Banner Before Header

Comm. Yogi Ruiz, ‘matatag’ sa Customs!

0 356
UULIT-ULITIN ng pitak na ito na wala ni isang komisyoner ng Bureau of Customs (BoC) ang nagtagumpay na masawata at tuluyang mapatay ang talamak na ismagling – na hindi lamang malaking kalugihan sa gobyerno kungdi malaking perwisyo pa sa mga lokal na negosyo at produktong gawa ng mga Pilipino.

Ano mang smuggled item o produkto na pumasok – tulad ng bigas, karne, manok, peking duck, gulay o mga gamit at produkto, ito ay malaking kabawasan sa koleksiyon at malaking perwisyo sa obrerong Pilipino.

Todo sipag, todong trabaho talaga ang kailangan upang mabalian ng pakpak ang mga ismagler at mga kasabwat na pumeperwisyo sa loob at labas ng gobyerno.

Pero hindi basta patitinag ang mga sindikato na kumikilos sa loob ng Aduana dahil may mga protektor ang mga ito sa ‘itaas.’

Patunay rito ang wala pa ring puknat na nakalulusot na mga smuggled items lalo na sa outports na pakana ng ilang grupo upang hiyain at ipamukha kay Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na hindi ito karapat-dapat (worthy) sa kanyang tungkulin, sanabagan!

Kakatwang mula sa mga kakampi ng pamahalaang ito ang nagpapakana nito, dahil sa ambisyon ng ilan na humahabol at umaasang maupong komisyoner.

Totoo man ito o hindi, hindi ito hadlang upang ang todo-giyerang gustong gawin ni Comm. Ruiz laban sa korapsyon at ismagling ay lubos na magtagumpay sa pagpatay sa lahat ng katiwalian at kabulukan sa Customs.

***

Tulad ng opisyal ng pamahalaan, ang mga miyembro ng media ay may mga tungkulin ding ginagampanan, at ito ay ang maghatid ng impormasyon, mga balita at magpahayag ng kanilang opinyon tungkol sa mga isyung apektado ang pamahalaan at ang buong bayan.

Kaya ang tungkulin na ito ng media ay hindi dapat sisihin dahil parte ito ng kanilang trabaho and that those in public office should not be onion-skinned because being written about – whether positively or negatively – is part of being a public servant.

Muli ay ineengganyo ko ang mga kapatid ko po sa pamamahayag na ilantad ang mga maling gawain ng mga tauhan at opisyal ng pamahalaan.

***

Ilang milyong piso ba ng pera natin ang inuubos ng mga mambabatas sa Kamara at Senado para talakayin ang isang panukala hanggang sa mapagtibay at malagdaan ng Pangulo para maging batas ng bansa?

Marahil ay bilyong piso, ano po?

Bilyon-bilyong piso ang alawanses, pork barrel, mga kung ano-ano pang gastusin at luho ang ibinibigay natin sa ating mga mambabatas.

Ang mabirong pananaw nga ng isang kaibigan: Kung magpanukala kaya na anim na taon muna na isuspinde ang eleksiyon sa Kongreso at ang pasahod, at iba pang pondo ng Senado at House ay gastusin sa problemang dinulot ng COVID-19 pandemic, rehabilitasyon ng mga sinalanta ng bagyo at mga kalamidad?

At ang mga tiwaling mining companies, crushing plants, ilegal na construction companies, illegal logger, mga mandarambong sa kalikasan ay obligahing magbigay ng pera nila para sa pagpapayaman sa kalikasan natin?

Ano sa palagay n’yo mga masugid kong tagasubaybay at mga kababayan, papayag kaya ang mga Honorable Senators at Honorable Congressmen natin sa ideyang ito?

***

“Walang pera ng taumbayan ang involved sa ginagastos namin!”

Ilan lamang po ito sa mga istilo ng mga nagnanais maupo sa kapangyarihan. Pera raw nila ang ginagastos?

Eh, kelan ba sila gumastos ng sarili nilang pera?

Kung ‘yun ngang pera ng bayan na ipinapagpagawa sa mga basketball court at waiting sheds na pera ng taxpayers ay kung ipangalandakan sa kanilang karatula ay “Project of Kongressman Tongpats,” paniniwalaan natin na “pera namin ang aming gagastusin” na sinasabi ni Honarable Solon?

Imagine, katakut-takot na gastusin sa infomercials ang pinapakawalan ng mga taong ito para lang paglolokohin ang sambayanang Filipino na pera nila ang kanilang ginagastos.

Ang laki pong pera ito na kung ibibigay sa mahihirap at ipagpapagawa ng additional classrooms o ng kalsada o pantustos sa problema sa kalusugan ng ating mamamayan, ang ganda sana!

Kaso, manhid po yata ang mukha at singkakapal ng balat ng buwaya at rhinoceros ang mukha nila, kaya kahit nagagalit ang taumbayan, sige pa rin sila.

Kung totoo ang milagro ng mga prayer at mga kulto-kulto o mga seremonyas ng mga mangkukulam , pwede bang ipagdasal na maglaho na sila na parang mga bula?

Para medyo matahimik naman ang taumbayan sa kanilang mga walang katuturang paglulustay sa pera ng bayan!

***

Maraming kurso na iniaalok ng mga kolehiyo at unibersidad ay hindi tumutugma sa malaking pangangailangan ng labor market dito at sa ibang bansa.

Sa ibang bansa, ang kailangan pa rin doon ay manual work tulad ng mga welder, carpenter, laborer, ITs, nurses at mga inhinyero at iba pang gawain may kinalaman sa agrikultura, construction at iba pang lakas paggawa.

Dito dapat na ituon ng pansin ng mga paaralan ang kanilang kurikula at hindi sa kinamihasnang kursong “white collar job.”

Umaalma rin ang mga magulang dahil sa susunod na pasukan, na face to face na nga, aarangkada na naman ang mataas na tuition, matriculation fees at iba pang bayarin sa mga paaralan.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bambipurisima@yahoo.com).

Leave A Reply