Banner Before Header

Atin ang West Philippine Sea!

0 403
KAHIT na anong pagtitimpi ng mga opisyal ng ating Foreign Affairs at National Defense kapag talagang sobra na ang pambabraso at pambubulyaw, paano pa nga tayo magpipigil isambulat ang ating pagkainis at pagkagalit?

Akalain mo, utusan tayo ng Chinese foreign ministry na itigil ang pagpapatrolya at maritime drill natin sa West Philippine Sea (WPS) na nasasakop ng ating exclusive economic zone (EEZ)?

Ano ba ang pakialam ng China na sabihin kung ano ang dapat at hindi natin dapat gawin sa ating sariling karagatan, giit ng Defense Department.

Walang basehan at katotohanan ang paggiit ng China na may ‘historical right’ ito sa pag-aangkin na sa kanila ang WPS, at ito mismo ang sinabi sa 2016 arbitral ruling sa The Hague.

Doble-kara ang China na sa harapan ay tinatapik tayo sa balikat, pero tinatadyakan tayo sa talikuran.

Bukod sa pag-angkin sa WPS, na inaangkin din ng Vietnam, Brunei, Taiwan, Malaysia at Indonesia, buong yabang na iginiit ng China na kanila rin ang Nansha (Spratlys o Kalayaan Group) at Zhongye Island at Huangyan (mga isla ng Pag-asa at Panatag).

Ang nakapagtatagis ng mga ngipin ay ang buong kayabangang sinabi ni Chinese foreign ministry spokesperson Wang Wenbin na dapat nang itigil ang ating pagpapatrolya sa WPS at igalang daw natin ang soberenya ng China sa naturang mga karagatan at mga isla.

Ang nagpapainit ng ulo ay ang buong yabang na sabi ni Wang na itigil na raw natin ang pagpapainit ng tensiyon na nakaaapekto ng pagkakaibigan ng China at Pilipinas.

Ano’ng tapang nang hiya naman ng China na sabihan na tayo pa ang nambuburaot at  nambabastos sa kanilang karapatan sa mga isla na noon pa naman ay atin na.

Kung makapagsalita ang China, ipinamumukha sa atin na lehitimo at talagang sila nga ang tunay na may-ari sa WPS.

Sa inaastang ito ng China, maliwanag na hindi kaibigan ang trato nito sa atin: tayo sa kanila ay puwedeng sipain, anomang oras na naisin nila.

***

Sinusuportahan natin ang ipinapakitang tapang ng ating Defense Secretary Delfin Lorenzana at ang ating matinding paggiit sa karapatan sa mga isla ng Spratlys, Panatag at Pag-asa na ang katotohanan ay noon pa nasasakop ng ating EEZ.

Para sa atin, hindi lang ang palagiang pagpapatrolya ng BRP Gabriela Silang (OPV-8301) at BRP Sindangan (MRRV-4407) sa Panatag Shoal, at BRP Cabra (MRRV-4409), BRP Malapascua (MRRV-4403) at barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Pag-asa Island ang noon ay dapat nating ginagawa.

Mas mabuting magtayo na rin tayo ng sarili nating istrakturang militar sa mga islang ito.

Panahon nang gawin ito kahit pa ito ay tutulan ng China: atin ang mga islang ito, at tayo lamang, wala nang iba pa ang may karapatang angkinin ito.

Dapat maging ‘consistent’ tayo sa pagbabandila sa mundo, lalo na sa China na atin ang mga isla: hindi ito sa kanila at basura ang pag-aangkin nila sa mga isla sa WPS.

Dapat na itigil na ng China ang pakikialam sa atin: umalis na kayo, lumayas na kayo sa aming karagatan.

Kung kailangan na bawat oras ay magsampa tayo ng diplomatic protest laban sa China, gagawin natin ito sabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.

Hindi tayo titigil na igiit ang karapatan natin sa mga isla batay sa international law na ating pinagwagian sa The Hague.

Giit ni Sec. Locsin at ni Defense Sec. Lorenzana: Atin ang WPS!

***

Yang Community Pantry ay talagang kahanga-hanga at dapat suportahan natin, kasi hindi naman talaga makakaya ng gobyerno na malutas ang bigat ng problemang dala ng pandemyang Covid-19.

Tungkulin din natin na tumulong at pagaanin ang binabalikat na mga problema ng gobyerno.

Imbes na mangantiyaw at manisi, tumulong na lamang tayo.

Tandaang kasama tayo sa pagbagsak ng gobyerno.

Sa panahong ito, mas marapat na magkaisa tayo.

Saka na tayo maglaban uli kung nakabangon at malalakas na uli tayo.

Sa pag-aaway natin, ang matutuwa ay ang China.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply