Banner Before Header

“Alumpihit” sa bentahan ng Divisoria

0 204
HINDI malaman ni Atty. Alex Lopez, ang nangungunang kandidato sa pagka-mayor ng Maynila, kung maiinis o matatawa sa ipinapakitang asal ng kampo ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna at Mayor Isko sa isyu ng ginawa nilang pagbebenta ng Divisoria Public Market sa halagang P1.44 bilyon noong 2020.

Sa isang banda, gustong “mainis” ni Atty Alex (pero idinadaan na lang umano niya sa “pagdadasal”) dahil mahalay nga naman na ibintang pa sa kanyang ama, si dating Manila mayor Mel Lopez (mayor, 1986 -1992), ang pagkabenta ng Divisoria.

Sa ginanap na ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) noong Abril 1, 2022, ipinunto pa ni Atty. Alex na sa termino ng kanyang ama, si Danny Lacuna, tatay naman ni VM Honey ang vice mayor ng kanyang ama habang si Bernie Ang, ngayon ay Secretary to Mayor Kois, ang Majority Leader sa Konseho ng Maynila.

Sa madaling salita, kung “ibinibintang” ngayon kay Mel Lopez ang umano’y “palpak” na kontrata sa pagpapaupa sa mga vendors sa Divisoria (sobrang mababa raw ang upa), eh, para na ring “kinokondena” ni VM Honey ang kanyang ama at si Ang ang kanyang sarili, dahil kasama sila gumawa ng kontrata noon, ahahay!

At tama nga ba naman na batikusin pa ang kanyang ama na matagal nang namatay? “Kung sablay pala ang kontrata na ginawa ng aking ama, bakit hindi sila pumalag noon pa? Bakit higit 30 taon na ang nakaraan, ngayon nila naisip na ibintang ito sa kanya,” tanong pa ni Atty. Alex.

At gusto rin niyang “mapatawa” dahil nga sobrang mababaw ang ginagawang palusot, ehek, paliwanag ng kampo ni Lacuna at Isko kaya kahit “sinulid” kinakapitan nila para lang mapaniwala ang mga Manilenyo na makatwiran ang kanilang pagbebenta sa Divisoria.

Take note: Umaabot sa P22 bilyon ang badyet ngayon ng Maynila habang P15 bilyon naman ang nabisto ni Atty. Alex na inutang ng Maynila sa mga bangko kaya ang tanong ng mga miron, “kulang” pa ba ang kabuuang higit P37 bilyon pera ng Maynila kaya kailangan pa nilang ibenta ang Divisoria?

At ang bentahan, mga kabayan, nangyari noong 2020, sa panahon ng pandemya kaya hindi nakapagtataka na epektibong naitago sa publiko ang transaksyon.

Hindi naman (daw) ibinulsa ang P1.44 bilyon na bayad sa Divisoria dahil ginamit ito sa “pandemic response” ng lungsod pero ang tanong pa rin, kulang pa rin ba ang P37 bilyon para sa pandemic response?

Kung kulang pala, eh, bakit ginastusan naman ng P1.7 bilyon ang pagpapaganda ng Manila Zoo? Bakit hindi ito ang ginamit sa pandemic response para hindi na ibinenta ang Divisoria Public Market?

At kung totoo na may nangyaring mga public hearings/consultations bago ibinenta ang Divisoria, eh, bakit pumapalag ngayon ang mga vendors doon na nagulat na lang nang makatanggap ng ‘order to vacate’ (read: eviction order) sa kanilang mga puwesto?

Kung “alumpihit” at “hilong talilong” ngayon ang kampo ni VM Honey at Yorme Isko kung paano kukumbinsihin na for the “greater good” ang ginawa nilang pagbebenta ng Divisoria, eh, baka sumakit ang ulo nila sa mga darating na araw?

Dangan kasi, magsasampa umano ng kasong pandarambong  (Plunder) ang mga vendors na nawalan ng karapatan at kabuhayan sa pagbebenta ng Divisoria, susmariosep!

At bilang lider ng Konseho ng Maynila, alam lahat ni VM Honey Lacuna ang resulta at epekto ng kanilang mga naging aksyon kaya marahil siya ang dapat magpaliwanag at hindi si Mayor Kois na abala rin sa kanyang presidential campaign.

Abangan!

Leave A Reply