HINDI tumitigil ang pag-ikot ng mga balita na hindi na mapipigilan ang pagdadala ng sulat sa Bureau of Customs (BoC) sa darating na mga linggo patungkol sa “bagong commissioner” ng ahensiya.
Ang pagsibak kay Commissioner Rey Leonardo Guerrero ay ilang buwan nang nagpapaligalig sa mismong komisyoner at sa mga dikit na opisyal at mga tauhan nito.
Ngunit hanggang sinusulat ito, sinasabi ng mga opisyal sa Office of the Commissioner (OCOM), “lumang balita na ‘yan… hindi papalitan si Commissioner Guerrero…”
“Kung nai-extend ang pananatili ni Commissioner, ito ay dahil sa ilang “konsiderasyon” na nagawa nito. Pero ngayon na “kailangan” na (daw) ang bagong liderato, not even some Malacanang people na kakampi ni Guerrero ang makapipigil sa pag-aappoint ng kapalit niya,” sabi ng isang insider sa BoC.
Pinatotohanan ito ng isang opisyal ng Department of Finance (DoF) na nagsabing kahit ang backer ni Jagger na si Finance Sec. Carlos “Sonny” Dominguez, ay “walang magagawa… nakahanda nang palitan si Commissioner…”
Sinabi sa inyong lingkod na isang dating opisyal ng PNP at kasalukyang batambatang opisyal ng BoC ang pinagpipilian na kapalit ni Guerrero.
“Pero isang dating congressman ang naririnig nating magiging kapalit ni Commissioner … malapit daw ito kay Presidente Rodrigo Roa Duterte,” sabi naman ng isa pang insider sa Customs.
Isa namang opisyal ng OCCOM ang nagsabi na “ginagawa ni Guerrero ang lahat … like moving heaven and earth para manatili siya sa kayang puwesto.”
Muli rin daw na “nangako si Guerrero” na gagawin ang lahat upang lalo pang makontrol ang korapsyon sa Aduana.
Ang kontrang pahayag ng mga kritiko ni Guerrero, “paanong makokontrol niya ang corruption marami pa ring ang hindi niya masibak na mga sinasabing corrupter at corruptor sa Customs.”
Isang malaking dahilan na kaya raw pumayag na si Pangulong Duterte na palitan si Guerrero ay sa dahilang “overstaying” na raw ito sa kanyang puwesto kaya dapat nang palitan.
Ang mga smuggler at mga kasabwat na opisyal ng mga ito ay nananatili pa rin sa puwesto at ito, sabi ng mga kritiko ni Guerrero, ay nagpapatunay na wala siyang political will na linisin ang BoC.
Sa tanong na kung sino talaga ang ipapalit kay Guerrero, sinabi ng isang taga-Malakanyang: “Basta batambata siya… dalawa sila na pinagpipilian, isang insider at isang outsider… pero anytime soon… idedeklara na ang bagong kapalit ni Guerrero.”
***
Kilala ko na kung sino-sino kayo.
Ngunit hindi ko gagamitin ang espayo na ito upang kayo ay pangalanan at ilagay kayo sa kahihiyan at panlilibak ng mga taong alam ang inyong mga ilegal na gawain.
Ang nais ko lamang, at iang matinding pakiusap, maging fair naman po tayo.
Alam ninyo, ang kasama sa aking trabaho ay gumawa ng mga ‘expose’ at maglantad ng kung anoman ang dapat na maisulat, na ang pangingibabaw ay ang kapakanan ng bayan at ang interes ng publiko.
Pabayaan natin na gawin ang mga trabaho natin – nang walang pagbabanta o ng anomang foul play.
Pareho-pareho tayong mga professional at iyan ang paniniwala ko.
Magpagalingan na lamang tayo sa pagsusulat at sa pagtupad sa ating tungkulin.
Be competitive, not combative.
Let a thousand flowers bloom, sabi nga.
Sa tunay na pagtutunggali ng kaisipan at talino, lalo nating makikita ang totoo at ang kasinungalingan.
Yan ang dikta ng ating profession at kung tunay na tayong lahat ay propesyonal, iiwasan natin ang pananakot, pagbabanta at paninira.
Isyu at hindi personalidad ang dapat na maging basehan ng panulat.
Maraming salamat sa inyong pagpuna sa akin, at asahan ninyo, ang lahat na mabubuti ay aking kukuhanin at ang masasama, ibabaon sa limot.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang a bampurisima@yahoo.com).