NANINIWALA si Atty. Larry Gadon, ang sikat at respetadong abogado na nagpatanggal kay SC chief justice Ma. Lourdes Sereno, na may “tatlo” (3) dahilan kung bakit kahit wala nang trabaho bilang ICC (International Criminal Court) chief prosecutor itong si Fatou Bensouda, ipinipilit pa rin nitong “maimbestigahan” ang ‘Pinas at si PDU30 sa umano’y ‘crimes against humanity’ dahil sa mga namatay sa ‘War on Drugs’ ng pamahalaang Duterte.
At ano ang tatlong dahilan na “nasilip” ni Atty. Larry? Eh, ano pa kundi “pera, kuwarta at salapi!”
Sa ginanap na ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) noong Biyernes, Hunyo 18, 2021, isa mga naging tanong kay Atty. Gadon ay ang kanyang pananaw sa ipinagpipilitan nitong si Bensouda na imbestigasyon ng ICC ang administrasyon ni Pang. Rody.
At aprub sa atin ang pananaw ni Atty. Larry nang sabihin niyang kailangan nga naman na ‘ma-justify’ nitong si Bensouda ang gastos ng kanyang tanggapan na ang bulto ay “donasyon” ng kung sino-sinong maimpluwensiyang grupo. 1992 pa nakaupo sa kanyang puwesto itong si Bensouda na nagmula sa Gambia, isang maliit na bansa sa Africa.
Kumbaga, kailangan nga namang maipakita nitong aleng ito kung ano naman ang naging pakinabang sa kanya ng ICC, sampu ng mga limpak na salapi na kanyang nagastos sa nakaraang higit 8 taon niya sa puwesto.
Ano ba ang ipinipilit na mga “batayan” nitong si Bensouda upang imbestigahan ang gobyerno ng ‘Pinas? Eh, ano pa, bagkus isang tambak na “tsismis” at mga akusasyon noon ni Sen. Trillanes na galing naman sa ‘perjured testimony’ nitong si Atty. Jude Sabio, ayon pa kay Atty. Gadon.
At siyempre pa, ang mga ulat ng ‘Rappler’ hinggil sa mga namatay sa giyera kontra droga na napatunayan naman palang walang batayan dahil kontra sa opisyal na datos.
Take note, si Gadon ang nilapitan noon nitong si Sabio nang “maramdaman” niyang “ginagamit” lamang siya (Sabio) ni Trillanes upang siraan si Pang. Duterte.
At bakit naman “nagpagamit” si Atty. Sabio? Dahil nga sa tatlong dahilan na binanggit ni Atty. Gadon—pera, kuwarta, salapi.
Dangan kasi, umaabot pala sa P70,000 ang “monthly” nitong si Sabio mula kay Trillanes kaya pumayag na gawing ‘battering ram’ laban kay PDU30, gamit ang mga walang batayang “ebidensiya.”
Sa ganang atin naman, ‘diversionary tactic’ lang itong pag-iingay ni Bensouda upang ilihis ang atensyon ng mga Pinoy sa mas kahindik-hindik na pagpatay at terorismo ng CPP-NPA, partikular ang paggamit ng mga bomba at pagpatay sa mga sibilyan katulad ng ginawa nila sa magpinsan na sina Kieth at Nolvin Absalon noong Hunyo 6, 2021, sa Masbate.
Pansinin na ang CPP-NPA ay “kaalyado” ng mga “Dilawan” at ni Trillanes sa ilalim ng bandila ng ‘1Sambayan,’ ang parehong grupo na nagsampa ng reklamo sa ICC laban kay PDU30.
At sa ipinakita ni Bensouda, eh, “alam na this,” kung ano ang kanyang relasyon kay Trillanes, sa CPP-NPA at sa 1Sambayan—magkakakampi sila, ano pa ba?
Na isang ‘hatchet job’ ang ginawa ni Bensouda laban sa administasyon upang ilihis ang atensyon ng mga Pinoy palayo sa terorismo ng CPP-NPA ay makikita rin sa katotohanan na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.
At dahil walang hurisdiskyon ang ICC sa ‘Pinas, malinaw na propaganda lang ang lahat ng ingay nitong si Bensouda at ng 1Sambayan laban sa ating gobyerno dahil sa dakong huli, wala naman itong patutunguhan.