Banner Before Header

‘Cong. Teves is innocent’

0 174
“MURDERER! Guilty as charged!”

Ibang klase talaga tayo, wala pang pormal na imbestigasyon, wala pang resolution ang piskalya, at wala pang court hearing, ang dami nang nagsasabi, si Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves ay guilty na sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at iba pang tao.

Lalo na yung ibang vlogger kung magsalita, akala mo, nandun sila sa pangyayari nang mapatay ang gobernador, at agad-agad, dahil may “confession” daw at may affidavit ang mga nadakip na suspek — na itinuturo si Cong. Teves na ang utak sa Degamo murder, ang birada, si Teves daw ay murderer, at guilty as charged.

Itong idol nating Sen. Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla, aba ano ang sabi, “flight is an indication of guilt” kasi raw, atubili o hindi pa uuwi si Teves para harapin ang kaso — na siya ang itinuturong mastermind sa Degamo killing.

Idol Bong, bago po nangyari ang March 4 killing, nasa US na si Teves kasi, siya ay nagpapagamot, anong “flight” (pagtakas) ang sinasabi niya?

Kung nandito si Teves nang mangyari ang krimen, saka lumipad pa-US, yun ang “flight.”

Saka, paalaala po sa matatalino kong kapwa journalist, sa huling pagbasa ko sa ating batas at sa batas sa ibang bansa, nakalista na may mga fundamental rights ang isang akusado — kahit pa nga sa opinyon ng iba ay ‘guilty’ na nga siya.

Ang isang suspek o akusado ay pinaniniwalaan, itinuturing na walang kasalanan, hanggang hindi napatutunayan ng hukuman na may kasalanan nga o siya mismo ang gumawa ng krimen na ibinibintang sa kanya.

‘Yun ang ‘presumption of innocence.’

Uuwi si Teves, sabi ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand ‘Ferdie’ Topacio, at handang harapin ang ikinakaso sa kanya, pero atubili dahil sa takot na saktan o mapatay.

Maraming kaaway sa politika si Teves, at maugong ang bali-balita may mga grupong nais siyang patahimikin.

Saka, Idol Bong, ang isang accused po ay maraming “rights” na kaloob ng ating batas, na dapat ay alam mo dahil ilang beses ka na ring nakulong dahil lang sa maling bintang, hindi ba?

Hindi kailangan na patunayan ni Teves na inosente o wala siyang kasalanan, kasi trabaho ng taga-usig o ng prosekyutor na magpatunay na ang hawak na ebidensiya, testigo, at iba pang dokumento ay magpapatunay na si Teves nga ang “kriminal.”

Mabigat ang kasong murder at frustrated murder na kaso laban kay Teves na kailangang gawin ng tagausig o ng prosecuting lawyer.

Dapat mapatunayan ng taga-usig na ang akusado ay totoo nga, walang duda, walang alinlangan na siya ngang gumawa ng krimen.

The prosecutor must prove that the accused is guilty “beyond reasonable doubt.”

Kung makita ng judge na kulang ang ebidensiya o may mga makatwirang dahilan para magduda na ginawa nga ng akusado — sa isyung ito — ay si Teves nga ang utak sa krimen, Teves must be found not guilty.

Dapat siya ay “mapawalang sala” — in other words, the accused will be acquitted.

***

Eto pa: Hindi lang si Teves ang binibira, pati ang tatlong abogado nito — sina Atty. Ferdie Topacio, Atty. Toby Diokno at Atty. Edward Santiago.

Why defend Teves eh sa “dami” (daw) ng testigo, affidavit at nakuhang ebidensiya, kitang-kita na raw na “guilty” na ang kliyente nila.

Lalong kailangan ng isang pinaniniwalaang guilty nga na mabigyan siya ng pagkakataong idepensa ang sarili, kasi sa paglilitis, maipakikita na ang mga ebidensiya ay totoo, hindi gawa-gawa lang, at ang mga testigo, sa cross examination, mapatutunayang totoo ang sinasabi at hindi nagsisinungaling.

Sa paglilitis, duon maipakikita na ang akusado nga ang gumawa ng krimen, at sa pamamagitan nina Topacio, Diokno at Santiago, nasisigurado na nabibigyang proteksiyon ang karapatan ni Teves, at maipapakita na ang mga pulis, ang mga prosekyutor at ang huwes ay totoo ngang masunurin sa batas.

Naalaala ko ang sinabi ng iskolar na si Monroe Freedman, sabi niya, “A lawyer who defends the accused embraces the dignity and humanity of the individual in the face of a powerful and sometimes oppressive system.”

Kasi, sa kasong haharapin ni Teves, ang buong makinarya ng gobyerno ang kalaban niya — ang pulisya, ang mga ahensiya ng gobyerno, ang buong mamamayang Pilipino.

Gobyerno, mamamayang Pilipino ang kalaban ng akusado!

Kung nanaisin, magagawa ng gobyerno na mapatunayang “guilty” nga ang isang inosente sa “paglikha” ng mga ebidensiya, at makakuha ng testigo na magsasabi ng iuutos ng gobyerno na gawin.

Isang halimbawa nito ay ang hatol na “guilty” ng Senado sa impeachment hearing laban kay dating Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona sa paratang na ill-gotten wealth at korapsyon pero sa huli ano ang sabi ng Supreme Court?

Not guilty si Corona sabi ng SC!

Namatay sa sobrang lungkot at pighati si Corona na walang kasalanan pero pinatalsik ng Senado dahil sa galit ng gobyerno ni dating Presidente Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Kasi, ang Corona court ang nag-utos na ibigay sa mga magsasaka ang lupa ng Hacienda Luisita na noong panahon ni Cory Aquino ay exempted sa comprehensive agrarian reform.

Sa Privilege speech sa Senado noong 2012, ibinulgar ni Revilla na sinundo siya ni dating Interior Sec. Mar Roxas, dinala sa Bahay Pangarap sa Malakanyang at duon, personal na hiniling ni PNoy na i-convict niya si Corona — na nangyari nga dahil maraming senador ang bumoto na sibakin si Corona sa SC.

At makaraan, ang mga bumoto laban kay Corona ay tumanggap ng dagdag na Priority Development Assistance Fund (PDAF) na P50-M!

Sa kaso ni Teves, kahit pa sabihing “guilty” na siya sa mata ng publiko, tandaan siya ay INOSENTE hanggang di napatutunayan at nahahatulan ngang guilty!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply