BINABATI ko muna ang matitikas, mababait at magagaling na mga dating National Press Club (NPC) officers na sina Usec. Paul Gutierrez, former NPC president, and now executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS); director Joe Torres, the new director general of the Philippine Information Agency (PIA); at Alvin Feliciano na dating chairman ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), ay itinalagang assistant general manager ng National Housing Authority, good luck guys!
Saludo ang NPC family sa inyong tatlo, Congratulations!
***
Ewan ko ba, sa halip na ang asikasuhin ay ang patuloy na pagtaas ng bilihin, kawalan ng trabaho, itong Kongreso natin, pulitikang pansarili ang inaatupag.
Mas mahalaga ba ang pagkawala ng titulong “senior” kay dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo (PGMA) kaysa kalam ng sikmura at pambili ng gatas ng mga sanggol at pambili ng maintenance medicine ng mga seniors?
Power play raw sabi Albay Cong. Edcel Lagman, eh, lagi naman kayong nag-aagawan ng puwesto, at walang bago rito.
Saka mali ang term na sinibak, kasi deputy speaker pa rin si dating PGMA, ang nawala lang ay ang ‘honorific’ na kakabit na senior sa posisyon ng sinasabing ‘secret weapon’ ni Presidente Bongbong Marcos.
Kahit itinatanggi ni dating PGMA na binalak niyang patalsikin si Speaker Martin Romualdez, sinabi naman nito na ‘nipped in the bud’ na raw ang ‘moves to destabilize’ ang kukurokupal na palitan siya sa House.
Imposibleng walang ‘go signal’ ni PBBM ang ginawa ng primo hermano niyang si Martin na alisan ng titulong ‘senior’ si PGMA, magkadugo sila.
Hindi rin binulungan ni Marcos si Sr. Deputy GMA na ide-demote siya ni first cousin Martin na sa loob ng 13 ‘pamamasyal’ sa abroad ay sila ay laging magkasama.
Sa konting research ko, ‘yung titulong ‘senior’ kasunod ng deputy speaker e ikinakapit bilang pagrespeto sa mas makaranasan, mas matagal nang mambabatas – na tulad ni PGMA.
Sa pag-alis ng salitang ‘senior’, ano ito, bastusan na, hahahaha?
Teka, eh bakit may kakabit na ‘senior’ sa titulong senior deputy speaker si Ilocos Norte Sandro Marcos e bagito ito, hindi siya kasinggulang este kasinggaling ni PGMA.
Kasi, si Sandro ay anak ni first cousin PBBM, tama po ba, Speaker Martin?
Mas kagalang-galang ba ang pamangkin kaysa dating presidente?
Sa press release, kaya raw inalis ang ‘senior’ kay Lola Gloria para raw mabawasan ang marami nitong trabaho sa Kamara, ganu’n, aba lalong delikado ka, Speaker Martin, lalong makagagalaw si PGMA!
Dapat nga, tinambakan mo siya ng trabaho para di na makaisip pang ikaw ay masibak tulad nang nangyari noong 2018 na bigla, naagaw ni Lola Gloria ang upuan ni Speaker Pantaleon Alvarez.
Oops, at noon, maugong na si VP Sara Duterte – noon ay Davao City mayor – ang katulong ni PGMA para pataubin si Pantaleon na walang nagawa kundi ang magtampong purorot kasi hindi siya pinansin kahit pa nagsumbong kay dating Pres. Rodrigo ‘Digong’ Duterte.
***
Smart move daw ang pagpalit ni Rep. Aurelio Gonzales Jr. kay Lola Gloria na kinabitan ng titulong ‘senior’ kasi magkababayan sa Pampanga ang dalawa.
Maling move nga ito sa tingin ng ilang kongresista, kasi si Rep. Gonzales eh bata-bata rin ni PGMA at sa susunod na “maniobra,” ewan baka isang araw, matulad ka kay Alvarez, Mr. Speaker.
Eniwey, totoo man o hindi na ninais ni Lola Gloria na hubaran ng titulong Speaker si Martin, itatanggi niya ito, kasi nga, sanay na mag-deny ang secret weapon ni PBBM.
Natatandaan pa ba ninyo noong 2004 presidential elections, bistado na ang usapang dayain si Da King Fernando Poe Jr., pero itinanggi pa rin ito ni PGMA kahit na nabisto ang usapan nila na tapyasan ng boto ang aktor sa nag-trending na “Hello, Garci.”
Ayon sa mga ‘marites’ nagpatawag ng maraming miting si Lola Gloria para baguhin daw ang palakad sa Kamara at isa sa kamiting ay nagsumbong kay Speaker Martin kaya ang ginawa nito, inalisan ng titulong “senior” ang dating pangulo.
Yes, mapapaamin ba si Lola Gloria na ang sabi, yun daw pamamasyal nila sa South Korea na kasama ang ilang congressman ay na-miscontrued ni Speaker Martin.
Ay, naloko na, napagbintangan pa si Speaker Martin na mali ang hinala na ito ay napraning sa takot na mawala sa pwesto, agad na tinanggal na senior deputy speaker ang secret weapon ng Pangulo.
At ito ang paghandaan mo, Speaker Martin, kasi matapos ang dalawang araw na tanggalan mo ng “senior” si Lola Gloria, nakitang sweet na sweet sila ni VP Sara Duterte na lumayas bilang co-chairman ng Lakas-CMD.
Ayon sa kumalat sa social media, binigyan ng birthday bash ni tycoon Manny V. Pangilinan nitong Biyernes, Mayo 19 sina VP Inday Sara at Lola Gloria at may nangyaring miting ng ilang kaalyadong kongresman.
Ang rason sa paglayas ni VP Inday Sara, ayon sa kanyang paliwanag ay dahil ayaw niyang makisali sa mabantot na labanan sa politika.
Basta magtatrabaho siya, sabi ni Inday Sara para sa Filipino ay ayaw niyang makigulo sa power play – na marahil ay ang laro sa Kamara.
“I am here today because of the trust of the Filipino people… This cannot be poisoned by political toxicity or undermined by execrable political power play,” sabi ni VP Inday Sara na maugong na maugong, kahit malayo pa ang 2028 ay tatakbong presidente.
***
May power play nga, kasi si Lola Gloria ay chairman emeritus ng Lakas CMD, at si Speaker Martin ang presidente nito, at si Sen. Bong Revilla naman ang chairman ng partido – na co-chairman nga si VP Inday Sara.
Ngayon na hindi na “senior deputy speaker” si Lola Gloria at hindi na co-chairman si VP Sara mas marami nang panahon ang dalawang superwomen na mag-chikahan para sa iba pang bagay.
Nang mag-chikahan nga sina PGMA at VP Duterte noon e nasibak si Rep. Alvarez, ay kinukutuban ang marami, baka may mangyaring balikwasan sa Kamara.
Teka, ngayon pinatalsik na ni Speaker Martin ang secret weapon ng kanyang pinsang-buo, sumama pa kaya si PGMA sa mga lakad ni PBBM?
Ibang magtampo ang mga lola at wag maliitin ang mahika at tambalan nila ni VP Inday Sara, at baka isang araw, si Speaker Martin ay maringgan natin na sinasabi, “I am sorry!”
Eniwey, sa panahong ito, matetesting ang lakas ng kapit ng dugo ng magpinsang Martin at Bongbong o ang kapit ng interes politika at kampihang Bongbong at Arroyo?
Mangyari kayang mabuwag na rin ang sinasabing sanggang dikit na relasyong politika nina PBBM at VPSD?
Sa paniwala ng marami, nagpoposisyonan na, naglilinyahan ngayon pa lamang para sa karera sa Malakayang sa 2028.
Anak ng pu@!?&^^*#$, asikasuhin muna nyo ang inflation, nakakaiyak na sibuyas, cartel ng asukal, bigas, at iba pang agri products.
Habang nag-aaway kayo, tatawa-tawa si Onion Queen Leah Cruz, nakangiti lang sina MVP, Ayala at iba pang oligarko kasi, may pag-aabalahan na namang ‘circus’ ang mga mambubutas sa Kamara.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).