, maaaring gamitin din nilang rason sa pag-angkin sa buong Pilipinas ay ito: Noon pa man bago dumating ang dayuhang Kastila, ang mga English, mga Portuguese at maging ang Hollander at ang USA, narito na ang kanilang kababayang Chino na nakikipagkalakalan sa mga katutubong Pinoy.
Hindi tayo dapat na pumayag na maangkin ng China ang Panatag, pagkat ito na ang magiging simula ng pagsakop nila sa atin bilang isang kolonya nila.
Paraang diplomatiko ang ginagamit ng administrasyong ito, at kasabay ang paggiit sa USA na igalang at tuparin ang Mutual Defense Treaty na dito, malinaw na nakasulat, kung salakayin ang Pilipinas ng anomang bansa, ito ay maituturing na pakikidigma rin sa USA.
Nangyaring nasangkot ang USA sa mga giyera sa Korea, sa Japan at sa mga giyera sa Middle East na ang hukbong Pilipino ay tumulong upang ibandila ang “demokrasyang” itinataguyod ng Amerika.
Dito masusubok ang tatag ng MDT, at umakto kayang Big Brother ni Juan dela Cruz si Uncle Sam?
May dugo ng kataksilan sa kasaysayan ng Pilipinas ang ginawang pagsakop ng US sa Pilipinas noong lumagda ito sa Treaty of Paris para tuluyang angkinin ang buong teritoryo natin mula sa kamay ng kolonyalistang Espanya.
Sa librong “To Serve The Devil,” nakasaad na bago pa lumanding ang unang tropa ni Magellan sa Pilipinas, nakatuon na ang mga mata ni Uncle Sam sa pagsakop sa Pilipinas.
Nag-uudyok ba ng pakikihamok ang tila atubiling pagsunod ng USA sa MDT upang tayo ay isubo sa digmaang Filipino-Chino upang sa maniobrang politika ay muling mapagtaksilan ang ating pagtitiwala bilang Brown Americans of Asia?
***
Si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang ating Ama ng bansa.
Ang mga tanong ngayon: Napangangalagaan ba ni Ginoong Pangulo ang mga karapatan ng kababaihang Pilipino?
Iba ang sinasabi ng pakakak ng Malakanyang sa reyalidad ng bansa.
Dapat magpakita ang Pangulo ng kamay na bakal sa lahat ng kanyang mga hinirang na dapat na magpatupad ng batas para sa proteksyon ng lahat, hindi lamang ng mga babae at mga bata at matatanda.
Ang mga pamilyang nagugutom ay pabrika ng paghihimagsik at mayamang binhi ng rebolusyon.
Tamang sugpuin ang korapsyon, tama na patatagin ang ating lakas pambansa laban sa nagkukunwaring kaibigan pero lihim na kaaway na China.
Tama ang mga programa sa cash transfer (4Ps) sa mga mahihirap at iba pang programa kontra sa kahirapan at kawalan ng hanapbuhay.
Pero ang mga ito ay pantapal lamang at hindi permanenteng solusyon sa mga problema.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).