Banner Before Header

Ang kawawang mga guro; Assessment Summit sa NAIA

0 269
UPANG mas magawang maayos at mabilis ang transaksiyon ng mga kargamentong dumadaan sa Port of Ninoy Aquino International Airporr (NAIA), ginanap kamakailan sa NAIA Custons ang isang assessment summit sa loob ng Conference Room nito sa Pasay City.

Inaasahan ni Customs-NAIA District Collector Carmelita ‘Mimel’ Talusan na mas mapasisigla at mapalalaki ang koleksiyon ng buwis sa Port of NAIA matapos matukoy at mailapat ang tamang solusyon sa mga problemang tinalakay sa assessment summit.

Paghuhusayin din ang proseso ng pagpasok ng mga bagahe at kargamento at tiyaking makokolekta ang tamang buwis at iba pang bayarin sa gobyerno.

Dumalo sa summit, bukod kay Collector Talusan si Customs and Trade consultant Atty. Alex Gaticales, at iba pang opisyal at hepe ng mga warehouse sa Port at sub-port ng Customs-NAIA.

Ipinaalaala ni Gaticales sa mga opisyal na alamin ang mga legal na utos at mga batas ukol sa dokumentasyon, pag-aayos at proseso ng mga transaksiyon na ipinatutupad ng Bureau of Customs ( BoC).

Ipinaalala naman ni Coll. Mimel na mahalagang laging isaisip ang panawagan ni President Ferdinand ‘BBM’ Marcos Jr. na gawing masinop at paghusayin ang serbisyo at pabilisin ang ditigitalization sa BoC.

“Kailangan nating yakapin na ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga ilegal na transakyon, ating maipatupad ang modernization program sa pagkolekta ng duties and taxes at matiyak ang seguridad ng Port at sub-port ng NAIA,” sabi ni Talusan.

Ipinangako pa ni Talusan na patuloy ang ipinatutupad na reporma at paglilinis sa katiwalian sa BoC-NAIA para sa mahusay na serbisyo sa mamamayan.

***

Pasukan na ng mga estudyante at start na ang face-to-face (F2F) classes pero hanggang ngayon ay kaawa-awa pa rin ang kalagayan ng mga guro na bukod sa puro sakripisyo ay kulang na kulang sa mga benepisyo.

Sa kapitalistang istruktura ng ating demokrasyang gobyerno, kayliit, kayhamak ang pagtingin natin sa ating mga guro.

Tuwing World Teacher’s Day ay pinapupurihan natin ang ating mga titser; hanggang langit ang pagpuri natin sa kanila na, sinasabi nating mga bayani.

May nagsabi na ang mga maestra at maestro natin ay tulad sa isang kandila: habang may sinding apoy, patuloy sila sa pagbibigay liwanag sa ating nilalakaran na daang madilim.

Sila, mga ikalawang nanay at tatay, natin sa labas ng tahanan, ay tulad sa bukal ng tubig na nag-aalis ng uhaw natin sa karunungan.

Sila ang gumigising sa ating kawalang-malay; sila ang nagpupuno sa kulang nating kaalaman at sila ang mga kamay na nagbibigay sa atin ng sigla sa buhay; nagtutuwid ng ating kamalian, nagtuturo ng kabutihang-asal.

Sila, mga ikalawang magulang, ang walang pagod na nilalang na pag-asa ng ating bayan.

Pero paano tinatrato ng gobyerno sina “Ma’am,” sina “Sir?”

***

Oppressive, mapang-api ang sistema ng publikong pagtuturo: masisikip na silid-aralan puno ng mga mag-aaral na sa dami ay hindi na matandaan ang mga pangalan; mababang pasahod, tambak na trabaho at tuwing eleksiyon, higit pa sa trabahong kalabaw, may kasama pang pananakot at banta sa buhay ng mga politikong nais sila na gamiting kasabwat sa pandaraya.

Hanggang sa kasalukuyan ay kulang na kulang sila sa mga gamit upang maging makatuturan at epektibo ang kanilang pagtuturo.

Sila ay tulad sa mga narses, doktor, pulis, sundalo at karaniwang tao, ay frontliner din sa  peligrosong sakit na dulot ng COVID-19 na hanggang ngayon ay kinahaharap natin at ng buong mundo.

Kulang si “Ma’am, si “Sir,” sa suporta sa pasilidad ng paraalan, at kung mayroon mang iniaabot na tulong, kulang at hindi makasapat.

Asan ang pangakong mabilis, maaasahang internet connection sa ipinatutupad na new normal learning gamit ang makabagong teknolohiya at komunikasyon?

Sariling bulsa ang dinudukot para maibigay ang kulang na suporta upang maturuan ang mga batang sa paglaki nila, sila ang susunod na lider ng ating bansa.

Pero ang ating gobyerno: wala silang pakialam; e ano kung sila ay magkasakit, mamatay?

***

Naitaas na ang sahod ng mga sundalo at pulis; patuloy sa pagkakamal ng malalaking sahod ang matataas na opisyal ng mga ahensiya ng gobyerno.

Tuwing pagdinig sa badyet ng mga ahensiya ng gobyerno, bilyon, hindi milyong piso ang ibinibigay na salapi sa mga mambabatas sa sariling bulsa nila – umano – ay upang itulong sa mamamayan.

Ilang dekada na bang iniluluha ng mga titser natin ang pakiusap na umentuhan sila, pero bingi ang ating mambabatas; papuri lamang ang kayang ibigay ng gobyerno natin: alawanses, medalya, sertipiko ng pagkilala pero wala, hindi maibigay ang taas na sahod na kailangang-kailangan upang maitindig sa hirap ang kanilang mga pamilya?

Muli ay pangakong taas ng sahod ang tinatanggap nina “Sir”, nina “Ma’am.”

***

Nilikha ang paaralan upang maturuan ang mga bata ng kaalaman ng pagtratong pantay-pantay at pagkilala sa hustisya at husay sa pagtuklas ng mga kaalaman para sa ikabubuti ng lahat.

Pero ang paaralang ito – na instrumento ng gobyerno – ay siya ring rehas na hinihimas ng mga guro natin sa patuloy nilang parusang kahirapan.

Nasan na ang mga pangakong makatatanggap ng konting ginhawa sa pasahod ang ating mga guro, panis na ang laway nila sa paghihintay?

Sino ba sa mga mambubutas este mambabatas natin ang matapang na ititindig at ipaglalaban ang makatao at disenteng pasahod sa ating mga guro?

Mayroon ba?

(Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply