Banner Before Header

BUWAGIN NA ANG PHILHEALTH

0 907
TUNAY na kasindak-sindak at nakagagalit ang talamak nakatiwalian, ang araw-araw na pagnanakaw sa PhilHealth –ang ahensiya na inaasahan ng mahihirap na sasagot sa malaking gastusin sa pagkakasakit at pagpapaospital at matagal na gamutan.

Sa pagsisiyasat ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), sinabi ni Commissioner Greco Belgica na may dokumentong magpapatunay na mula 2013, umabot na sa mahigit na P154 bilyon ang nadambong ng mga korap sa ahensiya.

A araw-araw, kahit na ngayon na dumadaan sa pagdinig ng Senado at Kamara, patuloy ang maanomalyang transaksiyon, overpiricing, overpayment at kabulastugan sa PhilHealth.

Maitutulad nga, na ang mga korap sa ahensiya ay mga bampira na itinalagang magbantay sa blood bank!

Ganyan nga kung bigyan halimbawa ang mga paratang na katiwalian sa PhilHealth kaya nga sa galit, iniutos ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na usigin, kasuhan at parusahan ang mapatutunayang kasangkot sa pandarambong sa kontribusyon ng maraming mahihirap na mamamayan at sa pondong inilaan ng gobyerno para matugunan ang hinihingi ng batas sa Universal Health Care.

Sa mga pagdinig ng Senado at Kongreso, inamin mismo ng mga nagbitiw na opisyal ng PhilHealth na noon pa ay talamak ang korapsiyon sa ahensiya at mali ang palusot na pawang tsismis lamang, at walang basehan ang iregularidad na natutuklasan.

Kaya tama ang panawagan ng mga mambabatas na bukod sa pag-uusig at pagpapanagot sa mga kasangkot sa katiwalian, tuluyan nang buwagin ang PhilHealth at magtatag ng bagong institusyon na titiyak na may malilinaw na gabay at alituntunin upang hindi na maulit pa ang nagaganap sa ahensiyang ito.

Nagpahayag din ng pagkalungkot si presidential spokesperson Secretary Harry Roque dahil siya ang may-akda ng batas sa Universal Health Care na siyang nagtatag ng PhilHealth.

Aniya, sayang na sayang ang batas na ito na nilapastangan lamang ng mga opisyal na pinagkatiwalaang magbibigay lunas at sasagip sa malaking problema ng mahirap na gastusin sa mga may karamdaman at nasa bingit ng kamatayan.

Sinusuportahan natin ang task force na itinayo ni Presidente Duterte na siyang uusig, magpapanagot sa mga may kasalanan at alam natin, tototohanin ang kanyang banta na ang lahat ng kasangkot ay kanyang ‘yayariin.’

Wala siyang sisinuhin, wala siyang paliligtasin, pangako ng Pangulo, at nagtitiwala tayo na kahit malapit sa kanya, kahit kaibigan pa niya, hindi makaliligtas sa kanyang galit at pagnanais na malinis sa korapsiyon ang kanyang administrasyon.

Para sa amin, isang kataksilan sa bayan ang pandarambong na ito; isa itong pagtataksil sa pagtitiwala ng bayan at walang lugar sa mga taong ito kungdi ang piitan at ang pagbawi sa kanilang mga ninakaw.

Maging maingat na rin sana ang Pangulo sa paghirang ng mga taong inaasahan niya na tutulong sa paglilinis sa mga anomalya sa gobyerno.

Nakadidismaya na ang pinagkatiwalaang lalaki na inaasahan niyang maglilinis sa PhilHealth ay walang alam at  walang malasakit sa kapakanan ng mahihirap na mamamayan.

Imbes na luminis, lalong naging marumi ang institusyong ngayon ay lumalangoy sa pusali ng korapsiyon at kataksilan sa bayan.

Sana rin, isa ang krimeng pandarambong sa mga papatawan ng parusang kamatayan kung ibabalik ng Kongreso ang death penalty.

Malinaw na isang karumaldumal na krimen ang pagnanakaw ng salapi ng mamamayan na inaasahan nila para sa maagap, maasahan at mahusay na panggagamot.

Ang pagnanakaw sa kaban ng PhilHealth ay isang pataksil na paggawad ng tiyak na kamatayan sa mga maysakit at mahihirap na walang mapagkukuhanan ng malaking itutustos sa gamot, ospital, at matagal na pagpapagaling sa karamdaman.

Panahon na upang buwagin ang institusyong pugad ng mga magnanakaw.

Tunawin na ang PhilHealth at magtatag ng bagong ahensiyang tunay na katubusan ng mahihirap na mamamayan.

(Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon, mag-email sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply