Banner Before Header

China: Maaasahan na kaibigan

0 412
MASAKIT humarap sa mga reyalidad ng buhay natin ngayon – negatibo ang antas ng ating paglago (growth rate) sa 11.5 porsyento ngayong 3rd quarter, dagdagan pa ng 39.5 porsyento ang nawalan ng trabaho (23.7 milyong Pilipino).

Ilang milyong pamilya ang mabubuhay sa mga susunod na buwan ang walang nakikitang pag-asa sa pagkakaroon ng regular na trabaho na may regular na sahod para matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.

Ang pandemya dala ng COVID19 ay nariyan pa rin at magtatagal pa hanggang wala pang bakuna para sa masa. Tunay ngang nakalulungkot ang ating kalagayan.

Medyo umangat ang aking kalooban sa mga nakita kong larawan ni Ambassador Chito Sta. Romana sa China sa pagbubukas ng Third China International Import Expo (CIIE) sa Shanghai, China noong Nobyembre 5, 2020.

Sa ulat ng China Daily, sinabi ni Ambassador Sta. Romana sa mga reporter na may 400 milyong middle-class na konsumador ng Tsina na naghahanap ng natural at masustansyang pagkain ang makabibili sa expo pero baka hindi natin kayanin lahat sa dami nila.

Noong nakaraang taon, ang Pilipinas ay nag-export ng $600 milyon na halaga ng saging at sa nasabing CIIE Expo may $181-M deal ang naisara para sa Pilipinas kasama na ang mga electronic parts at iba pa.

Sa kasalukuyang taon mayroon lamang na $31-M ang nakalakal natin sa CIIE dahil sa COVID19.

Sa kabila ng lahat ay malaki pa rin ang ating pag-asa na makababawi pa rin ang ating ekonomiya sa tulong ng Tsina.

Sa mga balita sa relasyong China-Pilipinas sa larangan ng ekonomiya, may tinalagang “Green Lane” sa mga opisyales at negosyante para sa mabilis na pagbibiyahe upang masimulan na ang pagbangon ng atng ekonomiya.

Sa ASEAN at sa ibang bansa ay nagbukas na rin para sa pagbibiyahe ng mga turista lalo na ang mga Tsino gaya ng sa Brunei Darrusalam, New Zealand, Thailand at Vietnam noong Agosto at sa Singapore, Japan at Taiwan ngayong buwan ng Nobyembre.

Naresolba na ng Tsina ang krisis sa COVID19 sa kanilang bansa ngunit may paglimita pa rin sa pagpasok ng mga dayuhan.

Pero dito sa atin ay kailangan pa ng mas mahabang panahon sa pagtanggap ng mga turista lalo na galing Tsina.

Ayon sa BOI (Board of Investments), may $50 bilyon na halaga ng pakikipagkalakalan natin sa Tsina noong 2019.

Hindi lang sa Pilipinas may ugnayang pang-ekonomiya ang Tsina, pati na rin sa may 129 bansa. Wala na ang dating dominanteng Estados Unidos sa larangan ng ekonomiya sa mundo. Napakalaki ng potensyal sa larangan ng ekonomiya ang pakikipagrelasyon natin sa Tsina kaya para sa mga oposisyon na pilit na sinisira ang ating relasyon sa Tsina at ginagamit ang isyu sa South China Sea, tumahimik na kayo at huwag na sirain pa ang ginawang magandang pakikipagkaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Tsina.

Sa lahat ng mga nasabi at naisulat, tunay ngang kaibigan ang Tsina ng Pilipinas at mga Pilipino lalo pa na isa tayo sa bibigyan ng bakuna para sa COVID19 na nasa huling yugto na ng pagsubok at ito ay sa murang halaga para sa kabutihan ng nakararami.

Yan ang Tsina – tunay na kaibigang maaasahan sa lahat ng oras.

(Join: “Power Thinks” with Ka Mentong Laurel and guests; Every Wednesday and Saturday 6pm Live on Global Talk News Radio (GTNR) on Facebook and Talk News TV on YouTube)

Leave A Reply