MAY KASABIHAN ang mga Tagalog na kapag ang puno ay hitik sa bunga, ito ay pinupukol. Sa madaling sabi, ang puno ng mangga ay binabato sapagkat nais ng pumupukol na bumagsak ang mga bunga nito.
Ang talinghaga ay may katumbas na kahulugan sa reyalidad ng buhay. Ibig sabihin, ang isang tao –karaniwan ay lider o opisyal — na matagumpay sa kanyang posisyon, maayos na namumuno at gumagawa ng tama, ay kinaiingitan at nais na pabagsakin ng ilang may ambisyon sa nasabing puwesto.
Sa kasalukuyang panahon ay may dalawang opisyal ng gobyerno ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang nasa ganitong kalagayan.
Una, ay si Secretary Manuel M. Bonoan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Low-key official ng gobyerno, si Bonoan ay very qualified sa kanyang posisyong secretary ng DPWH. Dati siyang undersecretary ng nasabing departamento noong panahon ni President Joseph “Erap” Estrada. Naging Usec din at acting secretary noong panahon ni President Gloria Macapagal Arroyo.
Nang umalis siya sa gobyerno, si Bonoan ay lumipat bilang presidente ng San Miguel Infrastructure Corp. na siyang gumawa ng mga modernong Skyway at iba pang toll roads ng bansa, kabilang na ang nasa Southern Luzon at Central Luzon at Northern Luzon.
Ngayon siya ang inilagay ni President Bongbong na mamuno sa DPWH, pinatunayan ni Manny Bonoan na may mataas na pamantayan ang kanyang liderato.
Mula sa pagpili ng mga assignments para sa kanyang mga undersecretaries, ipinakita ni Secretary Bonoan na alam niya ang kakayahan ng bawa’t isa sa kanyang mga tauhan at may oportunidad silang maglingkod nang tama sa kani-kanilang assignments.
Kabilang sa may mahalagang mga tungkulin ay ang tatlong matinik na mga Usec ng DPWH. Sila’y sina Usec Emil K. Sadain bilang senior undersecretary; Usec Roberto R. Bernardo, undersecretary for regional operations in National Capital Region, Regions 3, 4-A, 4-B, 5, 6, 7, and 8; at Usec Eugenio R. Pipo Jr., undersecretary for regional operations in CAR, Regions 1, 2, 9, 10, 11, 12 and 13.
Sa ganitong matitikas at maaasahang mga pinuno ng DPWH, makatitiyak ang bansa ng maayos na infrastructure projects. Karapat-dapat ngang bigyan na si Secretary Bonoan ng confirmation mula sa Commission on Appointments.
Bagong MARINA
Mayroon nang bago at pinalakas na Maritime Industry Authority (MARINA) sa ilalim ni Administrator Hernani N. Fabia, at tulad ni Secretary Manny Bonoan ay “pinagnanasaan” din ng marami ang kanyang puwesto.
Simula nang siya’y mahirang bilang administrator ng Marina ni President Bongbong Marcos, ginawa na ni Fabia ang lahat upang maisaayos ang industriya ng maritima, shipping at manning ng mga barko sa bansa.
Ang balita namin, di tulad ng kanyang pinalitang administrator, si Hernani Fabia ay may matibay na paninindigan, organisado at modernong management style, at tunay na may malasakit sa mga stakeholders ng maritime industry tulad ng mga shipowners, shipbuilders, mga port operators, at higit sa lahat, mga seafarers o seamen.
Dahil sa matatag na pamumuno ni Fabia, nabalitaan namin na ang STCW Office ng MARINA ay nabigyan kamakailan ng patuloy na sertipikasyon bilang ISO 9001:2015, kaya’t nakumpleto na ang sirkulo ng sertipikasyon sa Central Office at maging sa mga satellite at regional offices sa Metro Manila at sa iba pang mga rehiyon sa Pilipinas.
Ang International Organization for Standardization (ISO 9001:2015), ay ang kinikilalang standard ng kalidad na ngayon ay sinusunod ng may isang milyong mga organisasyon sa buong mundo.
Sinertipikahan nito ang STCW Office ng MARINA Quality Management System (QMS), patunay na nakapasa ito sa mga requirements.
Ang sertipikasyon ay sumasaklaw din sa mga activities ng MARINA Central Office — STCWO at sa mga devolved functions sa MARINA regional offices, kabilang na ang MRO National Capital Region (SM Manila at PITX), MRO-4 Batangas, MRO 6 Iloilo at Bacolod, MRO 7 Cebu at MRO 11 Davao.
Ang MARINA ang tangi at nag-iisang administrasyon tungkol sa implementasyon ng International Convention on the Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW) for Seafarers, 1978, as amended.
Sa pamamagitan ng STCW Office nito, ang mga polisiya at procedures para sa mga stakeholders, patungkol sa training, sertipikasyon at assessment system ng mga Pilipinong seafarers ay ipinatutupad ng MARINA.
Dahil dito, ang mga Pinoy seafares ay napapanatiling edukado, bihasa, at may kaalaman at kakayahan sa umaangkop sa pambansa at pandaigdigang pamantayan.
Nasa pangunguna ni Administrator Fabia ang paglinang sa isang seafaring workforce o mga manggagawang dagat na Pilipino upang sila ay maging kahanay ng mga pinakamahusay sa daigdig.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).