Banner Before Header

BoC revenue target, sapul ng 17 collection districts

0 147
MARAMI ang humanga sa  ginawa ng Bureau of Customs (BoC), na pinamumunuan ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz, noong nakaraang buwan ng Agosto.

Biruin niyo ba naman, lahat ng BoC’s 17 collection districts sa buong bansa ay nalampasan ang kani-kanilang August target tax take sa kabila ng COVID-19 pandemic?

Ito ay bihirang mangyari sa Aduana na kilalang pinamumugaran ng mga mababangis na “cobra.” Kaya nga laking pasasalamat ni Ruiz sa kanyang mga tauhan.

At ito na rin ang pang-walong  sunod-sunod na buwan na nalampasan ng BoC ang kanilang monthly collection target.

Ayon sa preliminary report ng BoC Financial Service, ang koleksyon noong Agosto ay umabot ng P78.9 bilyon, 34.1 percent na mas mataas sa target nitong P58.8 bilyon.

Mula Enero hanggang Agosto 2022, ang total na koleksyon ng BoC ay P559.2 bilyon.

Kailangan na lang makakolekta ng P45.2 bilyong buwanang  koleksyon sa nalalabing 4 na buwan ng taon para maabot ang 2022 collection target na P740 bilyon.

“Hindi lang namin maaabot ang target collection kundi malalampasan pa ng malaki dahil tataas pa ang koleksyon habang papalapit ang katapusan ng taon,” ayon sa isang customs old timer.

Matatandaan na pag-upo ni Sir Yogi sa Aduana ay kaagad niyang inutusan ang lahat ng kanyang district collectors na “saraduhan ang lahat ng “revenue leakages.”

Ito ang isang mabisang paraan para lumaki ang papasok na buwis, taripa at iba pang charges sa kaban ng BOC.

Nagwarning pa si Ruiz, na isang dating  “drug buster” sa Visayas, na aalisin niya sa puwesto mga district collector na mabibigong ma-meet ang kanilang monthly target tax take.

Sa tingin natin ay walang kahirap-hirap na makakamit ng ahensya ang revenue collection target nito sa 2022.

Ang isa sa marching orders ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. kay Commissioner Ruiz ay paigtingin ang kampanya ng gobyerno laban sa ismagling.

Lalo na ang iligal na pagpasok sa bansa ng mga produktong agrikultura, kasama na ang asukal, bigas, carrot at iba pang gulay.

Ngayon nga ay sunod-sunod ang mga nakukumpiskang smuggled agricultural goods sa ibat-ibang parte ng bansa.

***

Nakakumpiska ang Port of Cebu ng 60 bales ng used clothing o “ukay-ukay” noong Agosto 23.

Sa ilalim ng ating mga batas ay bawal ang pag-import ng “ukay-ukay.”

Ang mga kontrabando ay nakapaloob sa isang shipment na naglalaman ng household goods at personal effects.

Ito ay naka-consigned sa isang residente ng Masbate.

Nang idaan ito sa x-ray scanning machine ay nakitaan ito ng “suspicious images” kaya agad itong binuksan.

Kasama sa examinasyon ang mga representante ng CIIS, ESS, X-ray Inspection Project Team, PDEA at Chamber of Customs Brokers, Inc.-Cebu Chapter.

Nag-isyu na si District Collector Charlito Martin Mendoza ng warrant of seizure and detention (WSD) laban sa kargamento dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.

Bilang pagsunod sa direktiba ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ay lalo pang pinaigting ng mga taga-BOC ang kampanya laban sa iligal na pagpasok ng mga produkto sa bansa.

***

Abala ang gobyerno sa pag-kontrol ng tatlong sakit na nagpapahirap sa taumbayan.

Ito ang coronavirus disease o COVID-19, dengue at leptospirosis na pare-parehong nakamamatay.

Ang dengue ay nakukuha sa kagat ng lamok at ang leptospirosis naman ay nakukuha sa tubig na may ihi ng daga at iba pang hayop. Kalimitang nakukuha ito sa mga tubig-baha at tumataas naman ang kaso ng dengue sa panahon ng tag-ulan.

Nakaka-alarma na talaga ang pagdami ng mga taong nagkakasakit ng dengue at leptospirosis.

Kaya nga mabuti naman at abala ang mga opisyal ng mga syudad, bayan at barangay sa paglilinis sa mga paaralan at iba pang pinamumugaran ng mga lamok at daga.

Sana naman huwag mapunta sa bulsa ng mga tiwaling lingkod-bayan ang pondo na gagamitin  sa mga proyektong  ito.

Hindi ba, Pangulong  Bongbong Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #09178624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).

Leave A Reply