AKTIBO ngayon ang aktres na si Vivian Velez – isa sa kilalang Duterte Diehard Supporters (DDS) – sa kampanya ng Team Isko, at bakit siya nag-switch o “bumaligtad?”
Sabi ni Double V, nakita niya na mas praktikal ang solusyong naiisip ni Yorme Isko, at specific ang programa para maitawid ang bansa sa pandemya.
Saka, wala namang ineendorsong kandidato si Presidente Rodrigo Duterte, kaya alam niya, sabi ni VV na malaya silang DDS na pumili ng susuportahan, at para sa kanya, si Isko ang dapat na maging pangulo.
“Marami pa kaming DDS na magsu-switch at praying, sana si Isko na nga (ang manalo), “sabi ni Double V.
Nag-switch o kumampi na rin kay Yorme Isko si Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecreatry Martin Dino na bumilib sa mabilis na kilos ng alkalde laban sa pandemya, pabahay, maayos na ayuda sa Manilenyo, at “may tunay na malasakit sa tao.”
Kay Yorme Isko, sabi ni Usec. Dino, “may continuity ang maraming magagandang nagawa ni President Duterte.”
“Isko is the most touch, most direct to the point,… most refreshing candidate,” sabi ni Krisette Laureta Chu, lifestyle editor ng Manila Bulletin – kilala ring DDS.
Nakaakit kay dating Agrarian Reform Secretary John Castriciones ay ang programa sa agrikultura ni Yorme, “lalo na ang planong Department of Fisheries and Aquatic Resources para sa food security.”
E paano naman napaniwala ni Yorme Isko si Lito Banayo na mag-resign bilang chairman ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) na bale, de facto embassy ng Pilipinas sa Taiwan at pumayag pang maging chief campaign strategist ng Aksyon Demokratiko?
Sabi ni Banayo – na isang certified DDS – nakakabilib si Yorme kasi, siya ay ‘development oriented.’
Sa Maynila nag-Grade 1 si Banayo, at nakita niya ang malaking pagbabago sa pamumuno ni Isko.
Pinakinggan niya, sabi ni Banayo, ang mga plano ni Yorme Isko, at nakumbinsi siya, at pumayag na maging campaign manager ni Isko.
Unang Duterte appointee na umangkas sa kampanya ni Yorme Isko ay si dating Transportation Undersecretary Tim Orbos na founder ng Ikaw Muna Pilipinas volunteer group.
Napakasipag mag-aral at matuto ng maraming kaalaman si Isko, at ang ikinahahanga niya, sabi ni Lito B., “sobrang mapagmahal siya (Isko) sa kanyang ina.”
Noong 2015 muntik nang maging katiket na bise presidente ni Duterte ang noon ay vice mayor na si Isko.
Yes, gusto sana ni Yorme na katiket si Duterte, kaya lang kasama na siya sa senatorial line-up ng noon ay presidential candidate na si Sen. Grace Poe.
***
Isa si Banayo sa campaign startegist noong 2016 presidential campaign ni Duterte, at malaki ang naitulong sa 1986 Cory Aquino-Doy Laurel campaign bilang UNIDO deputy secretary-general.
Naging spokesman si Banayo noong 1992 ng Ramon Mitra Jr.-Marcelo Fernan campaign, at siya ay tumulong sa kampanya ni Erap Estrada noong 1998 elections; deputy campaign manager nang tumakbong presidente si Sen. Panfilo Lacson noong 2004 at deputy campaign manager sa magkatiket na Noynoy Aquino-Mar Roxas presidential bid.
Isa si Lito B. sa pinagkakatiwalaang adviser ni Duterte at ngayong 2022 elections, siya ang isa sa humubog upang maipresenta si Yorme Isko bilang karapatdapat na manalong pangulo.
Makilatis sa kandidatong may katangiang manalo at mabigyan ng maayos na liderato ang Pilipinas, para kay Banayo, si Isko Moreno ang simbolo ng “Bilis Kilos” na administrasyong lilikha ng malaking pagbabago sa susunod na anim na taon.
E, bakit ayaw niya kay BBM?
Ayaw niya, sabi ni Banayo, sa political dynasty.
Nagtitiwala si Banayo, kay Isko, may bagong pag-asa ang bansa; kay Yorme Isko, babangon ang Buhay at Kabuhayan ng milyong pamilyang Pilipino.
Naniniwala tayo kay Lito Banayo: Si Yorme Isko nga ang sagot at solusyon sa hinaharap nating problema ng bansa na pinadapa ng pandemya at ng korapsyon.
Tama ang desisyon ng mga dating DDS na mag-switch na kay Yorme.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).