IPINAHAYAG ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na hindi pa handa ang National Capital Region (NCR) na ibaba ito sa ‘Alert level 1.’
Ito ay sa dahilan na nagpapatuloy ang national campaign period at papalapit na rin ang local campaign period.
Ito rin halos ang tingin ng mga alkalde sa Metro Manila na kailangan pa umanong palawigin ang Alert level 2 hanggang matapos ang buwan ng Pebrero. Ibig sabihin nakikita ito mismo ng mga alkalde na wala pa sa kahandaan nila na ibaba sa alert level 1 ang NCR.
Nauunawaan siyempre natin ang pagnanais nating maibalik ang ating mga buhay at mga kabuhayan sa normal.
Subalit kailangan nating maibalik ito na naaayon sa ating kahandaan. Hindi natin maaaring pilitin kahit na sinasabi pa ng Department of Health na bumubuti na o bumababa na ang mga bilang ng mga tinatamaan ng Covid-19. Nag-peak na umano ito o umabot na sa sukdulan.
Tandaan natin na maaari pa rin itong tumaas at kumalat dahil naririyan pa rin ang virus na ito. Syempre ang kaibahan lamang ay malaking porsyento na ng ating populasyon ang bakunado at sa katunayan nagsisimula na tayong magbakuna sa mga nasa edad 5 hanggang 11 anyos.
Ang problema, dahil sa kaliwa’t kanang pangangampanya naririyan na hindi maiwasan ang paglabag sa mga health protocols.
Aminin man natin o hindi, kahit sinong mga taga-suporta ng bawat kampo ay walang nagiging epektibong pagkontrol sa kanilang supporters.
Ito ang pinapangambahan ni Sec. Año na talaga namang kailangan munang paghandaan ang pagsabay ng local campaign elections. Dahil sa ngayon pa lamang nakikita natin na wala pa rin disiplina ang ibang mga Pilipino. Nakaranas ng kaunting luwag ay nag-eestilo na parang walang pandemya.
Nakikita natin sa mga social media ang pagsisiksikan o pagkawala ng physical distancing at hindi maayos na pagsusuot ng face masks. Ito ang mga simple lamang na hindi na nasusunod sa mga campaign sorties.
Hindi natin nanaisin na muling tataas ang bilang ng mga tatamaan ng Covid 19 at balik quarantine na naman tayo o tumaas ang alert level.
Iniiwasan dito ng DILG ang pagiging kampante dahil mas masasayang ang nasimulan nang pagbubukas muli unti-unti ng ating ekonomiya.
At syempre, hindi natin nanaisin na hindi matuloy ang eleksiyon dahil lamang sa pandemya. Marami na tayong nasakripisyo sa pandemyang ito. Marami na ang taong nahirapan, nagsakripisyo at namatay.
Nasa sa atin pa ring pagtutulungan kung nais nating mapabuti ang ating sitwasyon.
Gusto man nating bumalik sa normal subalit kailangan harapin natin ang “new normal” na nakabatay sa kahandaan natin.
Sa ngayon, kailangan pa rin ang pag-iingat at huwag magpakakampante. Huwag sayangin ang nasimulan nating pag-iingat, Alert level 2 na muna.