MAS maliwanag pa sa sikat ng araw na ‘fresh mandate’ ang nakuha ni House Speaker Alan Cayetano ng ibasura ng 184 kongresista ang kanyang pagbibitiw bilang lider ng Kamara noong nakaraang linggo.
Ito ang kongklusyon ni House Deputy Speaker Neptali Gonzales, isa sa mga beteranong miyembro ng Kongreso kaugnay pa rin sa “usapan” na ‘term-sharing’ sa pagitan ni Speaker Cayetano at Marindue Rep. Lord Allan Velasco.
Pinuna din ni Gonzales at ng iba pang kongresista ang ginawang “pagsasalita” ni Velasco sa ‘Facebook,’ sa halip na humarap at doon magsalita sa sesyon ng Kamara.
Aniya pa, wala silang “pakialam” sa FB post ni Velasco at hindi nila ito kikilalanin bilang opisyal na pahayag dahil hindi naman niya ito sinabi sa plenaryo kaya…. malaki ang tama dito ni Cong. Gonzales.
Kung sabagay, “ano” ba talaga ang ambisyon ni Velasco? Speaker ng Kamara o “blogger,” hehehe!
Natatakot ba siya na tanungin ng mga kapwa solon kaya hindi siya sa sesyon nagsalita gaya ng ginawa ni Cayetano noong nakaraang linggo?
Talagang “atat na atat” na maging Speaker si Velasco—na hindi naman masama.
‘Yun nga lang, kung pagbabatayan ang “boses” ng mayorya, malabo pa sa dilim ng gabi na mangyari pa ito dahil nga ang ‘Super Majority’ na mismo sa Kamara ang nagdesisyon na tanggihan ang pagbibitiw ni Cayetano.
Dagdag pa dito ang sinab ni PRRD na “iwas-pusoy,” err, ‘stay-out’ na siya sa isyu dahil ito ay purely ‘internal matter’ sa pagitan ng mga kongresista at iginagalang niya ang nangyaring botohan noong Miyerkules.
Nakakalimutan yata ni Velasco na kung halimbawang umayaw na si Cayetano bilang Speaker, mas marami pang magagaling, matatapang, at masisipag na mga kongresista kumpara sa kanya.
Ayon pa nga kay Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, “kung” hindi “nakialam” si Pang. Rody sa speakership issue sa Kamara noong isang taon, hindi lang si Cayetano ang matatalo, bagkus, pati na si Velasco.
Aniya, sakaling idinaaan sa botohan, ang Speakership noong isang taon, ang “dapat” na nanalo ay si House Majority Leader, Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, aha!
Ang ‘speakership issue’ sa Kamara ay isang ‘numbers game.’
Kung wala kang “numero” o suporta ng iyong mga kasamang mambabatas, huwag kang umasta na magiging lider ng Kamara.
Paano nga ba magiging Speaker ang isang kongresista kung hindi naman siya suportado ng kapwa mambabatas?
Kantyaw pa ng mga miron, “ano” raw ba ang nagawa ni Velasco para maghanda bilang lider ng Kamara?
Eh yung mga kapwa solon niya na mismo ang nag-aakusa na siya ay ‘absentee congressman’ na kahit sa sarili niyang komite, ang Committee on Energy, ay mistulang “tinatamad” na dumalo.
May “narinig” na rin daw ba ang publiko kay Velasco tungkol sa maiinit na isyu na bumagabag sa bansa gaya ng COVID-19, Anti-terror Bill, PhilHealth issue, ABS-CBN franchise issue at iba pa?
Sa kanya pang pahayag sa FB, kinilala ni Velasco ang kanyang sarili bilang isang ‘statesman.’
Ayon naman sa ‘Webster’s Dictionary,’ ang “statesman” ay isang ‘skilled, experienced and respected political leader or figure.’
Aber, bigla tuloy nating naalala ang isa sa mga eksena sa pelikula ni Hollywood great, ‘Clint Eastwood’ bilang pulis na si si ‘Dirty Harry’ Callahan.
Ang sopla kasi ni Clint Eastwood sa isang “maangas” na “kabarong pulis” sa isang eksena ay ganito” ‘Yes you are a legend, in your own mind!’
Translation? Isa siyang “alamat”—sa sarili niyang palagay, agh!
At sa “masaklap na itinatakbo ng mga pangyayari para kay Cong. Lord, malinaw na si ‘Father’ Digong na lang ang kanyang “pag-asa” kaya ang dapat niyang panalangin…
“Lord, I need a miracle!”