SUNOD-sunod ang ginagawang anti-smuggling operations ng Bureau of Customs (BoC) sa iba’t-ibang parte ng bansa.
Ito ay bilang pagtalima sa utos ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero na paigtingin ang kampanya laban sa mga ismagler.
Hindi hahayaan ng mga taga-BoC na makaporma ang mga ismagler habang papalapit ang katapusan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Meron na lang mahigit pitong buwan ang nalalabi sa anim na taong termino ni PRRD.
Kamakailan ay nakasakote ang BoC ng mga misdeclared na frozen frigate tuna sa Port of Davao.
Nagkakahalaga ng P1.72 milyon, ang kontrabando ay ideneklarang frozen malt.
Ang container na naglalaman ng mga tuna ay dumating sa Davao International Container Terminal sa Panabo City, Davao del Norte.
Ang kargamento ay walang sanitary at phytosanitary import clearance at landing permit mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Mga puslit na brocolli, carrot at red onion naman ang nakumpiska ng mga taga-BoC sa isang bodega sa Malabon City.
Sinalakay ang bodega sa bisa ng Letter of Authority at mission order na inilabas ni Guerrero.
Nadiskubre ng mga sumalakay sa bodega na may pitong reefer vans na ginagamit na pansamantalang cold storage.
Tatlo ang naglalaman ng mga nakumpiskang brocolli, carrot at sibuyas.
Kasama sa operasyon ang CIIS-MICP, PCG, DA, NICA, DTI at CIDG.
Ang raiding team ay pinangunahan ni Alvin Enciso. hepe ng CIIS-MICP.
Samantala, P50 milyong halaga naman ng mga peke at puslit na produkto ang nasamsam ng BoC sa isang mall sa Quaipo, Manila noong Lunes.
Ang mga nakumpiskang produkto ay kinabibilangan ng mga diumanoy peke at puslit na branded clothes, accessories, computers at electronic equipment at videoke machines.
Bago sinalakay ang mall ay nagsagawa muna sila ng pagmamanman at test buys.
Nang makumpirmang positive ang natanggap na impormasyon ay saka ginawa ang raid.
Tama ang ginawang raid, delikadong nasa merkado ang mga pekeng electronics.
Baka maging sanhi pa ang mga ito ng sunog.
***
Mukhang tuloy-tuloy na nga tayong makababalik sa dating uri ng pamumuhay.
Pababa na ang bilang ng mga kaso ng COVID-l9 at parami ng parami ang gustong magpabakuna laban sa salot na sakit.
Ang kailangan na lang natin ay kaunting panahon at pag-iingat.
Pero kailangang tuloy pa rin ang social distancing, pagsusuot ng maskara at paghuhugas ng kamay.
Kahit mababa na ang kaso ng hawahan, tuloy pa rin ang tatlong protocol na ito para makaiwas sa nakakahawang sakit.
Huwag tayong magpaka-kampante dahil hindi biro ang magkasakit ngayon.
Sobra ang mahal ng presyo ng mga gamot.
Ang masakit lang, marami pa rin ang walang trabaho dahil marami pa ang saradong negosyo.
Mabuti na nga lang at unti-unting bumabalik sa normal ang pamumuhay ng marami sa atin.
Patuloy tayong magdasal.
(Para sa inyong komento at sihestiyon, tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)