Banner Before Header

Amerika, panganib sa Asya

0 464
SA MGA Pilipino marami pa rin ang sobrang bilib sa Amerika. Tila nasa 70 porsiyento pa ang humahanga at naniniwala sa mga sinasabi ng Amerika kahit na napakalaki naman ang pinsalang nagagawa nito sa ating bansa (at sa buong mundo).

Gaya na lang ng paglalagay ng mga base militar sa iba’t ibang panig ng mundo upang maisagawa ang tinaguriang “encirclement of China” na para sa mga Kano ay banta sa kanilang pagiging numero uno sa lahat ng aspeto.

Napatunayan na sa ating kasaysayan ang mga paghihirap na ating dinanas sa mga kamay ng mapanakop at mapagsamantalang istratehiya ng mga imperyalistang Kano.

Pinsala sa Pilipino hindi lang dahil sa Fil-Am War o giyera sa pagitan ng mga Pilipinong Katipunero at Kano kung saan kalahating milyong bata at matanda, babae at mga kalalakihan, mga ina at mga amang Pilipino ang pinaslang ng mga Kano tulad sa Balangiga, kundi rin sa Ikalawang Pandaigdigang Digmaan (World War II).

Sa WWII, isang milyong Pilipinong sibilyan ang nasawi, at kung saan  pinakamaraming namatay na Pilipino sa isang insidente lamang ay ang paglusob ng mga Amerikano sa Maynila para lipulin ang mga Hapon – 100,000 hanggang 250,000 sibilyang Pilipino ang namatay dito.

Sa buong kampanya ng Kano sa Pilipinas ay 24,000 lang na sundalo ang namatay.

Sasabihin ng iba dyan, eh sinaklolohan naman tayo mula sa Hapon noon.

Totoo iyan, pero sino naman ang sasaklolo sa atin sa mga Kano? Lumaban ang mga Pilipino sa Fil-Am War dinurog ng Kano ang mga pwersa ni Aguinaldo at pumatay ng daan-daang libong Pilipino ang mga Kano para makapag-tagumpay.

Sa WWII na away ng dalawang imperyalista, nadamay ang Pilipinas samantalang pareho lang naman sila  na pinagsasamantalahan lang ang mga istratikong mga isla na ito.

Matapos ang WWII ipinagpatuloy ng mga Kano ang pananamantala sa ginto, pilak at iba’t-ibang mga kayamanan ng Pilipinas habang na- “brainwash” naman ang mga Pilipino sa “Hollywood” at mga US-made na mga produkto at umusbong ang “colonial mentality” sa mga Pilipino.

Si Presidente Marcos pinilit na dahan-dahang putulin ang tanikala sa Amerika. Pina-iksi niya ang pananatili ng mga hindi makatarungang mga kasunduan tulad ng Laurel-Langley Agreement kung saan ang mga Kano ay may kapantay na karapatan sa  pagmimina ng mga likas-yaman ng bansa, at pina-iksi niya ang termino ng mga base-militar.

Si Marcos ay naglunsad ng “11 Major Industrial Projects” kasama ang Philippine Copper Smelter, Iligan Integrated Steel Mill, Philphos sa fertilizer, atbp, para makaahon ang ekonomiya ng bansa.

Ngunit ang mga ito ay naging isang dahilan sa pagpaplano ng Kano sa pagpapabagsak kay Marcos – at nagtagumpay ang mga Kano sa tulong ng oligarkyo at Simbahang Katoliko at mga komunista.

Ngayon naman sa ika-21 siglo ng Kasaysayan ng Sangkatauhan na tinatawag na Asian Century, o Siglo ng Asya, bumabangon na muli ang mga bansa ng Asya mula sa 500 taong pagsasa-ilalim sa Imperyalismo ng Kanluran.

Ang Tsina, ang ASEAN, Japan at dalawang Korea ay maayos na dinadaan ang lahat ng mga problema at isyu sa pagitan ng mga bansa sa mapayapang pamamaraan gaya ng dialogo.

Nguni’t ang Amerika o Estados Unidos imbes na makipag-tulungan sa mga bansa ng Asya ay nang-uudyok ng tensyon at hidwaan sa pamamagitan ng pakiki-alam sa UNCLOS na hindi naman ni-ratify ng Estados Unidos; pagpapadala ng mga aircraft carriers at pagsasagawa ng military exercise sa South China Sea, at pakikipag-away sa Tsina sa “trade war” at “virus war.”.  Sila rin ay nanghihimasok  sa mga batas pang-seguridad ng Pilipinas at Hong Kong na nagdudulot ng mas malalang  suliranin sa seguridad at ekonomiya ng Asya.

Ang ginagawa ng Kano sa Asya na  “divide and rule” na nagdudulot ng mga kaguluhan  ay pabor sa kanila at kung magkagulong muli ang mga bansa sa Asya ay makababalik muli sila bilang “hegemon” sa Asya.

Dapat labanan natin itong pakikialam at pang-gugulo ng mga Kano na wala ng maging hadlang sa tuloy-tuloy na “economic recovery” ng Asya at ng ating bansa sa pandemya at krisis pang-ekonomiya sa dekadang ito.

Leave A Reply