Banner Before Header

Benepisyo ng PhilHealth dapat nang repasuhin

0 151
SAAN nga ba aabot ang kalahating milyong piso kung mayroon kang mabigat na karamdaman? Kung may sakit ka sa puso halimbawa at kailangan ng coronary artery bypass graft surgery, tinatatayang ang P500,000 eh “kalahati” pa lang ng kabuuang gastos, aguy!

Ito ang katotohanan para sa mga PhilHealth members na buwan-buwan ay naghuhulog ng higit isang libong piso sa pag-aakalang wala silang poproblemahin kapag nagkasakit sila. Kuwidaw: Basta “akala,” mali!

Sa isang briefing ng PhilHealth para sa Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprise nitong Oktubre 5, ibinunyag ni committee chairman Senator Alan Peter Cayetano na ang package ng PhilHealth para sa nabanggit na procedure ay P550,000, samantalang ang actual cost sa isang pangunahing ospital sa Maynila ay humigit kumulang P907,000. Samakatuwid, may out-of-pocket expense ka pa na P357,000, na para sa karamihan sa atin ay napakalaking halaga na, partikular sa panahon ngayon na “hikahos” pa rin ang ating ekonomiya.

Pansin tuloy ng mga miron sa pagdinig, maraming Pilipino ay napipilitang hindi na lang magpagamot dahil sa laki ng gastos kahit pa nga andyan ang PhilHealth.

Sa ipinakita pa ni Cayetano na sa kanyang ‘presentation briefing,’ lumalabas din na 6 sa bawat 10 Pinoy ay namamatay na lang nang hindi man lang nakapagpapatingin sa doktor, my gad!

Base rin sa isang survey noong 2019, halos 99 porsiyento ng mga Pilipino ang hindi bumibili ng gamot na pineprescribe sa kanila dahil sa kamahalan nito!

Lumabas din na para sa gastos sa ‘healthcare,’ 44.7 porsiyento ay “kargo” ng pasyente sa halip na maibsan dahil nga andyan ang PhilHealth o ibang ‘insurers.’

Lumabas din sa pagdinig na bagaman mayroong ‘zero billing’ o ‘NBB’ (no balance billing) ang PhilHealth sapul pa noong 2012 para sa mga pasyente sa mga government/public hospitals at mga PhilHealth-accredited private hospitals, hindi rin ito naging epektibo, araguy!

Noong 2012 din nasimulan ang All Case Rates (ACR) Policy ng PhilHealth na nagtatalaga ng halagang i-rereimburse sa miyembrong nagkakasakit pero ang tanong ulit, naging epektibo ba? Ano sa tingin ninyo, dear readers?

Higit 10 taon na pala ngayon ang NBB at ACR policies ng PhilHealth at tama lang ang panukala na kailangan nang irepaso ang mga polisiyang ito, ayon pa kay Cayetano.

Halimbawa, ang average peso-dollar exchange noong 2012 at P42.2171, samantalang ngayon ay halos P60 na!

Bukod diyan, grabe ang pag-akyat ng inflation rate natin dala ng COVID-19 pandemic at ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine. Nagmamahalan ang lahat ng bilihin, at dahil diyan ay kailangang i-adjust na rin ang serbisyo ng PhilHealth.

Sa panahon ngayon, talagang “bawal” magkasakit. Hindi lang dahil matindi ang tama ng pandemic, pero dahil kulang ang makukuha natin sa PhilHealth.

Tama lang na suportahan ang panukalang repasuhin ang mga benepisyo mula sa PhilHealth!

Leave A Reply