Banner Before Header

Ano ang “ugat” ng kahirapan ng Pilipinas?

0 823
NOON pa naman talaga nagtatayo ng mga istrukturang militar ang China sa mga islang sakop natin, pero ano ang magagawa natin?

Kulang tayo sa armas laban sa higanteng China na maging ang US ay tila atubili na banggain.

Ayaw natin ng digmaan sa panahong ito, at ang dapat gawin ay palakasin ang ating sariling militar at isamoderno ang ating AFP at mga hukbong panseguridad.

Mas palakasin natin ang ating “sigaw” sa mundo sa pagbabarumbado at pagiging maton ng China sa ating soberanya.

Ito sa ngayon ang ating magagawa.

At ang US, atin silang kulitin na kumilos upang tayo naman ngayon na nasa gipit na kalagayan ang kanilang tulungan.

***

KUNG walang impormasyon tayo na nasa media, paano natin lalabanan ang korapsiyon at kabulukan sa pamahalaan”

Paano natin uusigin ang mga tiwali kung walang tayong datos, mga dokumento, upang maisawalat ang kawalanghiyaan ng mga taong ating inihalal at pinagkatiwalaan?

Sabi nga ng isang manunulat: Information is power.  Information is an instrument of war against corruption.

***

ANG lumolobo bang populasyon natin ang siyang ugat ng kahirapan at mabagal na pag-asenso ng ating bansa.

Itinuturing ba ng mga lider ng bansa natin – noon at maging ngayon – na liability o pasanin ng pamahalaan ang maraming tao sa ating bansa?

O sulipat ang tingin natin at isinisisi natin ang pagdami ng tao sa Pilipinas sa kahirapan natin?

Lakas ang maraming populasyon.

Lalo na kung ang dami ng tao ay naaarmasan ng tamang edukasyon, maayos na karakter at kapasidad sa pagmamahal sa bansa, sa kanyang pamilya at sa kapwa.

Noong kakaunti pa ang bilang ng mga Pinoy, mayaman ba tayo o naghihirap din tulad ngayon?

Mula nang panahon nina Magsaysay, hanggang umabot sa panahon ni Macapagal, Marcos at iba pang naging pangulo natin, nagawa ba nilang maiangat ang bansa natin?

At upang hindi sila ang masisi, bunga ng kanilang mga palpak na programa at bunga ng pinairal nilang malawakang kurapsiyon at pandarambong sa pera at tiwala ng sambayanan, ang tao mismo – ang maliliit na pamilyang Pilipino ang sinisisi ngayon.

Kayamanan, kung marunong lamang tayong gamitin, ang malaking populasyon.

Lagi sinasabi, sa dami at pagkakaisa, naroroon ang dinamikong lakas na magsusulong sa isang bansa, at taglay natin ito.

Bakit hindi o ayaw tayong umangat, maitatanong.

Nasa liderato, nasa maling sistema ng burukrasya ang problema, hindi sa taong bayan na madalas ay pinagsasamantalahan ng nasa kapangyarihan at ng humahawak ng ekonomiya na nakakalat sa iilang pamilya lamang.

***

Ang binabanggit na early pregnancies, maternal and baby mortality, masasagot na ang problemang iyan ng maraming ahensiya ng pamahalaan, tulad ng DoH, Population Commission at ng iba pang kawanihan.

Sex education: ito ay naibibigay ng DepEd at naituturo naman ng wasto ng mga magulang.

Hindi solusyon ang libreng contraceptives sa pagpaplano ng pamilya dahil kadalasan ay ginagamit lang ito ng ilang opisyal ng DoH para pagkaperahan, at ito rin ang pinagsisimulan ng mga malalaking anomalya sa mga kontratang pinapasok ng mga ahensiya ng pamahalaan.

Napakarami na nating batas, at ang problema ay ang pagpapatupad – implementasyong totoo at ang layunin ay ang magwasto ng mali at hindi ang gamitin ang batas para gumawa ng mga tiwaling hakbang upang magkasalapi.

Dami tayong batas laban sa anti-smuggling, anti-illegal drugs, anti-human trafficking at iba pang batas kontra sa krimen.

Sobra pa sa sapat ang mga batas natin pero napigilan ba ang mga krimen?

Paano nga ang unang naatasang magpatupad sa batas ay siya pa, madalas, ang protektor ng mga lumalabag sa batas.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply