Banner Before Header

10K ayuda, kayang ibigay ng gobyerno—Alan Cayetano

0 665
HINDI sa pagmamaliit, pero apat hanggang anim na kilong bigas lang ang kayang bilhin ng P200 na buwanang ayuda na ibibigay ng gobyerno sa poorest of the poor sa loob ng isang taon dahil na rin sa walang habas na pagtaas ng presyo ng krudo at mga bilihin.

Kalahating kilong baboy din lang o kaya’y isang buong dressed chicken ang magkakasya sa P200 habang hindi ka na rin makakabili ng isang kilong isda sa halagang ito.

Bagaman, “biyaya” pa rin ito sa mga nangangailangan, kaya “okay” na rin siguro?

Kung susumahin aabot lang sa P2,400 sa loob ng isang taon ang matatanggap ng may 12M households o 74.7M katao.

Sila ang poorest of the poor sa bansa na makakatanggap ng kabuoang pondong P33.1B na popondohan ng Value Added Tax (VAT) mula sa napakataas na presyo ng krudo.

Ito nga ba ang “solusyon” para makakalap ng kailangang pera ang gobyerno?

Ayon kasi kay ex-House Speaker Alan Peter Cayetano na ngayon ay nagbabalak bumalik sa Senado, “we can do so much better.”

Panukala kasi niya, kailangan lang patawan ng 5 percent ‘mandatory savings’ ang lahat ng ahensya ng gobyerno upang makalikom ng P250B para mabiyan ng P10K ayuda ang mga pamilyang Pilipino.

Sa kuwenta pa niya, may sosobra pa nga na P50B bilang ‘standby fund’ na maaaring gamitin para sa iba pang programa ng pamahalaan.

Alam naman natin na hindi lamang pantawid ang kailangan ng taong bayan sa ngayon. Kailangan ng pondong pang-ahon mula sa kanilang kinasasadlakan dulot ng pandemyang COVID-19 at pagtaas ng presyo ng krudo at mga bilihin.

Unang inihain ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyadong kongresista sa Kamara ang P10K Ayuda Bill noong Pebrero 2021 pero hindi ito inaksyunan ng mga mambabatas.

Kaya sa tulong ng kanyang mga kaibigan at pribadong sektor pinangunahan ni Cayetano ang  pamimigay ng P10K ayuda sa libo-libong pamilyang Pilipino para lang ipakita na ‘doable’ ito.

30 porsiyento sa mga nabigyan ay nagpasimula ng munting kabuhayan mula sa natanggap na P10K ayuda kaya hindi ito masasabing ‘dole out’ lang ito o “pampakalma” sa kumakalam na sikmura.

Maliban dito, nagbigay din si Cayetano ng P3,500 sa mga maliliit na negosyante na may mga sari-sari store at karinderya.

Sa kanyang panukala, sinabi pa ni Cayetano na hindi na dapat hintayin pa ang susunod na administrasyon bago ito aksyunan dahil dapat ay solusyon ang pinag uusapan sa ngayon at hindi ang problema.

Paalala pa niya, ipinatupad na rin noon ni dating Pangulong Fidel Ramos ang pagpapataw ng savings sa mga ahensya ng gobyerno—10 porsiyento pa nga– kaya sa totoo lang, kayang-kaya itong ipatupad , lalo pa sa ngayon na binabayo pa rin tayo ng sandamakmak na problema—ang pandemya ng COVID-19 at ang walang habas na pagtaas ng presyo ng lahat ng bilihin.

Leave A Reply