SA dami ng isla at haba ng coastlines ng Pilipinas, hindi madaling pigilan ang pagpasok ng mga kontrabando, lalo na ang mga droga at produktong agrikultura, sa ating bansa.
Alam naman natin na imposibleng mabantayan ng mga taga-Philippine Navy, Philippine Coast Guard at Philippine National Police-Maritime Group ang ating mga karagatan 24/7, kahit isama pa natin dito ang bagong tatag na ‘Maritime Police’ ng Bureau of Customs.
Iilan lang naman ang barko at patrol boat ng PN, PCG at pambansang pulisya.
Kaya nga kung saan-saan na lang nakakakumpiska ang mga otoridad ng iba’t ibang “smuggled goods.”
Ang dapat nating gawin ay regular na mag-inspeksyon ang Bureau of Customs (BOC) at concerned agencies sa merkado.
Hindi lang mga pamilihang bayan ang dapat inspeksyunin ng mga otoridad kundi pati pribadong merkado at shopping malls. Aber, d’yan lang sa Taytay, Rizal, alam kaya ni BOC Commissioner Bien Rubio na ito na ang tinatawag ngayon na ‘Ukay-ukay Capital’ of the Philippines?
Kumpiskahin ang mga itinitindang iligal na produkto at kasuhan ang mga may-ari ng mga tindahan.
Pero kung maari lang, gawin lang na mga testigo ang mga nagtitinda. Ang dapat parusahan ay ang mga may-ari at opisyal ng mga tindahan na mahuhulihan ng mga kontrabando.
Panahon na para i-sentro natin ang kampanya laban sa ismagling sa mga bahay negosyo na nagtitinda ng mga puslit na produkto.
Puwede ba ito, Finance Secretary Benjamin Diokno at Comm. Rubio?
***
Muli na namang napatunayan na ang K9 sniffing at x-ray scanning ay mabisang paraan kontra illegal drug smuggling.
Noong nakaraang Pebrero 14 ay naka-diskubre na naman sa Port of Clark sa Pampanga ng mga nakatagong shabu sa isang shipment sa tulong ng turuang aso at x-ray machine.
Nagkakahalaga ng mahigit na P5.7 milyon, ang shabu ay nanggaling ng Harare, Zimbabwe. Ito ay nakapaloob sa isang shipment na deklaradong naglalaman ng damit.
Nang buksan ang shipment ay hindi damit ang nakita kundi white crystalline substances.
Kumuha ang mga taga-BOC ng representative samples na ipinadala sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa isang chemical laboratory analysis.
Kagaya ng suspeta, ang crystalline substances contained methamphetamine hydrochloride o shabu, na isang dangerous drug sa ilalim ng RA No. 9165.
Kaagad na nag-isyu si Port of Clark District Collector John Simon ng warrant of seizure and detention (WSD) laban sa shipment dahil sa paglabag sa nasabing batas.
Sinabi ni Collector Simon na nananatiling “steadfast” ang Port of Clark sa pagpapatupad ng mga direktiba nina Pangulong Bongbong Marcos at BOC Chief Bienvenido Y. Rubio.
Kabilinbilinan nina Pangulong Marcos at Komisyuner Rubio na higit pang paigtingin ang kampanya ng gobyerno laban sa ismagling.
Lalo na ang iligal na pagpasok sa bansa ng mga produktong agrikultura, kasama na ang bigas, sibuyas at iba pang gulay.
***
Parang piyesta na naman sa buong bansa.
Hindi lang dahil panahon na naman ng mga pista, reunion, outing at iba pang kasayahan.
Ang dahilan ng pag-iingay ngayon sa mga barangay ay ang paglabas ng Commission on Elections (Comelec) ng “Calendar of Activities” para sa October 30 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKEs).
Huwag nating kalimutan na halos lahat ng mga kakandidato sa darating na dalawang eleksyon ay mga magkakamag-anak, magkakapit-bahay at magkaka-ibigan.
Sa totoo lang, talagang mas mainit pa and BSKE kaysa sa national at local elections.
Ito ay sa kabila ng katotohanan na ang barangay SK elections ay non-partisan.
Ang ibig sabihin nito, bawal sa mga politiko na makialam sa dalawang halalan.
Pero ang totoo niyan, sa maraming lugar, lantaran na nakikialam ang mga politiko at local government officials sa pagpili kung sinu-sino ang mga tatakbong kapitan at kagawad.
(Para sa inyongkomento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).