SA KABILA ng banta ng Covid-19 sa kalusugan, patuloy ang pagtatrabaho ng mga tauhan ni Bureau of Customs (BoC) Chief Rey Leonardo “Jagger” Guerrero upang mapaganda ang koleksyon at masupil ang ismagling sa Aduana.
Kaya nga hindi na tayo nagtataka nang muling malampasan ng BoC ang kanilang revenue collection noong nakaraang buwan ng Enero.
Sa katunayan, umabot ng P47.143 bilyon ang koleksyon ng ahensya noong unang buwan ng taon.
Ito’y lampas ng 6.92 porsiyento o P3.051 bilyon sa target nito na P44.092 bilyon.
Ang mga top performing collection districts ay ang Port of Manila NAIA, Batangas, Legazpi, Iloilo, Tacloban, Cagayan de Oro, Zamboanga, Davao, Subic at Clark.
Noong nakaraang taon ay umabot ng P539.7 bilyon ang koleksyon ng ahensya.
Ito’y lampas ng 6.6 porsiyento o P33.5 bilyon kumpara sa target na P506.2 bilyon.
Ang magandang collection performance ay dahil sa lumalaking volume ng importasyon ng bansa.
At siyempre sa kasipagan at dedikasyon sa trabaho ng mga opisyal at tauhan ng BoC.
“Mission accomplished!”
***
Kahit bawal, may mga nagpipilit pa ring magpasok sa bansa ng mga ukay-ukay.
Marami kasi ang bumibili ng used clothing mula sa labas ng bansa.
Dahil sa sobrang kahirapan, marami ang tumatangkilik ng ukay-ukay na talaga namang mas matibay pa kaysa sa mga bagong gawang damit sa bansa.
Hindi takot ang ating mga kababayan sa maaaring dalang sakit ng mga ukay-ukay.
Kamakailan ay nagkaroon ng inspeksyon ang Port of Manila (PoM) sa mga storage facilities sa Pasay City.
Sa kanilang inspeksyon ay nakakita sila ng mga ukay-ukay na nagkakahalaga ng P20 milyon.
Ang team ay binubuo ng mga taga-CIIS ng PoM at ESS-Quick Reaction team.
Ginawa nila ang inspeksyon sa bisa ng Letter of Authority (LOA) na pirmado ni Guerrero.
Sinabi ni PoM District Collector Michael Angelo Vargas na determinado ang kanyang distrito na pigilan ang pagpasok ng mga kontrabando sa bansa.
Ito ay ayon sa utos ni Commissioner Jagger.
***
Dahil sa “imported” na virus na tinatawag na Covid-19 ay nagkawindang-windang ang ating ekonomiya.
Dahil maraming nagkakasakit ng Covid-19, restricted ang galaw ng taumbayan.
Hindi makapagtrabaho ang mga tao dahil walang masakyan at marami ang saradong opisina.
Tama naman ang ginagawang paghihigpit ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Ang problema lang, nandiyan din ang mga fake imported goods, kagaya ng gamot, na banta sa kalusugan natin.
Patunay dito nang makasakote noong Enero 25 ang mga taga-MICP ng mga puslit na pekeng produkto.
Nagkakahalaga ng mahigit P100 milyon ang mga kontrabando ay nakita sa isang storage facility sa Tondo, Manila.
Ang mga pekeng produkto ay kinabibilangan ng gamot, bags, sabon at hindi rehistradong maskara at face shields.
Ang mga nag-inspeksyon ay mga taga-CIIS ng MICP.
Sila’y tinulungan ng mga tauhan ng NBI at PCG.
(Para sa inying komento at suhestiyon, tumawag o magtext sa #0921-4765430/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)