AKALAIN mo, puwede palang dito mag-enjoy at magpasarap ang mga Koreano at Chinese na ‘retirees’ sa edad na 35-anyos?
Eh, sa atin, 60 pataas ang edad ng mga nagreretiror at sa ibang bansa, 65 anyos bago payagang mag-enjoy ng benepisyo ang isang kawani ng gobyerno at ng kompanyang pribado.
Kahit anong palusot, mahirap tanggaping walang anomalya sa pagpayag ng Philippine Retirement Authority (PRA) na manirahan bilang retirees ang mga foreigners sa batang edad na 35-anyos!
Nabuking ito sa hearing sa budget ng Department of Tourism (DOT) nang aminin ni PRA General Manager Bienvenido Chy, na binibigyan ng special resident retiree visas (SRRV) ang mga Koreano dito sa Pilipinas, sonabagan!
Kasi raw, sabi ni Chy, sa edad 35, pinagreretiro na ang mga opisyal ng militar sa Korea?
Pag may SRRV ang isang foreigner, pwede na siyang mag-stay sa Pinas, kahit ilang taon, may multiple entry at exit visa pa.
Kung sa US, parang green card holder o kung sa Canada, parang permanent resident card holder.
Alam nyo ba, pinakamarami ang Chinese sa mga “retiradong” dayuhan sa bansa na mahigit sa 27,000; kasunod ang Korean na 14,000 at Indian, 6,000.
E, ilang libo kaya yung Chinese na nakalusot sa mga ‘Pastillas Boys’ ng Immigration na ngayon ay nasa POGO o nasa iba’t-ibang negosyo sa bansa?
Masisisi ba batin si Senator Richard Gordon, na isponsor ng 2021 badyet ng DOT kung siya ay magwala?
Sabi nga ni Gordon, wala siyang pakialam sa mga Koreano, ang problema niya ay ang mga Chinese.
“I don’t care about Korea. We have a problem with our neighbor [China],” sabi ni Gordon – na totoo naman, kasi nga, noon pa, balita na maraming Chinese fugitives, mga aktibong opisyal ng People’s Liberation Army (PLA) na prente ang pagtatrabaho kuno sa POGO, pero baka nag-eespiya sa atin.
Dahil sa POGO, dumami ang krimen ng prostitution, kidnapping, at murder na involve ay mga Chinese na nakuhanan ng ID ng PLA.
Mga abusado pa ang mga yan na feeling nila, tayo ay probinsiya ng China!
Di ba may tindahan sa Binondo na ipinasara ni Mayor Isko Moreno kasi ang mga paninda ay may tatak na gawa raw sa “Philippines, Province of China.”
Naideport na ba ang Intsik na gumawa nito?
(Belated happy 46th birthday to Mayor Isko Moreno last Oct. 24 and sincerest condolences on the death of his mother, Rosario Domagoso, at the age of 74).
Malaking problema natin e kung namomonitor ba ang pagpasok ng mga foreign ‘retirees’ na ito at ang mga pinalusot na POGO workers ng mga hinayupak na ‘BI Pastillas Boys.’.
Kung ako ang tatanungin, hindi lang suspensiyon at mabigat na parusa ang ipataw sa Pastillas Boys at mga korap na taga Immigration, kasi, pagtataksil o treason ang ginawa nila.
Sa report, noong 2019, nasa 6,678 illegal foreign workers ang nakapasok sa bansa na nakapasok kunwari ay turista, at malay natin kung sila ay takas na kriminal, PLA officer o bigtime druglords sa China at dito nagpapasarap at patuloy sa kanilang ilIgal na negosyo.
Silent invasion ang ginagawa ng mga foreigner na ito, at ito ay kagagawan ng mga korap at gahamang taga-BI.
Imagine, 35 years old, retirees na sila, at ang tiyak, nagtatrabaho sila dito sa atin, at malay natin, kung ano-anong kabulastugan ang ginagawa nila kasi, walang monitoring system ang Immigration at PRA.
***
OK lang na bigyan ng special visa ang mga retirees na ito kung sila ay totoo na magnenegosyo at makapagbibigay ng trabaho, kaso, mga condominium units lang ang binibili, ayos na kay PRA chief Chy?
Sa Canada, milyones na dolyar ang kailangang i-invest ng isang foreigner bago mabigyan ng special visa, e dito sa atin, ano ang polisiya, basta 35 lang ang edad, pwede na?
Kasi raw, pamparami raw ito ng turista – turistang magiging problema ng ating national security, wag naman, Mr. Chy, hane?
Ito namang POGO, ewan ko ba at masyadong mabait ang ating BIR officials na kundi tamad at in-efficient sa pagsingil sa ₱27-billion na tax liabilities.
Wala ring ngiping masyado itong Anti-Money Laundering Council natin para mamonitor ang pagpasok ng mga laundry money ng mga dayuhan at ng mga korap nating politiko.
Dapat lagyan ng mas matalas na pangil ang AMLC para mahabol ang mga money launderer at iba pang mga korap sa gobyerno.
(Para sa inyong mga suhestiyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).