MUKHANG napagod na ng husto ang front-liners na mga “Amboy” tulad nia Justice Antonio Carpio, Albert Del Rosario at Conchita Carpio-Morales, makaraan ng apat na taon na pulos “pagka-bokya” ng kanilang mga pagbanat laban sa Tsinan aa wala namang ibinungang maganda para sa Pilipinas.
Walang anomang positibong resulta ang “award” ng Permanent Court of Arbitration (PCA). Wala kahit isang pangako ni Justice Carpio ang nakuha natin; sabi niya noong 2016, magbibigay sa bansa ng “panalo” ang administrasyong Noynoy Aquino sa PCA dahil sa resulta. Zero.
Hindi tinanggap ng Tsina ang award, hindi napilitang sumunod, wala man lang 10 porsiyento ng United Nations (UN) ang naniwala sa “award” ng PCA.
Dagdag pa sa pagkapahiya ng mga Amboys at pagtatakwil ng mga myembro ng UN sa PCA “award,” noong nakaraang buwan ng Agosto, ibinoto ng 149 na bansa si Duan Jielong, ang Tsinong ambahador sa Hungary.
Hindi rin naman “nakakahiya” ang ‘resume’ ni Amb. Duan na kabilang na ngayon sa 21 “jurors” (huwes) sa International Tribunal on the Laws of the Sea (ITLOS), dahil law graduate siya ng Columbia University at China Foreign Affairs University.
Ang ITLOS ang pinaka-husgado ng UNCLOS o United Nations Convention on the Laws of the Sea.
Walang tumutol sa nominasyon at pagkapanalo ni Duan kundi ang Amerika.
Subalit, hindi ito pinansin ng mga miyembro ng UN dahil hanggang ngayon, ayaw pa ring ratipikahan ng ‘Tadong Unidos ang UNCLOS; kumbaga, wala silang “K” na magsalita at magreklamo sa mga usaping may kinalaman sa UNCLOS.
149 na mga bansa sa 166 na mga bansa ang bumoto para sa pagtalaga kay Duan sa ITLOS; 17 ang ‘nag-abstain’ bilang “pakunsuwelo-de-bobo” sa US pero, walang tumutol.
Ganyan na “kawawa” ang US ngayon na mistulang iniwanan na ng mga mga kaibigan at ka-alyado sa maraming isyu kauganay sa mga pinagkasuduan ng UN.
Dito naman sa Pinas, itong sina Carpio, Del Rosario, Carpio-Morales at mga kaalyado nilang mga komunista (CPP) ang masasabing mga “beterano” sa pakikibaka ng mga Amboys na sirain ang magandang relasyon ng Tsina at Pilipinas.
Pagkaraan ng apat na taon, wala pa rin silang mapakitang “panalo” sa kanilang mga amo at mga disipulo kundi mga propaganda ng mga Dilwang Media na dahan-dahan na ring lumiliit ang boses. Mukhang gastado na rin ang vocal chords nitong mga Amboy veterans na ito.
Kaya ngayon, kumbaga sa basketbol, pinapapasok na sa laro ang mga “bangko” sa “laro.”
Sila ay sina Cong. Rufus Rodriguez, Cong. Benny Abante Jr. at ilan pang mga ‘never heard.’
Si Rodriguez, umaangal sa “cell sites ng DITO telecom sa mga kampong militar” dahil sa isyu (daw) ng seguridad ng bansa.
Sagot naman ni Defense Chief Delfin Lorenzana – matagal ng meron ding Globe at Smart cell sites dyan. Ang Indonesian Salim group at Singtel ng Singapore ay may malaking shares sa dalawang telcos.
Ang “panghaharang” sa mga proyekto ng administrasyong Duterte kaugnay ang Tsina ay paghaharang ng Kano sa kaunlaran at kapakanan ng milyong-milyong mamayang Pilipino.
Sa DITO telco ay inaasahang maibabagsak ang singil sa telco service sa Pinas—kalahati ang presyo kumpara sa Globe at Smart.
Ang construction projects tulad ng Sangley airport ay malaking tulong sa ating turismo at sa kaban ng bayan subalit “iniintriga” rin ni “Uncle Sam.”
Ayaw ng Kano na umunlad ang Pilipinas samantalang sangkatutak ang mga kumpanyang Amerikano ang nagnenegosyo at kumikita ng limpak-limpak sa loob ng Tsina.
Ilang halimbawa, General Motors (GM) na mas maraming kotse ang naibebenta sa Tsina kaysa sa loob ng Amerika. Ang Apple, kung saan 25 porsiyento ng kinikita nito ay galing sa mga kostumer nito sa Tsian. Andyan din ang General Electric na inamin pang “pinakamahalaga nilang kostumer ngayon (most valued) ay ang mga infrastructure project sa loob ng China.
Magpapaloko pa ba ang mga Pinoy ngayon sa pananakot ng mga Amboy at ng kanilang among Amerika?
Sa tingin ko naman, HINDI NA!