KAAKIBAT ng isyu sa pagkakaroon ng bakuna ang polisiya sa malayang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa (independent foreign policy) na ipinatutupad ng kasalukuyang administrasyon.
Kaya nga, nang-intriga na naman ang mga anti-Duterte sa sinabi ng Pangulo patungkol sa VFA – Visiting Forces Agreement— na kung gusto ng Estados Unidos na ito ay magpatuloy ay kailangan nilang magbigay ng bakuna. Para sa mga katulad ni VP Robredo, ito raw ay isang uri ng pangingikil (extortion) sa mga Kano.
Ginagamit lang ng ating pangulo ang kanyang talino sa diplomasya dahil ilang daang taon na rin tayong laging agrabyado (shortchanged) pagdating sa pakikitungo sa US.
Ang usapin sa VFA ay ang pangulo lang ang magsasabi kung ito ay dapat magpatuloy o hindi, bagay na malinaw na nakasaad sa ating Saligang Batas. Ito sumasaklaw sa foreign relations at foreign policies ng Pilipinas na nasa kapangyarihan ng ating Presidente,
Sa panahon ngayon na ang Pilipinas ay nakikipag-mabutihan sa Tsina sa pagsisikap ng mga lider ng dalawang bansa, hindi nararapat na pabayaan ni Pangulong Duterte na tayo ang maging lugar kung saan ilulunsad ng US ang kanyang giyera sa bahaging ito ng Pacific Region.
Ang sinabi nga ng Pangulo :
“Tayo malapit sa China, the theater of war. Kung mag-umpisa man (ang gera) dito sa (South) China Sea.
“Pinipilit natin na Amerikano tayo, we should be provided with the arms and armaments that would at least place us on equal footing with those in war with us. Iyong Amerikano, wala namang binibigay.”
“I have talked with some Americans, sabi nila yung war games, it’s coming in May.
Ang mga Amerkano, nagdala ng armas, mag-display sila, tinuturuan nila ang Pilipino paano gumamit during war games and then after that they go home and bring back their equipment – iyan ang lamentations ng Pilipino, yan ang hindi alam ni Robredo,” dagdag pa niya.
“Pagkaalam ni Robredo, nothing’s wrong with America and the Philippines. Ikaw ma’am, I’m sorry to say you are not really qualified to run for president, you do not know your role in this government,” patutsada pa ni Pang. Digong.
Ang hirap kasi sa mga intriga na walang basehan na puro pagbabaluktot at kasinungalingan, napapasama ang pamahalaan sa ating mga kababayan.
Ginagawa na lahat ng pamahalaan upang makaahon tayo sa pandemyang ito sa pamamagitan ng pakikipagmabuting relasyon sa Tsina sapagkat ang Tsina lamang ang nag-iisang bansa na nakatayo sa larangan ng ekonomiya sa gitna ng pandemya.
Kapag ginulo ng US ang katahimikan ng ating rehiyon sa pag-uumpisa ng isang digmaan laban sa Tsina na ang Pilipinas ang gagamitin cannon fodder, ito na marahil ang katapusan ng Pilipinas at ng mundo.
Hindi na natuto ang sangkatauhan sa mga nagdaang digmaan, walang nananalo sa digmaan lalo na ito ay pandaigdigan. Magkakaroon ng mga kampi-kampi at magbubuo ng alyansa at lahat ay makakaladkad sa digmaan na walang may gusto.
Ang impormasyon ng Pangulong Duterte na unti-unting ibinabalik ang US naval base sa Subic ay hindi isang biro.
Matagal nang plano ang paglalagay ng mga base na paiikutan ang Tsina (encirclement of China) upang sa pagsiklab ng digmaan ay naka-posisyon na ang mga “kaalyado” ng US at hindi na makaka-porma ang Tsina.
Ang Pilipinas ang may pinaka-istratehikong lokasyon na hindi gustong bitawan ng US nna may masamang plano laban sa Tsina.
Naniniwala naman ako na magaling maglaro ng kanyang baraha ang ating Pangulo, gayon din si Pangulong Xi Jinping. Hindi dito magsisimula ang digmaan.
(Samahan si Ka Mentong Laurel at mga panauhin sa “Power Thinks” tuwing Miyerkules @6pm Live Global Talk News Radio (GTNR) sa Facebook at sa Talk News TV sa You Tube; at tuwing Linggo 8 to 10am sa RP1 738khz AM sa radyo.)