Banner Before Header

Comm. Guerrero, huwag mong biguin si Pang. Duterte

0 278
SA KABILA ng napakaraming programa at reporma upang makontrol at mabawasan, kundi man tuluyang mawala, ang korapsiyon sa Bureau of Customs (BoC), nakadidismaya na sabihing bigong-bigo ang mga naging pamunuan ng ahensiyang ito.

Nakadidismaya na may mga yunit at opisina ng Customs na napaghihinalaang kasabwat o katulong sa mga iligal na gawain ng mga tiwaling importer at broker para makapandaya sa  buwis sa gobyerno.

Talamak pa rin ang sinasadyang pagkukulang sa pagtupad sa tungkulin, palusutan, panunuhol at iba pang pandaraya kaya nalulusutan ng mga kontrabandista o ismagler at mandaraya ang gobyerno. At ano ang resulta nito?

Bilyon-bilyong piso ang nawawala sa kaban ng bayan, at kapalit nito ang pagkakamal ng yaman sa ilegal ng mga korap na negosyante at mga kasabwat na tiwaling opisyal at tauhan ng Aduana.

***

Nito lang nakaraang buwan, P15.7 milyong pekeng sigarilyo ang naipuslit at muling nabawi ng awtoridad ng Aduana sa isang bodega sa Bulacan; P3.4-M misdeclaration ng ipinuslit na ukay-ukay; dalawang kompanya ang kinasuhan ng P300-M pandaraya sa buwis at marami pang ibang katiwalian na daan-daan milyong piso ang nananakaw sa bulsa ng bayan.

Wag na nating banggitin ang may P6.4 bilyong ismagling ng drogang shabu noong 2017, at mga katulad na kontrabando.

Trabaho ng Intelligence Group (IG) at Enforcement Group (EG) ng BoC na tumulong para masawata ang ismagling at iba pang palusot sa Aduana, pero kumbaga, tinimbang ito, pero kulang.

Ito yata ngayon ang nagpapasakit sa ulo ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero dahil sa halip na makatulong laban sa mga palusot at mas mapalakas ang koleksiyon ng buwis para sa Aduana, ibang kaban at bulsa ang lumalaki ang “koleksiyon”?

Sa halip na mapabilis ang maayos na daloy ng malinis na transaksiyon sa BoC, lumalabas, ayon sa maraming reklamo ng broler, kung ano-anong rekisitos at abala ang nangyayari kaya nababalam ang paglalabas ng kanilang mga importasyon at kargamento.

***

Ang reklamo, nakararanas sila ng panggigipit, sinasadyang pagpigil at pag-antala sa paglabas ng kanilang shipment.

Bunga ng panggigipit na ito, hindi mahirap isipin na pagmumulan ito ng korapsyon dahil mapipilitan ang mga importer at broker na magbigay ng suhol o padulas upang mawala ang mga dahilan sa pagka-antala ng paglalabas ng kanilang inaangkat na mga produkto.

Inirereklamo rin ang kaliwa’t kanang alert orders ng IG at EG sa mga shipments sa halip na ituon ang gawaing imbestigahan at habulin ang mga ismagler at mga mandaraya sa buwis ng bayan.

 

Mabigat ang hinala ng marami na kaya ginagawa ang mga panggigipit at pang-aabala ng grupong ito ay upang mapuwersa ang mga lehitimong stakeholder sa Aduana na magbigay ng tara, at ito ay siguradong alam na alam ni Commissioner Guerrero.

Matunog ang bulungan sa BoC, matabang-mataba na ang bulsa ng iilang tiwali sa IG at EG.

***

Kamakailan, ayon sa mga sources sa Aduana, nailabas o nailusot ang humigit-kumulang na 50 kargamento na maliit lamang ang binayarang buwis sa gobyerno.

Nangyari ito, ayon sa usap-usapan, dahil pumapel umano na “ninong” at nag-ayos ng mga dokumento para mapaliit ang babayarang buwis ay isang mataas na opisyal ng Management Information Systems Technology Group (MISTG) sa Customs.

Maluwag sila sa mga korap at ismagler pero sa matatapat at sumusunod sa batas sa Aduana, walang habas sila sa panggigigipit at panghuhuli.

Pero ang mga kaduda-duda at kuwestiyonableng importasyon, mabilis na napalulusot?

Iisa lamang ang maaaring maging sagot dito: nagkaroon ng suhulan.

Ayon sa mga nakakaalam, ang humigit-kumulang sa 50 shipment na ito ay nasa kategoryang “single entry” na tinatawag na general merchandise (GM).

Mabilis na nai-release o napalusot ang mga kartgamentong ito, na napakaliit o kapiranggot sa dapat na ibayad na buwis.

Ayon nga sa mga sources, ang lumakad sa mabilis na release ng mga kargamentong ito ay ang isang mataas na opisyal ng MISTG, at ang balita pa, malakas ang koneksiyon ng shipper sa tinatawag na Davao Group, ganun?

Lumalabas sa rekord na ang binayarang buwis ng mga kargamentong nasa kategoryang “GM” ay napakaliit lamang, at umabot lamang P160k ang pinakamataas na buwis na binayaran sa 1×40 container van?

Kung ang mismong grupong tulad ng IG at EG ay hindi maasahang tumulong upang makontrol ang katiwalian sa Aduana, lalong mababalewala ang hangad ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na “zero corruption” sa BoC.

Nabigo ang Pangulo sa dalawang naunang komisyonado na itinalaga niya sa Aduana.

Nabigo si Nicanor “Mang Kanor” Faeldon; wala ring gaanong nagawa laban sa katiwalian si Isidro Lapena.

Mabibigo ba ang Pangulong Duterte kay Comm. Guerrero?

***

Naniniwala tayo na hindi papayag si Guerrero na sa huling dalawang taon ng administrasyong Duterte ay iiwan niya ang Customs na may masamang reputasyon na pugad ng korapsiyon.

Buo ang tiwala natin sa kakayahan ng pamunuan ng Aduana na gagawin ang lahat upang mawala ang masamang batik ng katiwalaan sa Customs.

Nagtitiwala tayo na ang mga tiwaling tauhan sa Customs ay mauusig at maparurusahan.

‘Wag nang hintayin pa ni Comm. Guerrero na matulad ang BoC sa PhilHealth na ngayon ay binabagyo ng sunod-sunod na imbestigasyon ng Kamara, Senado, NBI, PACC, DOJ, atbp.

Bilang dating mataas na opisyal ng militar, malilinis niya ang Customs at hindi niya bibiguin si Pangulong Duterte!

Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

Leave A Reply