KAMAKAILAN ay muling “nagpabida” sa media— kahit malinaw na sablay— si Albay Rep. Joey Salceda. At ang “target” ng kanyang mga “hugot” sabihin pa, ay ang Bureau of Customs (BOC), ang ‘perennial whipping boy’ ng mga pulitiko.
‘And to drive home his point’ wika nga, ang “nilabarda” niya ng husto ay ang Port of Subic na nasa liderato ng isang matino at magaling na opisyal, si District Collector Maritess Martin.
Hindi natin malaman kung masama lang ang gising ni Cong. Joey, kung nagbabasa pa ba siya ng ‘latest news’ o kung nasa tamang “huwisyo” si Cong. Joey—na hinahangaan pa naman natin—dahil kung hihimayin ang detalye ng kanyang mga banat sa Port of Subic eh, puno lang ng intriga pero sa totoo lang, wala namang sunstansya.
Kaya ang komento ng mga miron? “Harinawa” anila na hindi “nagpapagamit” si Cong Joey sa ilang mga kaibigan niya o mga may ‘vested interest’ sa Port of Subic.
Sa kanya mismong press release, ipinunto ni Cong. Joey na noon lang Disyembre, apat na insidente ng mga agricultural smuggling ang naharang sa Port of Subic.
Kung paano naman naging “ebidensiya” ito na talamak ang smuggling sa Subic sa pananaw ni Cong. Joey at hindi ebidensiya na sunod-sunod ang pagkabigo ng smuggling attempt dito, hindi natin maintindihan, dear readers.
Binigyan din ng malisya ni Cong Joey ang nangyaring pagpabalabas ni Martin ng may higit 7,000 tonelada ng asukal sa Port of Subic noong Agosto kahit wala namang batayan. Sa lumabas kasing imbestigasyon ng Senado at Kongreso, “ligal,” as in, ‘everything is aboveboard’ sa nasabing transaksyon kaya nga hindi sinibak o dinisiplina si Martin at iba pang mga port officials. Asan ang ‘sugar smuggling’ doon, aber?
Hmm. May iba kayang “mas malalim” na dahilan si Cong Joey kung bakit “atat” siyang gibain ang Port of Subic at si Martin? May gusto ba siyang irekomendang kapalit?
Kung ganito nga, eh masagwa namang tingnan, dahil “kabastusan” na siraan pa niya ang rekord ng grupo ni Martin sa paglaban sa smuggling para lang masunod ang gusto niya.
Hindi rin kasi malaman ng mga miron kung bilang isang mataas at responsableng lider ng Kamara, “binabasa” ba ni Cong. Salceda ang mga datos na regular na ipinapadala sa kanya, sa Kongreso at Senado ng BOC bago siya umariba sa ‘character assassination’ ng ibang mga kapwa niya na mga lingkod-bayan?
Naniniwala kasi sila na kung ginagawa ito ni Cong. Joey bago tumalak sa media, mag-iisip muna siyang mabuti bago lumabas na katawa-tawa sa dakong huli, hehehe!
Bakit kanyo? Sa rekord kasi ng BOC at Port of Subic, lagpas sa P1 bilyon ang mga nakumpiskang ‘agri products’ doon sapul nang maupong district collector si Martin noong 2018, kung saan pinamakamalaki ang nahuli sa nakaraang 2 taon—higit P390 milyon noong 2021 at lampas P529 milyon noong isang taon.
Samantala, aabot sa halos P1 bilyon (P925 milyon) ang nahuling mga sigarilyo sa parehong panahon; umabot sa lampas P100 milyon ang mga nakumpiskang palusot na asukal habang aabot naman sa lampas P112 milyon ang halaga ng iba pang mga produkto na tinangkang palusutin sa Subic.
Kung may bahid ng katotohanan at hindi intriga ang mga banat ni Cong. Joey, dapat sigurong ipaliwanag niya kung paano nangyaring bilyon-bilyon ang mga nahuhuling smuggled products sa Subic!
At marahil, dapat din niyang ipaliwanag kung bakit sa kabila ng kanyang mga bintang, palaging ‘surplus/over the target’ ang koleksyon ng Port of Subic sa termino ni Martin.
Kung talamak ang smuggling, Cong Joey, paano nangyaring sobra pa nang higit P7.1 bilyon ang koleksyon ng Subic nito lang 2022 matapos mag-ambag ng P47.73 bilyon kumpara sa target nitong P41.57 bilyon.
Alam din kaya ni Cong Joey na sa kabila ng pandemya noong 2020, ang Port of Subic, sa 17 collection districts ng BOC ang unang nakalampas sa annual target nito buwan pa lang ng Nobyembre 2022?
Ang malaking bulto ng koleksyon ng Port of Subic ay “nakasandal” sa mga ‘fuel/oil products.’ At kung totoo nga ang bintang ni Cong Joey na talamak din ang fuel/oil smuggling sa Port of Subic eh, bakit kada taon na lang, palaging ‘surplus’ ang koleksyon nito?
Maliban na lang din kung hindi pa alam ni Cong Joey na noon pang 2019, umarangkada na ang ‘FMP’ (fuel marking program) ng gobyerno kaya nga bilyones na rin ang natitimbog na mga smuggled oil products. Ang implementasyon ng FMP ay wala sa “kamay” ng sino mang district collector kaya paano kaya “kukunsintihin” ni Martin ang oil smuggling sa kanyang puwerto eh, puwede siyang “sumabit” dito bukod pa nga sa siguradong babagsak ang kanyang koleksyon?
Kung hindi pa rin alam ni Cong. Joey, may “nasampolan” nang BOC district collector sa isang puwerto na malapit sa Port of Subic noong termino ni Comm. Jagger Guerrero. And yes, hindi siya si Coll. Martin.
Tandaan natin na “nakatali” sa talamak na smuggling ang pagbaba ng koleksyong ng BOC. Mas matindi ang smuggling, asahang mababa ang koleksyon ng ano mang collection district.
Ang tanong: “Bakit” hindi tumutugma ang mga nabanggit na datos sa ibinibintang ni Cong. Joey patungkol sa Port of Subic?
Ang ‘moral lesson’ dito, dear readers? Kung “magpapabida” rin lang ang sino mang politiko, puwede ba, ‘yung malapit sa katotohahan. At hindi yung bintang na, ayon pa nga sa termino ng mga komunista eh, walang “kongkretong batayan.”
Maliban na nga lang kung may ‘hidden agenda’ si Cong Joey laban sa BOC kaya siya nagkakaganyan?