NANG una nating marinig ito, talagang hindi tayo makapaniwala at naisip natin, baka ito ay intriga lamang.
Si Supreme Court Administrator Jose Midas Marquez pa ba ang masasangkot sa anomalya? malabong-malabong mangyari ito, sa opinyon natin dahil kilalang maayos sa panunungkulan ang low-profile na tagapamahala ng Korte Suprema.
Pero hindi ito dapat na balewalain dahil kamakailan, pumutok sa radyo at dyaryo ang isyu tungkol sa isang Fil-Chinese na kinasuhan ng syndicated estafa; ang taong ito ay balitang pinaghahanap ng batas.
Ang suspek– Wong Chung Yin (alias David Wong) — ayon sa balita, ay idinemanda ng pamilya Gaisano ng Cebu.
Ayon sa reklamo, nadispalko ni Wong ang P2.6 bilyong investment ng pamilya Gaisano noong 2017 at ang kasong syndicated estafa ay isinampa ni Valerie Gaisano sa isang hukuman sa Cebu.
Umano, may mga kasabwat si Wong sa DW Capital na ang kaso ay dinidinig ni Cebu RTC Judge Stewart Himalaloan.
Paano nasangkot ang pangalan ni CA Midas Marquez sa kaso ni David Wong?
Kasi raw, kahit nagtatago itong si Wong, nagawa nitong makapag-file ng special request sa opisina ng Court Administrator, ayon sa mga abogado ng pamilya Gaisano.
Umano, tumawag pa raw si CA Marquez kay Judge Himalaloan at sinabi na “aksyunan” ang kahilingan ni Wong na ilipat ang hearing ng kaso sa Makati o sa Quezon City.
Paano ito nalaman ng mga abogado ng Gaisano?
Sabi, hindi raw sinasadyang naisama sa transcript ng Korte noong Hunyo 14, 2019, ang special request ni Wong.
Ang sinasabi namang ‘pakikialam’ daw ng court administrator ay pinabulaanan ni CA Marquez nang sabihin niya na hindi niya kilala ang akusado at hindi niya nakakaharap ang sino man sa mga partidong kasangkot sa kaso.
Paliwanag ni CA Marquez, kahit kailan, hindi siya nakikialam sa mga kaso at wala siyang anomang personal knowledge sa kaso nina Gaisano at Wong.
Tinutupad lamang niya ang trabaho niya at ito ay aksiyunan ang mga petisyon na inihahain sa kanyang opisina.
Kaya lang, may nagtatanong: bakit daw siya o ang Office of the Court Administrator ang kailangang tumawag sa Cebu judge na dumidinig sa kaso?
Ano raw ba ang mahigpit na dahilan kaya ililipat sa Makati or Quezon City ang kaso ni Wong? Ano raw ba ang meron sa ibang korte na wala sa Cebu?
Isang pugante o nagtatago sa batas ang humiling na alisin sa Cebu at ilipat ang paglilitis sa kaso. Ano raw ba ang matinding dahilan upang payagan ito?
Ang hihintayin ay ang mas malinaw na paliwanag ng Office of the Court Administrator ng Supreme Court.
(Para sa inyong suhestiyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).