Banner Before Header

Ang ‘Padrino System’ sa Customs at “milyones” para sa media, nasaan?

0 376
GUSTO mong napuwesto sa juicy positions sa Bureau of Customs (BoC)?

Madali lang: pay millions of pesos o kaya, maghanap ng malakas na padrino, at eureka, mapupuwesto ang isang may pansuhol o may superlakas na backer.

Natatandaan ko, noong 2013, nag-file ng isang resolution si Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero para imbestigahan ang matagal nang umiiral na ‘padrino system’ sa BoC.

Kasi po, maraming corrupt politicians na protektor ng ismagler at kutsaba ng korap sa Customs ang nakikialam sa pagpupuwesto sa maseselan at importanteng puwesto sa Aduana.

Ngayong nakabalik sa Senado si Sir Chiz, ungkatin sana niya uli itong korap na sistemang padrino na kahit ano pang gawing reporma, anti-smuggling task force, wala ring mangyayari kung patuloy sa pakikialam ang mga korap na politiko at matataas na opisyales ng BoC.

Sen. Escudero, Sen. Jinggoy Ejercito Estrada, Sen. Francis Tolentino, Sen. JV Ejercito at Sen. Alan Peter Cayetano your honors please, baka nais nyo pong umpisahan ulit ang imbestigasyon laban sa mga padrino sa Customs?

At sa imbestigasyon, ipatawag si Sen. Ping Lacson na tiyak, maraming sasabog ang bahay-ebak pag nagsalita na siya.

Hindi matitigil ang corrupt practices sa Aduana kung ang padrino system ay mananatili sa Customs.

***

Isa raw kaanak na malakas ang kapit sa Executive Department ang promotor ng ismagling ng food produce, e ano ang magagawa ni Commissioner Bienvenido Rubio?

Teka, nabasa ko sa Feb. 13, 2023 edition ng Daily Tribune sa privilege speech ni Sen. Ping Lacson noong 2017 ay sinabi nito, nailista (hehehe, hindi po ako ang nagsabi), na “bribe taker” at “bribe giver” ang isang mataas na opisyal ng Customs.

At umano may pending daw na kaso sa Ombudsman ang mataas na opisyal na ito tungkol sa “inimportang basura” mula sa Canada – ano na kaya ang nangyari sa kasong ito, at wala nang balita sa isyung ito?

Wala na rin tayong balita tungkol sa akusasyon ni Lacson na ‘bagman’ umano ang mataas na opisyal na ito at mukhang nabasura na raw ang kaso nito sa Ombudsman.

Alam kaya ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang paratang ni Lacson laban sa mataas na opisyal na ito o baka naman, naipaliwanag na ang tirada ng dating senador ay ganti lamang nito sa isyung kasangkot sa anomalya sa Customs ang anak niya? Just asking lang po.

Ang alam natin, maraming qualified na opisyal sa Customs na pwedeng mai-promote sa mas magandang posisyon ang nasusulot ng mga may padrino sa BoC, sa Malakanyang o may maimpluwensiyang politiko o mambabatas na may negosyo sa Aduana.

Open secret naman na pag ginipit ang isang matinong Customs official, hindi makatangging ibigay ang “request” ng (mga) korap na politiko.

Sa privilege speech ni Lacson, marami siyang isinabit na mga Customs official.

Teka, totoo nga ba ang mga balita na ilang matataas na opisyal ng BoC ang nag-push kay House Speaker Atty. Ferdinand Martin Romualdez at sa Malakanyang na hiranging Customs chief si Sir Rubio?

***

Well, sabi nga, water under the bridge na ito, dahil wala namang napatunayang totoo nga ang itinalak ni dating Sen. Lacson laban sa matataas na opisyal ng Customs at hanggang ngayon, mataas ang tiwala ni PBBM kay Commissioner Rubio.

Kahit na nga si Finance Sec. Benjamin Diokno ay nagsabing buo ang tiwala niya sa integridad, talino at kakayahan ni Rubio na makuha at mas mapalaki pa ang collection target ng Customs.

Sa kabila nito, balita na maraming dismayado sa Aduana, low morale daw at walang ganang magtrabaho ang ilang magagaling na opisyal ng Aduana dahil sa padrino system, hindi mai-promote sa puwesto, e qualified nga, at may magagandang track record.

Eh, paano ka nga gaganahang magtrabaho, wala pala sa merito ang basehan ng promotion at ang kailangan lang, padrino, malakas na backer at may pambigay na milyones sa magpupuwesto sa nais na juicy position.

At sa oras na mapuwesto sa juicy position, mababawi ang milyones na bribe money, at madali lang magkamal ng milyones, wanakosey!

***

Maraming alingasngas sa BOC, sabi ng ating bubwit, pero hindi sumisingaw kasi may “magaling” – sabi naman ng iba, “matalas,” na PR person na umaaktong external public information officer (PIO).

Siya ‘yung pumapadrino sa mga politiko at pag may isyu, siya ang tagapamagitan, taga-ayos at ipinagyayabang, hawak ang bulsa ng media.

Ibig sabihin, kung may mabantot na isyu o may anomalya, kayang patahimikin ang media, ganu’n ba, alias Bernard P.?

Kamal-kamal na pera ang kapalit ng pantapal sa media na mula sa mga sensitive position sa Customs, sabi ng ating bubwit. Ang tanong naman ng media na naka-assign sa pantalan, “nasaan” yang milyones na yan kasi kahit singko wala naman silang natatanggap, hahaha, ayy, huhuhu!

Pero teka, ang “bilin” ni PBBM dapat umiral ang transparency sa mga transaksiyon sa gobyerno.

May panawagan pa nga sa media na tumulong na mailantad ang korapsiyon at nang maparusahan ang mapatutunayang tiwali.

Pero kung may taga-‘damage control,’ walang mangyayari sa Customs; kahit pa ano ang gustong reporma na gawin ni Commissioner Rubio, magpapatuloy ang ismagling, lalakas ang loob ng mga bribe takers at bribe givers.

At ang magiging resulta ay takipan, cover-up sa anomalya at tulad nang dati, bilyon-bilyong pisong tax ang maibubulsa ng mga tiwali.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply