Banner Before Header

Ang ‘Cyber Libel’ at anyare sa mga “pangarap” ni PBBM?

0 172
KAMAKAILAN ay nagpagupit ang inyong abang lingkod sa isa sa pinakatanyag na barbershop sa Maynila na noon pa man ay suki tayo, sa ating barbero na si ‘Ka Edwin.’

Tuwing nagpapagupit ako ay palaging may paksa kaming pinag-uusapan at ang isa sa naging tampok na paksa namin ay ang mabilis na pagyaman ng mga senador.

Tanong ni Ka Edwin, bossing, alam mo ba na ang isa sa mabilis na paraan para yumaman ay ang pagpasok sa Senado?

Tumpak, sagot ko sa tanong niya. Makikita yan kako sa mga nabunyag na Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga miyembro ng Senado. Sila ang pinakamayayanang tao sa Pilipinas.

Dahil sa kapangyarihang taglay ng isang senador, sabi ko kay Ka Edwin, nadaragdagan ang kanyang kayamanan o ito ay nakatutulong sa pagpapalago ng kanyang kabuhayan. Ito ay makikita sa SALN nila, kitang-kita doon ang mga inilago ng kayamanan ng mga senador.

Sa pagtatapos ng aming paksa, tanong ko kay Ka Edwin, gusto mo rin bang yumaman? Mag-senador ka!

***

Hanggang ngayon ay maraming pamilyang Pilipino ang hindi lang nakaranas ng gutom, kungdi marami ang wala kahit anoman na makakain sa kanilang bahay.

At milyon din ang hindi nakatikim ng kahit anong pagkain sa tindi ng kahirapan.

Maging sa hindi naman mahihirap ay nakararanas na rin ng gutom dahil naman kawalan ng trabaho.

Por dios por santo, kaawa-awang Pilipinas!

***

Paano nalalabag ang Cyber (Internet) libel?

Batay sa RA No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), sinasabi na ang kasong libelo (sa internet) ay limitado sa alin man sa dalawang lugar.

1) where the complainant actually resides at the time of the commission of the offense/ kung saan talagang nakatira ang complainant sa panahong nagawa ang libelo, at 2) where the alleged defamatory article was printed and first published (Article 360 of the Revised Penal Code)/ kung saan unang nalathala ang sinasabing mapanirang artikulo.

Pero ang sinasabi ng iba: kung saan unang nakita o nabasa ng apektadong tao ang sinasabing mapanirang artikulo sa Internet ay hindi maitutumbas o maituturing na “lugar” kung saan nalathala ang mapanira o libelosong artikulo tulad ng diwa ng libelo sa print o paglalathala na sinasabi sa Article 360 ng RPC (Revised Penal Code).

Sa Cybercrime Law, nauudyukan ang isang tao na may masamang hangarin na magsampa ng kasong libelo sa kahit saang lugar na liblib na nais niyang maghabla sa layuning gipitin, takutin, at parusahan ang taong nais niyang pinsalain.

Dahil hindi malinaw ang pag-uuri na kung saan nga ba ang tunay na lugar na pinangyarihan ng krimeng libelo sa Internet, ang isang tao na nais maghiganti ay maaaring gamitin ang batas na ito para maging kasangkapan sa kasamaan at paghihiganti.

Nakakikilabot isipin ang maaaring mangyari kung ang mga may buktot na isip ay gamitin ang hindi malinaw na batas na ito para puminsala sa kaaway o kagalit, gayong ang tunay na diwa ng batas na ito ay maprotektahan ang mga inosente at matapat na gumagamit ng Internet at social media upang magpahayag lamang ng kanilang emosyon, damdamin at opinyon.

Nakatatakot isipin na ang isang blogger o isang karaniwang gumamit ng Internet para maghayag ng opinyon ay maaari palang idemanda sa kahit saang sulok ng Pilipinas?

Ayon naman sa Article 360 pinapayagan ang isang nasaktang partido na magsampa ng kasong sibil o kriminal sa Internet libel sa kani-kanilang tirahan (Bonifacio vs RTC, Makati Branch 149, G.R. No. 184800, May 5, 2010.

***

Balikan natin ang mga sinabi ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr matapos na pormal na umupo bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas, ano-ano ba ang sinabi ni PBBM?

Top priority niya ang food security at matiyak na may sapat na murang pagkain sa bawat mesa ng pamilyang Pilipino.

Aniya, hahabulin niya ang mga ismagler ng mga produktong agrikuktura, at uunahin ang pagpapalakas sa sektor ng pagsasaka, pangingisda, pagpaparami ng livestocks — na sana ay mangyari sa susunod na dalawa o tatlong taon.

Ngayong si PBBM ang pansamantalang Agri Secretary, naayos na ba ang makalumang paraan ng pagsasaka at pangisdaan at produksyon ng pagkain natin?

Hanggang ngayon ay umiiyak po Pangulong Marcos ang magsasakang Pilipino dahil hindi kayang makipagkumpetensiya sa walang habas na importasyon ng pagkain na ginawa ni dating Secretary William Dar.

Napakayaman po PBBM ng ating lupa na makakayang sobra pang pakainin ang kahit 110 milyong Pilipino.

Anyare na po sa mga pangarap nyo po, PBBM?

Nagtatanong lang naman po.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply